SA kasalukuyang situwasyon at kaganapan sa ating bansa, iisa lang ang tinatanong ng ating mga kababayan sa isa’t-isa. Saan tayo hahantong, saan tayo tutungo at kung hanggang kailan natin dadanasin ang ganitong buhay na puro na lang kahirapan at sakripisyo.
Hindi natin ina-asahan na ganito pala kahaba ang pandemyang ito dulot ng covid19 na ngayo’y mahigit isang taon na at para bagang mas malupit ang dating kaysa ng unang bugso noong naka-lipas na taon.
Ang buong akala natin ay nakakaraos na tayo at malapit na nating lagpasan ang pahirap ng salot na virus nguni’t mali pala ang ating sapantaha bagkus ay mas malakas pala ang dalang kamandag nito sa pangalawang pagkakataon.
Muling nagsara ang ilan kompanya at negosyo na naging dahilan ng kawalan muli ng trabaho ng marami nating mamamayan na ngayo’y nangangamba na muling magutom.
Sa muling pagtaas ng kaso ng covid19, kinu-kutuban ang marami na baka hindi makayang sustenahan ng gobyerno ang pangangailangan ng publiko partikular na ang pag-bibigay ng ayuda, gamot at pagkain.
Kung sa bagay ay malamang na tuyo na ang balon ng bansa bunga nga ng pandemyang mula pa noong Marso 15 2020 kung saan medyo preparado pa at may impok pa ang kaban ng bayan.
May posibilidad na said na said na talaga ang kaban na atin namang nararamdaman, di po ba? Mantakin niyong sa kabila ng pagtaas ng kaso ng covid19 nakukuha pa rin na buksan ng gobyerno ang ilan establistamento na kung tutuusin ay dapat na isara bilang pag-iingat sa pagkalat ng nasabing virus. Maaari rin na ilockdown ang buong Pilipinas dahil sa biglaang paglaganap nito.
Pero hindi nga pwedeng mangyari ito dahil wala na marahil itu-tustos at pagkukunan ang gobyerno kaya parang nagpatay-mali na lang, nagbulag-bulagan at nagtengang-kawali na lang, dinedma na lang ang banta.
Sa ating situwasyon ay wala na tayong iba pang pagkukunan ng lakas kundi ang Poong Maykapal na alam naman nating hindi tayo pwedeng pabayaan.
Kung hindi na kaya ng ating gobyerno, mga dalubhasa at iba pang mga health workers, iisa lang ang pwedeng maging rekurso na walang iba kundi ang Panginoong Diyos.
Hindi ba’t ang mga taong may malubhang karamdaman at sinu-sukuan na ng mga dalubhasa ay binibigyan na lang ng taning ang buhay. Mga hopeless at terminal case.
Ibig sabihin ay hanggang doon na lang ang nakayanan ng mga tumitingin sa kanila. Ang kanilang pinag-aralan partikular na sa larangan ng Siyensiya ay hindi na pwede kung kaya’t isa na lang ang pwede niyang lapitan at hingahan. Siguradong kilala nating lahat kung sino ang nilalang na ito.
Walang pinagkaiba ito sa kasalukuyang situwasyong pinagda-daanan natin na kung saan dumadaing na sa pagod at hirap ang mga kaibigan nating mga doktor, nurse at mga namumuno ng ating gobyerno na parang gusto na ring sumuko at bumigay. Hindi rin sila pwedeng sisihin dahil tao lang.
Kung sakaling hindi maging matagumpay ang ating gobyerno sa kanilang programa laban sa pagsugpo ng covid19, malaki talaga ang posibilidad na panghinaan sila ng loob at tuluyan ng umayaw.
Pakatandaan natin na hindi sila pwedeng sisihin dahil sila ay hamak na tao lang na may karapatan sa anumang gusto nilang gawin at mangyari sa kanilang buhay.
Huwag tayong mawalan ng pag-asa, tayo’y manalig, manampalataya dahil mananatili siya sa ating likuran bilang gabay sa buhay nating tatahakin.
Siyento porsiyento na hindi siya bibigay at susuko sa anumang situwasyong darating pa sa ating buhay. IF GOVERNMENT WON’T, GOD WILL PROVIDE.
The post If government won’t, God will provide… appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: