UMAMIN ang Department of Health (DOH) na hindi nila inaasahan ang surge o biglaang pagtaas ng mga bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mas maraming nagkakahawahan ngayon ng coronavirus kaya’t kinakailangang magsagawa sila ng mga kinakailangang adjustments.
“Hindi naman natin alam na papalo ng ganito kataas. So we have to make the adjustments,” ani Duque, sa panayam sa telebisyon.
“Mas maraming nagkakahawaan. Ngayon na tumaas. O, para muna tayo. Ganu’n talaga, e. We have to bounce. Parang cha-cha-cha ka e. ‘Di ba, ‘di ba? One step back, two steps forward,” aniya pa.
Una nang nagbabala ang independent think tank na OCTA Research na posibleng tataas pa ang maitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 hanggang sa katapusan ng buwan, at maaari itong umabot ng hanggang 20,000 kada araw sa Abril kung hindi ito maaagapan.
Sa kasalukuyan ay puspusan naman na ang pagsusumikap ng mga lokal na pamahalaan na mapigilan ang hawahan ng virus sa kani-kanilang nasasakupan.
Kabilang na rito ang pagpapatupad ng mas mahabang curfew hours, mas istriktong pagpapatupad ng mga health and safety protocols, at implementasyon ng granular o localized lockdowns sa mga lugar na maraming naitatalang bagong kaso ng sakit.
Nitong Biyernes, inianunsiyo na ng Malacanang ang pagbabawas sa operational capability ng mga tanggapan at state corporations ng mula 30% hanggang 50% mula Marso 22 hanggang Abril 4.
Ilang tanggapan na rin ng pamahalaan ang nagsarado para magsagawa ng disinfection matapos na makapagtala ng COVID-19 cases. (Andi Garcia/Jonah Mallari)
The post Surge ng COVID-19 cases, ‘di inaasahan – DOH appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: