UMAABOT sa 896 dating rebelde mula sa iba’t ibang munisipalidad sa Bukidnon ang inayudahan ni Senator Christopher “Bong” Go sa isang aktibidad sa Tehe Municipal Gymnasium sa bayan ng Impasug-ong.
Nanawagan ng bayanihan at pagkakaisa sa gitna ng pandemya, tiniyak ni Go sa mga dating kasapi ng komunistang grupo na siya at si Pangulong Rodrigo Duterte ay palaging nakahandang umagapay sa kanila para sila ay makapagsimula ng bagong buhay.
“Kung ano ang aking maitutulong sa inyo at upang maging tulay n’yo rin kay Presidente Duterte, kami ni Presidente Duterte, kung anong ikakaayos o ikabubuti sa lahat ay gagawin namin,” paniniyak ng senador.
“Basta tayo, Pilipino tayo, magsama-sama tayo, lalo na sa panahon ng krisis. Kailangan mag-uban ta, sa Tagalog pa, magkaisa tayo. Sino lang ba ang magtutulungan kung hindi kapwa natin Pilipino?” dagdag niya.
Namahagi ang grupo ni Go ng mga makakain, food packs, masks, face shields, vitamins, at gamot sa nasabing aktibidad.
Ilang piling dating rebelde ang binigyan ng bisikleta para magamit nila bilang transportasyon habang ang iba ay tablets para sa pag-aaral ng kanilang mga anak sa ilalim ng online classes.
Ipinaalala ng senador sa mga dating rebelde na sumunod sa ipinatutupad ng gobyerno na health protocols upang hindi na kumalat pa ang COVID-19.
“Mag-social distancing, mask at maghugas ng mga kamay at, kung hindi naman kinakailangan, ‘wag munang magsipagpasyal kahit saan,” ani Go.
Dahil wala pang Malasakit Center sa Bukidnon, ipinangako ni Sen. Go na makikipagtulungan siya sa concerned agencies para makapagpatayo ng nasabing one-stop shop na magbibigay ng medical assistane sa mga may sakit.
“Maglalagay po tayo ng Malasakit Center diyan sa probinsya sa Bukidnon. Para ito sa mga poor and indigent patients at handa akong tumulong sa inyo,” sabi ni Go.
“Lapitan niyo lang po itong Malasakit Center. Nasa isang kwarto na po sa mismong ospital ang apat na ahensya ng gobyerno—PhilHealth, PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office), DOH (Department of Health), DSWD (Department of Social Welfare and Development)—na handang tumulong sa inyo. Hindi n’yo na kailangan pumila at umikot pa sa iba’t ibang opisina,” paliwanag niya. (PFT Team)
The post Mga dating rebelde sa Bukidnon, inayudahan ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: