HINDI tumitigil si Senator Christopher “Bong” Go sa pagbibigay ng ayuda sa mga Filipino na pinabagsak ng kasalukuyang krisis para makabangon, kagaya ng mga pamilyang nasunugan sa Leon Garcia sa Agdao, Davao City at sa Navotas City sa Metro Manila.
“Mga kababayan ko, huwag po tayong mag-alala dahil hindi kayo pababayaan ng gobyerno. Mag-cooperate lang tayo, magtulungan at magbayanihan. Malalampasan rin natin ang lahat ng pagsubok na ating hinaharap sa panahong ito,” ayon kay Go.
“Handa kami ni Presidente Rodrigo Duterte, Mayor Sara, Vice Mayor Baste, Congressman Paolo Duterte at Congressman Vincent Garcia na magserbisyo sa inyo sa abot ng aming makakaya,” sabi niya sa mga residente ng Leon Garcia.
Umaabot sa 66 benepisyaryong pamilya ang nabiyayaan ng makakain, food at medicine packs, bitamina, medical-grade masks at face shields sa aktibidad na isinagawa sa Leon Garcia Sr. National High School.
Ilang piling indibidwal ang binigyan ng mga bagong sapatos, bisikleta at ang iba ay computer tablets para magamit ng mga bata sa kanilang blended learning.
Bilang parte naman ng government efforts na makapagbigay din ng ayuda sa mga komunidad na nagrerekober sa krisis, nagsagawa naman ng assessment ang National Housing Authority sa mga kabahayan o tahanan na nangangailangan ng repair sa kanilang mga nasunog na tirahan.
“Malaki ang aking pasasalamat dahil nakatanggap ako ng bicycle at ng iba’t iba pang assistance. Salamat talaga, Senator Bong, para sa tulong ninyo sa aming mga nasusunugan!” ang sabi ni Cesar Agabon.
“Nagpapasalamat rin kami sa NHA dahil sa wakas makakapagpatayo na kami ng aming mga bahay! Maraming salamat rin kay Senador para sa dinala niyang tulong dito sa aming lugar,” idinagdag ni Amelita Malata.
Sa Navotas City, naghatid din si Senator Go ng ayuda sa 26 pamilya na binubuo ng 62 biktima ng sunog noong February 20, 2021 a Barangay Tangos South.
Sa kanyang mensahe, pinayuhan ng senador ang mga nasunugan na patuloy na mag-ingat at manatiling mapagbantay sa patuloy na pagtaas ng bagong kaso ng coronavirus disease sa bansa.
“Ingat po kayo parati. Sumunod tayo sa gobyerno. Magsuot ng mask at face shield, mag-social distancing, maghugas ng kamay at, kung hindi naman po kailangan, ay huwag munang umalis ng inyong mga pamamahay,” ang payo ni Go.
“Huwag ho kayong mag-alala, unti-unti na pong dumarating ang mga bakuna. Inuuna lang po ang mga frontliners. Susunod naman po kayong mahihirap. Sinisigurado ng ating gobyerno, ni Pangulong Duterte, na makakaabot po iyan sa inyo,” ang paniniyak ng senador.
Sinabi ni Go na nananatiling bukas ang kanyang opisina at laging nakahandang tumulong sa mga nangangailangan sa abot ng kanyang makakaya. (PFT Team)
The post Bong Go, patuloy sa pag-ayuda sa mga Pinoy na pinabagsak ng krisis appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: