Facebook

Nagpapanggap lang

HINDI na kami nag-aksaya ng panahon upang panoorin si Rodrigo Duterte sa kaniyang lingguhan pangbobola, pagmamayabang at pagmumura lunes ng gabi. Batid na namin na walang saysay ang mga ibubuga ng kaniyang bibig sa kawalan ng aksyon sa paglobo ng tinamaan ng CoVid-19. Mas pinili pa namin na maghimas ng manok na panlaban sa tupada.

Sa isang tawag sa aming kaibigan Philip Lustre upang makibalita martes ng umaga, inakala namin na si Rodrigo Duterte ang kausap. Mainit ang ulo at galit na galit.

May dahilan si Philip Lustre upang mag-alboroto. Biglang nagsulputan nga naman sa social media ang mga nagpapanggap na political analyst na walang ginawa kundi magbigay ng hindi naman hinihingi na pagsusuri sa magiging takbo ng pulitika sa bansa. Hindi sila magaling, mapangahas lang. Malakas ang mga loob na magsabi ng mga bagay na hindi katanggap-tanggap, aniya.

Ipinagpipilitan na magaganda ang kanilang maisip na kumbinasyon. Walang talo at mukhang mahihirapan kung sino man ang sasagupa. Ngunit opinyon lamang nila iyon. Walang matibay na batayan. Walang siyensiya.

May mga nagmamagaling na isama si Manny Pacquiao sa hanay ng oposisyon. Hindi nila alam na tinanggihan si Pacquiao kasama si Sara Duterte sa 1Sambayan. Kinakatawan nila ang awtoryanismo at hindi demokrasya, ito ang hatol sa kanila.

Hindi dapat sineseryoso ang mga political analyst na iyan na kung tawagin ng namayapang kolumnista, Neal Cruz ay anals. Ngayon, natasahan na ng 1Sambayan ang ilang lider upang malaman kung sino ang isasagupa sa 2022. Hindi si Grace Poe na walang balak tumakbo sa sa 2022. Hindi si Isko Moreno na nabisto na kakampi pala ni Rodrigo Duterte. Hindi si Nancy Binay na hindi tatakbo at gusto lang manatili sa Senado.

Dalawa ang pagpipilian: VP Leni Robredo at Antonio Trillanes IV. Nasa kanila ang bola. Paano kung sila na nga ang kumbinasyon.

***

KITANG-KITA namin sa aming social media account kinabukasan kung paano pinatigil ni Rodrigo Duterte ang kanyang tagapagsalita na si Herminio Roque (ito ang tunay niyang pangalan), aka Harry Roque, noong Lunes ng gabi. Uupak sana si Harry Roque tungkol sa umiinit na pulitika sa bansa at akmang magsusumbong si Harry sa kanyang amo, ngunit hindi siya pinansin. May binanggit si Harry tungkol sa “konsensiya,” at dito na siya na-cut ni Duterte.

Natapos na kumustahin ni Duterte si Harry na iniulat na positibo sa Covid-19, hihirit si Harry nang biglang pumasok si Duterte sa kalagitnaan ng kanyang pambungad na pangungusap at nagsalita sa isyu ng pandemya. Tumigil si Harry at nakinig ang utusan sa salita ng amo.

Walang kredibilidad si Harry. Nang pumutok ang balita na positibo siya sa Covid-19, hinanapan ng mga netizen si Harry ng pruweba kung totoo na may Covid-19. Kailangan niyang ipaliwanag na protektado siya ng batas upang hindi magbunyag ng detalye sa kanyang kamalasan. Walang may gusto maniwala sa kanya. Maraming netizen ang nagsalita ng hindi maganda sa kanya.

Walang batayan upang maniwala sa kanya. Siya ang hunghang na tagapagsalita na nagbigay na rating na “excellent” kay Duterte kahit na walang bakuna maibigay sa mga mamamayan. Siya ang tagapagsalita na nagsabing “10 steps ahead” si Duterte kahit na umabot sa 8,000 kada araw ang nagkakasakit ng Covid-19. Pinagtatawanan si Harry ng mga netizen. Nililibak. Kinukutya. Hindi makaganti si Harry sa mga kumukutya.

Hindi pinagsalita ni Duterte si Harry sa buong programa. Makikita na kahit si Duterte, mababa ang tingin sa kanya. Utusan na puede isantabi. Hindi nakahuma si Harry kahit na naka-focus sa kanya ang camera. Hindi na siya pinagbigyan ni Duterte.

Ngayon, tatlo ang mabibigat na isyu ang humaharap sa kanya: una, ang pandemya at ang kawalan ng solusyon sa pagsugpo; pangalawa, ang prosesong pulitikal kung saan lumabas na ang 1Sambayan, ang koalisyon na kontra sa kanya; at pangatlo, ang pagpasok ng mahigit 200 sasakyang pandagat sa West Philippine Sea. Nakatuon ang kanyang atensyon sa pandemya at hindi niya gusto na magsalita sa dalawang malaking usapin.

***

NAKAKAGULAT ang balita na patuloy na tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit ng Covid-19 dahil kumalat sa Metro Manila ang dalawang variant – United Kingdom at South African. Hindi maaalis na isipin na nandito na ang kinakatakutan na ikalawang sigwa ng pandemya. Tila walang magawa ang administrasyon ni Duterte. Nasa 8,000 kada araw na naiulat na nagkasakit ng Covid-19. Walang patid.

Pasok si Harry Roque upang bawasan ang pangamba ng mga tao. Bababa ng 25% ang dadapuan ng karamdaman a susunod na dalawang linggo. Walang malinaw na solusyon na binanggit si Harry maliban sa papasok na Linggo ng Kuweresma kung saan hindi aalis ang mga tao sa kanilang bahay dahil mangingilin, at ang dalawang linggong kuwarantina sa NCR Plus (Metro Manila kasama ang Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, at Batangas).

Nasaan ang bakuna? Wala siyang sinabi.

Ganito na lang tayo. Santambak na tantiyahan lang. Hindi uso sa gobyernong ito ang agham. Hindi ibinabase ang mga solusyon sa agham. Hindi naman kasi marunong sa agham ang mga nasa pamunuan.

***

HILO si Duterte sa kanyang pagharap sa telebisyon noong Lunes ng gabi. Tinanggihan niya ang pagbibigay ng indemnity, o bayad pinsala, sa anumang masamang epekto ng mga bakuna sa kalusugan ng mga mamayan. Nakalimutan ni Duterte na pumayag na siya magbigay ng bayad pinsala ng pirmahan niya noong nakaraang buwan ang aprubadong panukalang batas ng naglalalaan ng P500 milyon sa mga aabutan ng kamalasan sanhi ng bakuna.

Naayos na ang isyu na iyan kaya nakakapagtaka na nakalimutan ni Duterte ang bayad pinsala. Hindi siya pinigil ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa pagsasalita. Maaari tuloy manganib ang mga kontrata na kasalukuyang nasa negosasyon. Baka hindi na dumating ang mga bakuna na lubhang kailangan ng bansa dahil sa dumadating kaso ng nagkakasakit ng Covid-19. Nasa 8,000 na ang kaso kada araw at mukhang hindi ito bababa sa mga susunod na araw.

***

MGA PILING SALITA: “Pakibawasan pagsasalita ni [Francisco] Duque tuwing may mensahe ang Pangulo. Walang kredibilidad si Duque, aksaya lang ng oras.” – Dindo Bellosillo, mamamahayag, netizen

“Kung ako ang masusunod, patalsikin na yan. Lalo tayo nalulubog sa kumunoy.” – Wilfredo Magpoc Wong, netizen

“Kapag hindi minumura ni Duterte, huwag magpanggap na oposisyon. Huwad iyan. Iiwanan iyan. Hindi tatangkilikin.” – PL, netizen

“It’s better to remain silent and appear a fool, rather than to speak and remove all doubts.” – Prof. Edwin Santiago, netizen

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Nagpapanggap lang appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Nagpapanggap lang Nagpapanggap lang Reviewed by misfitgympal on Marso 23, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.