MAARING sariwa pa sa alaala ng marami sa ating mga kababayan ang naganap na buy bust operation noong taong 1990 sa Magallanes Commercial Center , Makati City sa pagitan ng mga natatanging tauhan ng Western Police District (WPD) at ng isang grupo ng mga hinihinalang drug syndicate.
Nasabi nating natatangi na mga kagawad ng WPD na kilala ding Manila’s Finest pagkat ang mga alagad ng batas na nagsagawa ng police operation ay pinangunahan ng ating idol na ex-Police Captain Reynaldo Jaylo na kilala din sa apat na sulok ng Kamaynilaan sa taguring “Batas”.
Kinatatakutan ng mga kriminal noong dekada 70’s ang grupo ng sumisikat pa lamang na Police Corporal Jaylo at ang mga kapwa nitong sina ex-Police Corporal Jose “Joe” Pring at iba pa dahil wala ang mga itong sinasantong elementong kriminal at karamihan pa ay sa sementeryo pinupulot.
Katunayan hindi kukulangin sa 40 na notoryus na kriminal ang naitumba ni Jaylo sa panahon ng panunungkulan nito bilang pulis-Maynila.
Hindi malilimutan ng inyong lingkod si Corporal Jaylo pagkat nakasama ko siya sa isang binuong composite police team ng WPD at Quezon City Police (QCPD) noong huling mga taon ng dekada 70’s na tumugis sa madulas na carnapping king na si Mortimer Marcelo at ang grupo nitong “Celeste Gang”.
Kabilang din sa pinagsanib na police team ang maalamat na si ex-P/Cpl. Jose “ Joe” Pring at crack team ng QCPD at MPD police detectives. Kasama din ang inyong lingkod sa team bagamat bago pa lamang na miyembro ng QCPD Detective Bureau o “Sikreta”.
Hindi tayo pinalad na malipol si Marcelo pagkat napatay ito at ang kanyan live-in partner ng mga tauhan ng Military Intelligence and Security Group (MISG) na noon ay nasa ilalim ng kontrobersyal na Philippine Constabulary Colonel (PC) Rolando Abadilla.
Si Jaylo, Pring at ang namayapang si P/Capt. Eduardo Mediavillo ang ating pinakahahangaan sa hanay ng mga kapulisan, talastas ng inyong lingkod ang angking galing, kagitingan at katapatan sa serbisyo ng mga ito.
Ang kanilang nagawang kabayanihan ay bukas na aklat sa larangan ng serbisyo ng pulisya kaya’t umani ang mga ito ng magkahalong reaksyon sa publiko-paghanga at inggit.
Nakapanghihinayang na ang katulad nina Mediavillo at Pring ay kapwa maagang tinawag ni Lord sa kanyang likmuan at tanging ang naiwan ay si Jaylo para itaguyod ang gawain ng isang tunay na alagad ng batas, sa salita at sa gawa.
Maraming tumutuligsa sa katulad nina Jaylo, Pring at Mediavillo pagkat inilalagay daw ng mga ito ang batas sa kanilang kamay sa pagganap sa tungkulin bilang pulis.
Ngunit natitiyak ng inyong lingkod na karamihan sa pagbatikos sa kanila ay pakana ng mga marurumi at maiimpluwensyang pulitiko at ng mga naiinggit at kulang sa pansing awtoridad.
Kilala ng madla ang mga pulitiko at mga kapwa awtoridad na ginawang kapital ang pangalan ng mga magagaling na pulis na tulad nga nina Mediavillo, Pring at Jaylo para naman lumutang ang kanilang pangalan at maisulong ang imbing ambisyon.
Malayong-malayo sa kategorya ng isang tunay na pulis kung ikukumpara ang kahusayan at kasanayan ng isang tunay na pulis ngayon at noon.
Hindi pa noon napapasok ng mga Ayers’(PMA’ers) ang hanay ng kapulisan, kaya ang tunay na diwa bilang isang civilian component ng lipunan ang isang pulis ay umiiral, kaya ang madla ay nakikipagtulungan ng buong puso sa mga miyembro ng pulisya.
Ang organisayon noon ay maaaring patakbuhin lamang noon ng isang police sergeant o ng isang police corporal. Hindi pa masyadong namamayani ang “pesteng palakasan” para lamang ma-promote o kaya maitalaga sa “maberdeng kural at paligawan” ang isang pulis.
Balikan natin ang buy bust sa parking area ng Magallanes Commercial Center na kinasasangkutan ni Jaylo at ng may humigit-kumulang sa 13 WPD police operatives na bitbit ni ex-Senator Alfredo Lim nang manungkulan itong hepe ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kabilang din sa team ni Jaylo na nagsawa ng buy bust ang tatlo sa kanyang mga pinagkakatiwalaang operatiba, sina Police Cpls. Antonio Habalo, William Valenzona at Patrolman Edgardo Castro.
Sina Jaylo ay umaksyon batay sa impomasyon ng US Drug Enforcement Agents na may katransaksyon ang mga itong drug syndicate na nagbebenta sa kanila ng may 10 kilo na heroine na milyones ang halaga at napagkasunduang ang salyahan ng droga ay gawin sa parking area ng Magallanes Commercial Center, Makati City.
Ngunit naging masalimuot ang resulta ng undercover police operation nang ang tatlo sa grupo ng sinasabing drug syndicate ay makipagbarilan sa mga pulis habang ang mga ito ay inaaresto nina Jaylo.
Nang mahawi ang usok ng putukan ay bangkay na itinanghal ang mga hinihinalang drug pusher. Ang masaklap sa halip na notoryus na grupo ng drug syndicate, ay mga military personnel pala ang lumilitaw na nagbenta ng 10 kilo na heroine.
Ang mga ito ay nakilalang sina Army Col. Rolando De Guzman, Northern Luzon Command (NOLCOM) deputy Commmander, Major Avelino Manguera, NOLCOM Intelligence Chief at Civilian Agent Franco Calanog ng Criminal Investigation Service (CIS)-ngayon ay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa kabila ng lahat, si Jaylo, na nahirang pa sa panahon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo bilang director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Presidential Anti-Illegal Recruitment Task Force ay sinampahan ng kasong Homicide kaugnay sa pagkakapatay kay Col. De Guzman, Maj. Manguera at Calanog.
Eksaktong isang linggo pa lamang naman ang nakararaan ay nagsagawa din ng buy bust operation ang mga operatiba ng Quezon City Police District Special Operations Unit sa parking area ng Ever Gotesco Mall sa Batasan Hills, Quezon City.
Ngunit ang isang delikadong buy- bust operation ay nauwi sa isang madugong barilan na ikinasawi ng apat katao, kabilang dito ang dalawang QCPD operatives at isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency’s Special Enforcement Agency.
Magkakaibang bersyon ang lumulutang sa naturang police operations, ang una ay ang posibleng pagbebenta ng PDEA agents ng mga nakukumpiska ng mga itong droga o tinatawag na “sell bust” at ang hinala namang pagbibigay ng ilang tiwaling pulis ng proteksyon sa sindikatong sangkot sa kalakalan ng droga.
Lumitaw ang kahinaan kapwa ng liderato ng PDEA at ng PNP sa disiplina at kasanayan ng mga tauahan nito sa paglulunsad ng isang lihetimong buy-bust operation.
Kailangang may managot sa pagkakitil ng buhay,hindi na kailangan pang maulit ang kabanata at hirap na dinanas nina ex-Police Capt.Reynaldo “Batas” Jaylo.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Naulit ang kasaysayan! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: