“AKO po ay labis na nagpapasalamat sa tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte.”
Ito ang reaksyon ni Senador Christopher “Bong” Go kaugnay sa pagtawag sa kanya na President Bong.
Sinabi ni Go na biro lang ito ni Pangulong Duterte dahil batid niyang hindi naman talaga siya interesado.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Go na ang focus niya mula noon hanggang ngayon ay magsersbisyo sa kapwa.
Giit ni Go, itsapuwera siya sa usapan ng pulitika para sa 2022 dahil mas importante para sa kanya ngayon ang patuloy na nagtutulungan ang lahat para sa ikabubuti ng mga kababayang naghihirap dahil sa COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Go na hanggang 2025 pa ang termino niya bilang senador at wala siyang sasayangin sa bawat araw na ipinagkatiwala sa kanya ng bayan para magserbisyo.
Samantala, pahabol ni Go, magbabago lang ang isip niya kung tatakbong Vice President niya si Pangulong Duterte.
Una nang naglabas ng resolusyon ang PDP Laban na humihikayat kay Pangulong Duterte bilang Vice President sa 2022 elections.
Bunsod nito, hindi na ikinagulat ni Go ang mga panawagan na tumakbong Vice President si Pangulong Duterte sa 2022.
Sinabi ni Go na batid naman na karamihan sa mga Pilipino ay kuntento sa performance ni Pangulong Duterte kaya tuloy ang tiwala ng taumbayan sa kanya.
Aminado si Go na hindi niya masasagot kung papayag ang Pangulo na tumakbong Vice President pero naniniwala siyang batid na nito ang mga panawagan. (Mylene Alfonso)
The post Sen. Go nagpasalamat kay P-Duterte appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: