SINASABING may dalawang mukha ang ating mga alagad ng batas: ang una ay huwarang pulis: ito ay ang matatapat at responsableng mga pulis at ang ikalawa ay ang iskalawag o ang mga walanghiyang miyembro ng kapulisan.
Nasa unang katergorya ang limang matatapat at bayaning pulis ng Camarines Police Provincial Office nang isakripisyo ng mga ito ang kanilang buhay sa pakikipaglaban sa mga komunistang New People’s Army (NPA).
Sina P/Corporal Roger Estoy, Patrolman Joey Cuarteros, Benny Ric Bacurin, Jeremy Alcantara at Alex Antioquia, pawang nakatalaga sa First Platoon ng 2nd Police Mobile Force Company ng Camarines Norte Provincial Police Office ay nasawi sa may tatlong oras na pakipagbarilan sa higit na nakararaming bilang na NPA.
Dalawang kasamahan ng mga namatay na biktima na sina P/Corporal Eric Hermoso at Patrolman Aldrin Aguito ay kapwa malubhang nasugatan sa pakikipagsagupa ng mga ito sa mga NPA na kung tagurian ng pamahalaang Estados Unidos at ni Presidente Rodrigo R. Duterte ay mga terorista. Kasalukuyang nagpapagaling sa di ibinunyag na pagamutan ang dalawa.
Pagkatanggap ng ulat sa naganap na engkwentro ay agad namang nagtungo sa lalawigan ng Camarines Norte si PNP Chief OIC Lt. General Guillermo T. Eleazar upang magbigay pugay sa limang pulis na nasawi at nasugatan sa enkwentrong naganap noong March 19, 2021 ng gabi sa Barangay Dumagmang sa bayan ng Labo.
Kasama ang ilan pang matataas nitong opisyales ay nagkaroon ng maikling programa, kaalinsabay ng paggagawad ng Medalya ng Kadakilaan sa limang nasawing pulis. Nagbigay din ng tulong pinansyal si Eleazar sa pamilya ng mga nasawi.
Bumalong ang luha sa mata ni Gen. Eleazar, at ilang ulit na nahinto ang talumpati nito sa natitipong mamamayan na kinabibilangan din ng mga naulilang ama, ina, asawa, mga kapatid at kamag-anakan ng mga biktima.
Tama ang mensahe ni Eleazar na hindi na sana mangyari pa ang mga ganitong karahasan kung magkakaisa ang mamamayan at kapulisan.
Marami nga namang mga mamamayan ang nalilinlang ng mga komunistang NPA kayat sa halip na ipagbigay alam ang pagkanlong ng mga terorista sa Brgy. Dumagmang ay ilang residente pa roon ang sumusuporta at nakikipag-ugnayan sa mga komunista.
Hamon ni Eleazar sa lahat ng nasa PNP ay magkaisa at magtulungan na iparating sa mga tao na mayroong gobyernong nagmamahal sa kanila.
Dapat aniya ay iparamdam sa mga tao na nandito ang pamahalaan para tugunan ang mga problema nila upang hindi na sila pumanig sa mga NPA. Kailangang makiisa din ang mga lokal na pamalaan, PNP, at Armed Forces of the Philippines. Nangako din si Eleazar na makakamit ng mga naulila ang hustisya para sa limang bayaning pulis.
Malayong-malayo sa kabayanihang nagawa nina P/Corporal Roger Estoy, Patrolmen Joey Cuarteros, Benny Ric Bacurin, Jeremy Alcantara at Alex Antioquia, ang pinaggagagawa naman ng ilang mga pulis na kung tagurian ay mga iskalawag at batik sa hanay ng kapulisan.
Ang mga ito ay sina alias Sgt. Adlawan, Sgt. Garcia, Sgt. Chan, Sgt. Marcial at Sgt. Rizal. Sila ay ilan lamang sa napakarami na ding walanghiyang pulis na kagrupo ng kung tagurian ay mga ninja cops.
Sina Sgt. Adlawan, Sgt. Garcia, Sgt. Chan, Sgt. Marcial at Sgt. Rizal ay ilan lamang sa mga aktibong miyembro ng kapulisan na umaaktong aso at kolektor ng suhol o intelhencia para sa tanggapan ng Criminal and Investigation Group (CIDG), PNP Camp Crame, PNP Region 4-A Police Office at National Bureau of Investigation (NBI).
Hindi sila nagtatrabaho bilang tunay na pulis at sumisipot lamang ang mga ito sa kanilang himpilan kapag magreremit ng kanilang nakolektang “tara” mula sa mga gambling, drug operator at iba pang sindikato. Katuwang ng mga naturang police protection money collector ang isang barangay chairman sa Batangas.
Kabilang sa kinokolektahan ng mga ito ng lingguhang intelhencia ay ang mga jueteng at illegal drug maintainers sa lalawigan ng Cavite, Rizal at Laguna na sina alias John Yap, Elwin, Zalding Kombat, Kaloy Kolanding,Chito, Menong at Abion.
Sa Kamaynilaan ay may police captain na nagsimula pang maging intelhencia collector nang ito ay isang non-commisioned officer pa lamang at suki nitong kikilan ay ang mga gambling at drug operator na sina Mario Bokbok, R. Gadingan Jane Koh, Galingan, Tita, Tepang, Kap Onse, Kap Robles, Atan, Mako, Penong, Lucy, Boy Edmund, Kap Bryan, at Dela Peña. Ang mga ito ay nag-ooperate ng EZ 2 cum jueteng sa Maynila, Quezon, Pasay, Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA), Muntinlupa, Parañaque, Pateros, Las Piñas, Makati, Pasig, Mandaluyong, San Juan at Marikina at bayan ng Pateros.
Si Mario Bokbok ay hari ng mga ilegalista sa Malabon City, Valenzuela, Caloocan City at iba pang lugar sa CAMANAVA area na di nakayang supilin ni Malabon Police Chief, P/Col. Angela Rejano at ng iba pang kapwa nito hepe ng kapulisan.
Ang mga gambling at drug traders naman sa hurisdiksyon ni Mayora Joy Belmonte ng Quezon City ay sina Baby Tisay, alias Bobby Kalayaan, alias Pining, alias Cynthia Beer, alias Per Mariano.
Bukod sa pagbebenta ng shabu ay nagpapatakbo din ang mga ito ng EZ2, Peryahan ng Bayan (PNB) cum jueteng sa buong Quezon City, pinakatalamak nito ay jueteng operation sa Novaliches, Batasan Hills, Commonwealth, Manggahan, Balintawak, Tandang Sora, Congressional Ave., at Galas.
Kung nagawang parangalan ang mga bayaning pulis ay kailangan namang parusahan ang mga halang ang kaluluwang kagawad ng pulisya na sinimulan nating isiwalat sa ating pitak. Abangan…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Dalawang mukha ng pulis! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: