Arestado ang isang pulis nang ireklamo ng pagpapaputok ng baril sa Barangay Labinab, Cauayan City, Isabela nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang naaresto na si Police Master Sergeant Ambrocio Albano, 34, na residente rin sa nasabing lugar at kasapi ngayon ng Luna Police Station.
Ayon sa Cauayan City Police, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang concerned citizen tungkol sa narinig nilang magkakasunod na putok ng baril.
Agad rumesponde ang mga pulis sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip kay Albano.
Narekober sa pag-iingat niya ang kalibre 9mm service firearm na inisyu sa kaniya ng pamahalaan.
Nakuha rin sa pinangyarihan ng insidente ang pitong basyo ng bala.
Wala naman napaulat na nasaktan o nasugtan sa pangyayari.
Ayon sa Cauayan City Police, inamin ni Albano ang kaniyang ginawa na naging paraan lang umano niya para maglabas ng sama ng loob nang magkaroon ng pagtatalo ng kaniyang ama.
The post Pulis naglabas ng ‘sama ng loob’, nagpaputok ng baril appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: