UMAPELA si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng chairman at opisyal ng barangay na isantabi muna ang pulitika pagdating sa pagbabakuna ng kanilang nasasakupan na kailangang-kailangan at nararapat na protektahan laban sa coronavirus sa gitna ng muling pagsirit ng kaso nito.
Ginawa ni Moreno ang apela matapos na makatanggap ng ulat na may mga brgy chairman na wala talagang pakialam at interes na mabakunahan ang kanilang mga nasasakupan. Dahil dito ay nangako ang alkalde na ibubulgar nya ang mga pangalan ng chairman at upang maipaalam sa kanilang mga nasasakupang barangay ang kawalang malasakit na lalo na pagdating ng eleksyon kung saan manliligaw ng boto ang mga ito.
“Ipapaalam ko sa inyo ang ginawa ng chairman pagdating ng halalan nila. Me data kami kung ano ang ginawa nila. May mga chairman, when the team arrived, andiyan na bakuna, nagsalita na wala akong pakialam diyan bahala kayo,” ayon kay Moreno na nagsabing isa ring chairman ang bigla na lamang umalis ng walang pasabi.
Samantala ay labis namang hinangaan ng alkalde ang ibang barangay chairman na responsable at nakipagtulungan sa pamamagitan ng paghahanda ng mga kailangang gamit tulad ng tents, silya at lamesa. Pinasalamatan din ni Moreno ang mga kagawad ng barangay na siyang gumawa ng tungkulin ng mga chairman na walang pakialam sa pagbabakuna at hindi pa pinapangalanan.
Pinangunahan nina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan ang pagbabakuna sa may 1,309 senior citizens nitong weekend sa 12 itinakdang lugar.
Si Lacuna na isa ring doktor ay tumulong sa pagbabakuna at nagsabing walang anumang adverse effects sa senior citizens ang natanggap nilang bakuna.
“Nalulungkot ako dahil chairman ito, dapat katulong n’yo. Kung pagsalitaan ‘yung MHD (Manila Health Department). Di man lang nag-isip linggo, nagtatrabaho. Meron diyan iniwan lang ang barangay, ni ha ni ho wala. Sasabihin ko mga pangalan.. pupunta ako sa barangay ninyo pag sila ay magpapaboto na ulit sa inyo ng pagiging chairman,” galit na pahayag ni Moreno.
Pinasalamatan ng alkalde sina Lacuna at Pangan gayundin ang mga encoders, vaccinators, assessors at iba pang kawani na tumulong sa matagumpay na pagbakuna sa mga senior citizens noong Linggo nang walang nilalabag na batas na itinakda ng pamahalaan para sa nasabing pakay.
Sinabi ni Moreno na dahil sa mga brgy chairman na ito ang dahilan kung bakit ang ilang lugar sa Maynila ay may napakataas na kaso ng COVID-19 infection.
“Buti me mga kagaawad na matino, sinasalo. Ito ay kaligtasan ng ka-barangay nyo dahil pag nagkahawa-hawa, uubusin kayo sa barangay alam nyo yan kaya nga may lockdown. Minsan magtataka ka mga barangay ang daming impeksyon. Baka dahil walang paki ang chairman,” pagdiin ng alkalde.
Samantala ay nanawagan si Moreno sa mga kabataan na tulungan ang kanilang mga nakatatandang miyembro ng pamilya na magrehistro sa manilacovid19vaccine.com upang makakuha ng slots para sa bakuna.
Sa kabila na tumatanggap ang pamahalaang lungsod ng walk-ins, ito ay nakakapagpabagal ng proseso ng pagbabakuna. (ANDI GARCIA)
The post Chairmen na walang pakialam sa bakuna, papangalanan ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: