KASUNOD ng tila ligal na pagpapatakbo ng kontrobersyal na “Pit Master Live Sabong Online” ng gambling icon na si Atong Ang sa bayan ng Sta Cruz, lalawigan ng Laguna, nagsulputan na din ang kabi-kabilang operasyon ng mga iligal cockpit na kilala rin sa tawag na tupadahan sa Rehiyon ng Timog katagalugan o CALABARZON.
Kapag tupadahan naman ang pag-uusapan, ay wala nang uuna pa sa kasikatan sa iligal na pasabong sa kaharian ni Taysan, Batangas Muncipal Mayor Grande P. Gutierrez na matatatagpuan sa Brgy. Pinagbayanan.
Sikat ang nasabing illegal gambling den pagkat kahit na matagal na ding nag-ooperate ito ay wala naman itong huli, hindi tinitinag ng kapulisan o ng alinmang law enforcement operating unit ng mga awtoridad.
Ayon mismo sa ating police insider at maging sa ilang barangay kagawad sa nasabing bayan ay may malalim na dahilan kung bakit “untouchable” at napakalakas ng pustahan sa nabanggit na tupadahan na pinamamahalaan ng isang alias Bedung.
Si Bedung, na hayag ding operator ng jueteng sa Taysan ay nagpapakilalang pang isa sa katiwala ni gambling genius, Atong Ang, at ang nasabing illegal cockpit ay mismong ang kanyang Boss Atong ang operator.
Walang operasyon ang mga licensed cockpit sa buong CALABARZON ( Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) harap ng naghaharing pandemya, ngunit ilang tupadahan ang regular na nakapagpapasabong sa Batangas kahit sa gitna nga ng pandemic.
Katunayan umaabot sa may 50 sultada araw-araw sa naturang tupahan at may nagpapasugal pa doon ng color games, sakla at cara y cruz malapit lamang sa ruweda ng tupadahan. Dinudumog ang pasabong at ang mga iligal na pasugalan ng mga sugarol na karamihan naman ay walang face mask at face shield.
‘Balewala at hindi rin sinusunod doon ang mga ipinatutupad na health protocols ng COVID 19 Inter-agency Task Force for the the Management of Emerging Infectious Diseases( IATF).
Kaya naman di katataka-taka na kahit may kaliitang bayan lamang ang Taysan, ay pumapalo na hanggang kahapon sa 145 ang dinapuan ng COVID 19 at tatlo sa mga ito ay nangamatay. Kapag di nasupil ang operasyon ng tupadahan at mga sugalang ito sa nasabing barangay ay asahan na ang lalong pagdami ng tatamaan ng nakamamatay na virus.
Bagama’t labag ito sa batas, ay dinadayo naman ng mga malalaking farm operator hanggang sa ultimong mga construction worker at minero sa iligal na minahan at quarry na talamak ang operasyon din sa nasabing munisipalidad.
Pakiramdam ng mga magsasabong doon ay protektado sila, walang bulilyaso at tiyak na hindi magkakaroon ng hagaran sa pagitan ng mga pulis at ng tulad nilang sugarol pagkat nakataya nga ang pangalan ng bilyonaryong si Atong Ang sa tupadahang nakatayo sa Brgy. Pinagbayanan sa Munisipalidad ng Taysan at boundary ng Brgy. Tulos sakop naman ng karatig na bayan ng Rosario.
Sa pakikipag-ugnayan ng SIKRETA kahapon kay Taysan Police Chief, P/Capt. Joebeth de Castro, kinumpirma nitong hindi nasasakupan ng kanyang hurisdiksyon ang tupadahan ni alias Bedung.
Aniya, wala siyang ideya kung totoo ang nakakarating na ulat na si Atong Ang nga ang tunay na operator ng big time na tupadahan o dummy lamang nito si alias Bedung.
Gayunman, tiniyak ni De Castro na agaran nitong sasawatain ang operasyon ng nasabing illegal cockpit. Di naman natin nakontak si Batangas PNP Provincial director, P/Col. Rex Arvin Malimban para kunan ng kanyang komento.
Inaasahan nating masosulusyanan agad ni Capt, de Castro ang reklamo laban sa operasyon ng nasabing tupadahan at mga pasugalan doon ngayon na di na kailangan pang makiaalam dito sina Col. Malimban at PNP Region 4-A director, P/Brigadier General Felipe Natividad.
TAKOT SA GIYERA SI PRRD!
Dear Sikreta,
Narinig po namin ang broadcast ng ilang radio commentator sa Southern Tagalog Region noong March 29, 2021. Katulad din po ng paniniwala ng mga komentarista sa radyo ay naniniwala din po kami na mas may higit pang malalim na dahilan kung bakit hindi umaaksyon si Pangulong Rodrigo R. Duterte para masansala ang pagpasok ng mahigit sa dalawang daang barko ng kunyari ay mga mangisdang Intsik sa Julian Felipe Reef ( Whitsun Reef ), West Philippine Sea na sakop ng ating Exclusive Economic Zone ( EEZ).
Nabebenta pa po ba ang katwirang sumisilong ang mga barko ng bogus na Chinese fishermen sa WPS, di po ba nangyari na din ito noong 2012 ang katulad ding senaryo? Kunyari din ay sumisilong lamang ang mga Intsik sa bahagi ng Paracel Island noon, ngunit nang lumaon ay pinagtayuan na nila ng kanlungan ng kanilang mangingisda kapag masungit ang panahon. Ngayon, masdan nyo ang Paracel Island, may malalaking nang gusali, may military installation at air strip na ang mga Instik doon, handa sa pakikidigma at sila na ang umaarteng nagmamay-ari at tuluyang naagaw na sa atin ang kalupaan at karagatan doon.
Kung takot po si Pngulong Duterte na manindigan at ipaglaban ang ating soberanya sa WPS, kaming mga ordinaryong mamamayan ay hindi, handa naming ipaglaban ang ating karapatan kahit itak lamang angf aming armas. Ipakikita pa rin namin na hindi duwag ang mga Pilipino, kung ang ang ating Pangulo ay naduduwag nga. Ngunit ang paniniwala po namin ay may higit na “napalaki” na dahilan si Digong na si Inday Zara naman ang mabibiyayaan sa darating na 2022 presidential elections? (Juan po).
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.
The post Takot sa giyera si PRRD! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: