Facebook

Palawan divided by 3 = One Pala Juan

GAYA ng equation sa titulo ng pitak na ito, tila iisa ang pananaw ng mga Palaweño sa ideyang hatiin sa tatlo ang kanilang probinsiya. Ito ay matapos mapabalita na ang partial at unofficial na resulta ng plebesito nitong nakaraang Sabado (March 13, 2021) ay nakalalamang ang “No” na boto kaysa sa mga pabor sa paglalagay ng Palawan del Norte, Palawan del Sur at Palawan Oriental.

Naganap din ang plebesito matapos maurong ito ng halos isang taon dahil sa pandemiyang dulot ng COVID-19 at matapos din ang ilang taon nang pagsasabatas na mahati ang Palawan sa tatlong probinsiya sa pamamagitan ng Republic Act No. 11259 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong April 5, 2019 na nagaatas na ang plebesito ay gaganapin sa buwan ng Mayo, 2020.

Naipasa ang R.A. 11259 sa Kamara noong August 29, 2018 at ipinasa rin sa Senado ng buwan ng Nobiyembre ng taon ding iyon. Naplantsa ang batas at nalagdaan nga ng Pangulo, kaya nailatag ang plebesito kung saan “OO” at “HINDI” o “YES” at “NO” lamang ang ilalagay ng mga Palawenño sa balota kung sila ay payag o hindi sa paghahati sa tatlo ng kanilang probinsiya.

Sa nasabing batas, magiging Palawan del Norte ang mga lugar ng Coron, Culion, Busuanga, Linapacan, Taytay at El Nido at magiging kapital nito ang Taytay. Masasakop naman ng Palawan Oriental ang mga lugar ng Roxas, Araceli, Dumaran, Cuyo, Agutaya, Magsaysay, Cagayancillo at San Vicente. Ang Roxas naman ang magiging capital nito.

Ang Palawan del Sur naman ay kabibilangan ng mga lugar ng Brooke’s Point na siyang magiging capital nito kasama ang mga lugar ng Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Española, Bataraza, Balacbac at Kalayaan na ang tanging barangay ay ang Pag-asa Island o Spratly Island na nakaharap sa South China Sea.

Ang tatlong probinsiya ay magkakaroon ng kanya-kanyang Distrito at magkakaroon din ng sariling gobernador, Bise-gobernador at Sangguniang Panlalawigan. At makakatanggap ng pantay na porsiyento o bahagi ng pondo na binibigay ng nasyonal na pamahalaan.

Hindi kasama rito ang kasalukuyang capital ng Palawan na Puerto Princesa dahil may sarili na itong distrito.

Isa sa mga dahilan ng mga nag-sipagsulong na maisabatas ang paghahati sa tatlo ng Palawan ay napakahirap itong pamahalaan. Dahil nga sa kalat-kalat na mga isla ang lugar, katunayan, 1,800 na mga isla ang kabilang rito at may mahigit isang milyong populasyon.

Sabi nga ni Senator Sonny Angara na siyang nagendorso ng panukalang batas galing sa Kongreso para talakayin ng Senado, ang Palawan nga raw ay 17,000 square-kilometer ang laki, limang beses ng laki ng Batangas province.

Ano man ang kahihinatnan ng plebesito, magresulta man ng No o Yes ito, isa lang ang maganda kong nakitang ibinunga ng kaganapan, ang kahandaan ng Commission on Elections (COMELEC) na gawin ang botohan sa gitna ng pandemiya.

Naipakita ng COMELEC kung paano pangalagaan ang mga botante sa panganib ng COVID-19 habang isinasagawa ang plebesito ganung manual pa ang proseso nito at hindi automated. Nakakasiguro na tayo na ang darating na halalan sa susunod na taon ay kayang kaya ng COMELEC na ganapin na may kasamang mga pagiingat laban sa COVID-19.

The post Palawan divided by 3 = One Pala Juan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Palawan divided by 3 = One Pala Juan Palawan divided by 3 = One Pala Juan Reviewed by misfitgympal on Marso 23, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.