Facebook

Ang daming manloloko

MATAGAL nang napakahirap ng buhay ng napakaraming Filipino.
Hindi pa man pangulo si Rodrigo Duterte ay talamak na ang kahirapan sa halos lahat ng panig ng ating bansa, kundi man lahat.

Naging masahol ang mahirap nang buhay ng napakaraming Filipino nitong nakalipas na taon dahil sa mga desisyon ni Pangulong Duterte upang makontrol ang pananalasa ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19), kabilang na ako.

Ngunit, ang kaibihan ko sa karamihan ay hindi ako nanloko sa kapwa ko.

Hindi kaparis ng iba na idinadahilan at ginagamit ang COVID – 19 upang makapanloko sa kapwa.

Mayroong mga malalakas ang panggangatawan, ngunit ‘nanghihingi ng tulong’ dahil bahagi raw siya ng organisasyon ng persons with disability (PWDs).

Ginawa raw niya ito kahit galing siya sa malayong lugar dahil kailangang-kailangan ng PWDs ng pera upang ipangtustos sa pang-araw araw na pangangailan at gastusin.

Walang masama na manghingi sila ng tulong sa kapwa dahil kung talagang PWDs naman ay isa ito sa mga paraan upang mabuhay sila.

Ngunit, hindi bulag ang nanghihingi ng tulong.

Hindi rin duling, hindi putol ang kamay o daliri, hindi pilay at lalo hindi putol ang dalawang paa.

Hindi nga nakasuot ng makapal na salamin.

Pero, PWD raw siya.

Pokaragat na ‘yan!

Mayroon namang namatayan.

Ang nakapagdududa, marami silang nagbabahay-bahay at kada linggo ay bumabalik at nanghihingi ng abuloy dahil yumao na ang kanilang kamag-anak.

Kada isang linggo ay may namatay na mahal sa buhay?!

Pokaragat na ‘yan!

Mayroon namang mga estudyante na nanlilimos upang makabili ng laptop dahil kailangang-kailangan daw sa online class.

Dalawang beses nagpunta ito sa aming bahay, ngunit magkaibang grupo ng mga babaeng estudyante.

Pokaragat na ‘yan!

Ang iba naman ay ang mga nangungupahang hindi nagbayad ng renta sa napakahabang buwan dahil nawalan ng trabaho dahil sa COVID – 19.

Hindi rin nagbayad ng kuryente at tubig dahil wala ngang kita dahil sa COVID – 19, ngunit kung makanood sa TV ay mistulang hindi nauubos ang palabas sa TV.

Kung makapindot sa cellular phone ay parang ito na lang ang trabaho mula umaga hanggang gabi araw-araw.

Tapos, lalahok sa panawagan ng mga mahihirap na pamilyang nanawagan sa administrasyong Duterte na tulungan sila dahil sa sobrang hirap nila.

Wala silang kita sa panahon ng COVID – 19, dahilan upang hindi sila makabayad ng kuryente.

Pokaragat na ‘yan!

Totoo pong mas masahol kung manloko ang napakaraming opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, ngunit hindi ito dahilan upang ang mga opisyal na lamang ng pamahalaan ang bibigwasan natin sa nagaganap na kalokohan sa ating bansa.

Maging sa hanay ng pangkaraniwang tao ay napakarami ring manloloko sa kanilang kapwa.

Hindi maipagkakaila ng sinuman na halos maya’t maya at araw-araw ay nararanasan natin pare-pareho ito.

Kaya, nararapat lamang na punahin at bigwasan ang mga manlolokong parte ng pangkaraniwang tao.

Walang masamang humingi ng tulong kung talagang kailangan.

Ginagawa ko rin ito dahil kailangan ko talaga ng pera pambili ng mga gamot, bitamina at iba pa dahil sa diabetes ko.

Ang matindi kasi sa diabetes ko, sumabay ang panghihina ng pangangatawan ko, hita, binti at paa, dahilan upang ‘di ako makapaglakad at makakilos nang mabilis.

Buwan-buwan din ako humihingi ng tulong sa mga kakilala at kaibigan para sa mga pangangailangan ko.

Wala akong magawa dahil sapul na sapul ang suweldo namin hanggang ngayon.

Kung tutuusin, PWD na ako dahil sa sobrang labo ng mata ko.

Sabi ng doktor, matindi na ang epekto ng diabetes ko sa mga mata ko.

The post Ang daming manloloko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ang daming manloloko Ang daming manloloko Reviewed by misfitgympal on Marso 28, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.