MAS palalawakin pa ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang malawak na nitong libreng swab testing coverage sa nakatakdang pagdating ng bagong donasyong RT-PCR machine at dahil dito ay inanunsyo ni Mayor Isko Moreno na naghahanap ngayon ng dalawang medical technologists para sa nasabing makina.
Kaugnay pa nito ay nanawagan si Moreno sa mga residente na umiwas sa ‘shortcuts’ upang huwag maging biktima ng mga sindikato ng hindi awtorisadong swab testing, dahil aniya ang resulta nito ay siguradong peke at magdudulot ng kapahamakan hindi lang sa biktima kundi sa mismong sambayanan dahil ito ay misinformation.
Ginawa ng alkalde ang panawagan makaraang bigyang direktiba ang special mayor’s reaction team (SMART) sa pamumuno ni Lt. Col. Jhun Ibay na imbestigahan ang ulat ng isang netizen, na may isang bahay sa Singalong, Malate, Manila na may pangalang “Swab Express” at nagsasagawa ng swab tests sa loob ng isang tent kapalit ng P3,000.
Ayon sa alkalde ang operasyon ng mga taong may kaugnayan sa iligal na swab testing ay ginagawa sa isang pribadong bahay. Wala rin aniyang maipakitang permit to perform swab testing ang mga suspek sa nasabing lugar.
Idinagdag pa ng alkalde na pagkatapos na makakuha ng customers sa online ay gagawin na ang swab testing sa tent na nakatayo sa isang kalye at ang ‘contents’ o samples na kinuha ay dadalhin sa laboratory sa kalapit na lungsod.
Iginiit ni Moreno na maliban sa kailangan ng permit to operate bilang testing lab, kailangan din ng nga medical professionals para gumawa ng swab testing at kailangan din silang sanayin upang maging bahagi ng lab. Bukod pa rito ay kailangan din silang sertipikahan ng Department of Health (DOH) na palagiang nagsasagawa inspections upang tiyakin na kumpleto ang lahat ng requirements ng isang swab test laboratory.
“Wag kayong mag-shortcut dahil may health issue na involved. Kung gusto nyo sa clinic o ospital punta kayo sa legitimate na me mukha at opisina. Hindi pwede sa kalsada. Ang masakit pa, may bayad. Sa mga OFWs, huwag na kayo pupunta diyan unless me iba kayong layunin,” sabi Moreno na idinagdag na ang city government ay nagbibigay ng libreng swab testing sa six city-run hospitals at drive-thru center sa Quirino Grandstand, bukod pa sa home service para sa mga physically-challenged na mga residente ng lungsod.
Upang mas maging malinaw ang punto ng alkalde ay sinabi nito na: “Paano kung ikaw ay positive talaga pero walang naganap na testing at dinutdut ka lang, pirma tapos bayad ‘yun pala positive? So uuwi ka ng probinsiya, punta sa agency akala mo negative ka ‘yun pala positive ka. By the time na malaman mo malala ka na.”
Idinagdag pa nito na: “Paano kung sabihin positive ka eh negative pala? Eh kung lumobo ang COVID hindi pala totoo at shinutdown ang Pilipinas? Ilan ang mapeperwisyo, magugutom at mawawalan ng trabaho? Sa kabilang banda, paano kung lahat sinabi negative pero positive pala? Papatayin tayo ng COVID at susunod na ang mga mahal natin sa buhay, kaya di maganda ang shortcut. Dun tayo sa official, me permiso, me lisensya.”
Hindi aniya makita ni Moreno ang rason kung bakit may mga taong gustong magbayad ng mahal sa swab test na makukuha naman nila ng libre sa pamahalaang lungsod na inaalok maging sa hindi residente ng Maynila. Ito rin ang dahilan kung bakit nais niya itong imbestigahan.
Samantala ang bagong RT-PCR machine para swab tests ay karagdagan sa isa pang ginagamit sa Sta. Ana Hospital sa ilalim Director Dr. Grace Padilla.
Dito dinadala ang mga samples mula sa mga nagpa-swabbed sa alinmang city-run hospitals o drive-thru center at binabasa ng mga professionals na nagsanay para sa ganitong gawain. (ANDI GARCIA)
The post ‘LIBRENG SWAB TESTING SA MAYNILA MAS PALALAWAKIN PA’ — ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: