Facebook

Kakampi ng mga api o pang-eleksyon

UNTI-UNTI nang nagsusulputan ang mga organisasyon, samahan o grupo upang maisulong ang kani-kanilang agenda sa darating na eleksiyon sa susunod na taon. Ang iba pa nga sa kanila ay nagpapanggap munang kaagapay ng mga inaapi, mahihirap at mga nawawalan ng pag-asa. Kalaunan, ang mga nahikayat na sumama at sumapi ay gagamitin lamang pala sa kanilang mga hangaring mangyari sa susunod na halalan.

Isang halimbawa. Itong nagpapakilalang Investigate PH. Sa kanilang website sinasabing binubuo ito ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo na ang layunin ay alamin daw ang kalagayan ng karapatang pang-tao dito sa Pinas, at naka-angkla ang kanilang organisasyon sa ulat ng Office of the United Nation High Commissioner for Human Rights (OHCHR) ng taon 2020.

Karagdagang ulat daw ang kanilang ibibigay sa OHCHR para sa taon na 2021 upang papanagutin ang mga lumalabag sa karapatang pang-tao dito sa ating bansa, sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ang kanyang mga kasama sa administrasyon na naglagay sa karapatang pangtao sa krisis.

Agad pinalagan siyempre ng aking boss, si Presidential Communications Operations Office na si Secretary Martin Andanar, ang kanilang ” malisyosong” pahayag. At kanyang ipinaliwanag na ang kasalukuyang Duterte Administration ay patuloy na gumagalang sa karapatang pangtao ng sinoman, at ito ay gumagana alinsunod sa mekanismo ng batas.

Sa pagpapalawig pa ng kanyang paliwanag, sinabi ng kalihim na ang lahat ng may katungkulan sa pamahalaang ito ay may kakayahan at pilit na nilalabanan ang mga naghahari-harian sa bansa sa pamamagitan ng tamang pamamahala at legal na batayan at mga proseso.

Hindi nga naman dapat agad paniwalaan ang organisasyong ito. Una, sa punto pa lamang ni Secretary Andanar, ang Investigate PH ay walang kinabibilangang kilala at iginagalang na mga “global” o pandaigdigang institusyon.

Ginagamit lamang nito ang isyu ng karapatang pangtao laban sa mga namumuno ng Pilipinas, dala ng pang-sariling adhikain o agendang politikal – ang makasira ng mga karakter o pagkatao ng mga nasa gobyerno.

Kahina-hinala ang kanilang mga galaw at layunin. Kaya nanawagan si Secretary Andanar sa publiko at sa lahat ng Filipino na huwag padala sa mga pahayag ng organisasyong halata namang pulitika lang ang motibo.

Mas kapani-paniwala naman talaga ang pahayag ng kalihim dahil kitang-kita ang nasa likuran ng organisasyong ito ay ang tinatawag na “dirty politics” at nakaumang lamang na guluhin ang ating mga pagiisip upang maloko tayo sa darating na halalan sa 2022.

Sila nga dapat, sa aking palagay, ang dapat imbestigahan. Halatang-halata na nais nitong maki-alam sa lokal at nasyunal mang halalan upang maisulong ang sarili nilang mga agenda. Imbes na manira, dapat ang kanilang itinutulak ay ang ikabubuti ng lahat at ng bansa.

Dapat pa ba natin paniwalaan ang mga ganitong samahan na nakatuon lamang sa halalan?

The post Kakampi ng mga api o pang-eleksyon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Kakampi ng mga api o pang-eleksyon Kakampi ng mga api o pang-eleksyon Reviewed by misfitgympal on Marso 30, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.