Facebook

Batang paslit

ISANG pangkaraniwang salu-salo sa isang piging ang nauwi sa talastasan ng magkasalungat na tinatayuan hinggil sa usaping bayan. Hindi tuwirang magkakaiba ang tinatayuan subalit kailangan kilitiin ang isip ng paslit na kausap at piniling pumakabila ng tindig upang malaman ang saloobin ng batang paslit na may kahusayan sa usaping araling panlipunan.

At sa layon na gisingin ang ‘di batid na imahinasyon at diwa ng batang paslit na may malalim na pang-unawa sa nagaganap sa lipunan, minabuti ang tumindig sa kabila ng kanyang paniniwala at tumindig na ayunan ang kapalpakan ng pamahalaan ni Totoy Kulambo. Kahit sukang-suka sa tindig na ito, naging bigay todo ang tindig upang mapalabas ang kaisipan ng kausap sa pambansang isyu.

At sa murang edad, mababatid na ‘di na tanggap ang nakikitang pagmamalabis sa kapangyarihan ng kasalukuyang pamahalaan. Hindi nais marinig o makita ang pangalang “Duterte” si Inday Sapak, Totoy Kulambo maging si Bongoloid. Na ayon sa kanyang kaalaman ang mga ito ang dahilan ng dinaranas na kahirapan ng bayan at mamamayan. Kitang-kita sa mukha o sa mata ng paslit ang pagkadismaya habang inuusal ang Inferior Leaders ng Davao.

Mga ilang punto na laman ng talastasan na ikinagulat at kinagiliwan na nagbunsod ng sulating ito.

Sa mga taong nagnanais na tumakbo sa Halalan ’22, bilang tindig sa kabila ng bakod, binanggit ang pangalan ni Inday Sapak at Bongoloid bilang posibleng mga kandidato para sa panguluhan. Malinaw sa paslit na ang hangad ng mga ito’y maipagpatuloy ang bulok na sistema na inilatag at makaiwas sa mga asunto sa pagbaba ni Totoy Kulambo.

Hindi lingid sa kaalaman nito na maraming kabalastugan ang ginawa ng IDG (Inferior Davao Group), ang pagbebenta sa mga Isla sa WPS sa mga Intsik na ibig kontrolin ang dagat na pangunahing daluyan ng negosyo sa mundo na pag-aari ng bansa. Nabanggit ang kabi-kabilang paglabag sa karapatang-pantao, ang laban sa droga na kadalasa’y nauuwi sa mga patayan na laging biktima ang mga Pilipinong nasa laylayan. Halimba ang pagpatay kay Kian na dapat pogi points ng pulisya, subalit bukol sa imahe ng Mamang Pulis. At hindi ito katanggap-tanggap sa paslit kahit nagkaroon ng bayaran sa mga magulang ng biktima.

Sa usaping pandemya, inusal ng paslit na ang pamahalaang ito’y walang kayang gawin kundi sisihin si Mang Juan sa muling pagdami ng may pandemya. Ang kawalan ng disiplina ng mga Pinoy ang tinuturong dahilan ng pamahalaan sa muling pagdami ng C19. Kahit kailan, hindi nakitaan ang pamahalaan ng responsibilidad na akuin ang mga kamalian o kahinaan ng mga alituntunin na kanilang ipinatupad. Kulang ang konsultasyon na nagaganap sa mga tauhan o eksperto na pinapasahod ng bayan upang magbigay payo at impormasyon kay Mang Juan kung paano pigilin ang pagkalat ng pandemya.

O sadyang walang paki alam sa pagkalat ng pandemya dahil sa pagbubukas ng ekonomiya. Kagyat lang lumabas ng bahay si Mang Juan ang resulta’y kabaligtaran. Tumaas ang kaso ng pandemya, bugbog muli ang mga healthcare workers at ang baya’y patuloy na nababaon sa utang maging sa kahirapan. Ang pagaling na si Mang Juan ngayo’y nabinat dahil sa kapabayaan at maling kautusan ng pamahalaan.

Sa pagbanggit sa pangalan ng IDG, nasabi ng paslit na ‘di tama na laging pinag-uusapan higit sa social media ang pangalan ng sino man dahil itinutulak paitaas ang pagkakilala sa mga pangalan ng mga ito at mapapanatili sa kaisipan ng tao. At sa isang maling desisyon sa ’22, maaari maging kalamangan dahil naitanim sa isip ng mga manghahalal ang pangalan nito.

O’ sa isang pagkakataon na bumisita ito sa kanilang mga lugar, ang magpalit ng isip sa halagang isang libo’y hindi kawalan sa kanila. Subalit ang patuloy na pag-iral ng mapaniil at mapanggagong palakad sa bayan ay papasanin ni Mang Juan sa mga susunod na panahon. Tama ba ang obserbasyong ito?

Sa mabungang talastasan ng magkakasalungat na diwa tungkol sa mga usaping baya’y maaaring paghugutan ng kaalaman at magamit na tutugon sa usaping bayan. Sa karanasan, magandang makita na isang batang paslit ang tumayo at nakipag-palitan ng tindig sa mga usaping bayan na karaniwang nababasa sa social media o mismong media o pagtatalakay ng mga eksperto sa usaping bayan. Napag-usapan sa talastasan ang mga taong nagnanais maging lider ng bansa at kung sino ang may kalidad upang pamunuan ang bansa.

Sa ganang akin, nagbigay kamulatan ang talastasan at nakapulot ng aral sa paslit na bata na ang inaasaha’y maasar lamang sa uusalin na manggagaling sa isang may edad na tulad ko. Subalit hindi nagkulang sa sukli sa ginanapan at napahanga sa talas ng isip ng batang paslit na ang paglalaro lamang ang alam niyang daigdig.

Salamat at natiis kong yakapin ang tindig na ‘di ko akalain na kapupulutan ng aral, ang bata ang kinabukasan ng bayan. Kaya’t huwag maliitin ang kapasidad ng bata sa mundo, ‘di man puro ang hubog ng katawan subalit ‘di matatawaran ang kanilang kaisipan.

Sa karanasang ito, iisa ang konklusyon, na ang pamahalaan ni Totoy Kulambo’y inilalagay ang bayan sa kumunoy ng kahirapan, kawalang pag-asa, kawalan ng direksyon, mababang morale at sandamakmak na kamatayan… Bayan matitiis nyo pa ba ang isang Duterte sa hinaharap? Kung ang bata’y mulat na ano naman tayo?

Maraming Salamat po!!!

dantz_zamora@yahoo.com

The post Batang paslit appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Batang paslit Batang paslit Reviewed by misfitgympal on Marso 24, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.