Facebook

NBI: Babaeng preso umamin ginamit ng QCPD sa ‘drug-bust’ vs PDEA

INAMIN ng babaeng nakapiit sa kasong droga sa Quezon City Police District na ginamit siyang ‘asset’ ng mga pulis para sa buy-bust operation na nauwi sa engkuwentro sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Una rito, pinuna ng National Bureau of Investigation (NBI) kung bakit mayroong kasama ang QCPD sa madugong engkuwento noong Pebrero 24 na isang “asset” na dapat ay nakakulong dahil nahuli ito noon kaugnay sa iligal na droga.
Sa ulat, sinabi ng preso na si Jonaite Decena na nagpatulong sa kaniya ang mga pulis sa isang buy-bust operation laban sa grupo ng isang “James Tan.”
Sa sinumpaang salaysay ni Decena na isinumite sa NBI, sinabi niya na dapat magaganap ang pagtatagpo nila ng kinatawan ni Tan at isasagawa ang buy-bust sa Litex area noong Pebrero 24.
Pero nagkaroon ng problema ang sasakyan ng kinatawan ni Tan kaya nalipat ang lugar ng tagpuan sa malapit sa isang fastfood restaurant sa Commonwealth Avenue.
Ang grupo ng kinatawan ni Tan ang lumilitaw na ‘asset’ naman ng PDEA na nauna nang nagpahayag na mayroon din silang lehitimong operasyon sa Litex pero napatigil sa parking area sa fastfood restaurant nang mag-overheat ang kanilang sasakyan.
Sa CCTV, makikita si Decena na may bitbit na bag at lumalapit sa puting kotse na sinasabing nasiraan na kinaroroonan ng tropa ng PDEA.
Kasama ni Decena na lumalapit sa kotse si Police Corporal Elvin Garado pero biglang nauna ang pulis sa paglapit sa kotse. Nakatayo noon sa labas ng kotse sa tapat ng driver’ side ang PDEA asset na si Untong Matalnas.
Ayon kay Decena, nagpauna si Garado nang mapansin ng pulis na marami ang nakasakay sa kotse.
“Pagtapat ko dun sa nakatayong nakaitim, nadinig ko sinabi niya na pulis ito,” ani Decena at doon na nagsimula ang putukan.
Nauna nang iniulat na mayroong buy-bust money na dala ang mga pulis nang mangyari ang engkuwentro pero hindi na ito makita.

The post NBI: Babaeng preso umamin ginamit ng QCPD sa ‘drug-bust’ vs PDEA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
NBI: Babaeng preso umamin ginamit ng QCPD sa ‘drug-bust’ vs PDEA NBI: Babaeng preso umamin ginamit ng QCPD sa ‘drug-bust’ vs PDEA Reviewed by misfitgympal on Marso 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.