PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang pamahalaan at ang “Team Philippines” sa matagumpay na simula ng rollout ng vaccination program nitong Lunes.
Isang araw matapos ang pagdating at opisyal na turnover ng 600,000 vaccines laban sa COVID-19 mula sa Sinovac Biotech Ltd. na donasyon ng China, agad nagsagawa ng pagbabakuna sa mga pre-identified personnel sa anim na government facilities sa Metro Manila, gaya ng Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Center and Sanitarium, Veterans Memorial Medical Center, Philippine National Police General Hospital, and Victoriano Luna Medical Center.
Magpapatuloy ang vaccination drive sa iba’t ibang ospital sa bansa.
Batay sa report ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., ipamamahag ang bakuna sa iba’t ibang rehiyon. Ang Visayas at Mindanao ay makatatanggap ng bakuna sa katapusan ng linggong ito.
Kabilang sa nagpaturok na ng bakuna si Philippine General Hospital Director Dr. Gerardo “Gap” Legaspi.
“I am happy that today marks a milestone in our journey as one people towards recovery from this pandemic,” sabi ni Go.
“I commend Team Philippines — our leaders, frontliners and fellow government workers who are working very hard so we can have the best vaccination rollout for our country,” dagdag niya.
Sinabi ni Go na dahil sa simula ng pagbabakuna ay lumakas ang pag-asa ng bansa para makabangon tungo sa “new normal” at makabalik na sa normal ang kabuhayan ng mga Filipino.
“Maliban sa ating mga magigiting na mga medical frontliners, naging matagumpay din ang pagbakuna sa ilang mga opisyal ng gobyerno hindi dahil sila po ay prayoridad kundi ginawa po nila ito upang maipakita sa publiko na magtiwala po tayo sa bakuna, na tanging bakuna lamang po ang solusyon, tanging bakuna lamang po ang susi upang unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay,” paliwanag ni Go.
Ayon sa senador, hindi tayo dapat matakot sa bakuna kundi sa COVID-19 dahil ang bakuna lamang ang tanging makapapatay sa COVID-19.
“Sisiguraduhin nating safe at epektibo po ang dapat bilhin po ng gobyerno na mga bakuna at ituturok po sa tao. Kunin natin ang kumpiyansa ng bawat Pilipino na tanging bakuna lamang ang solusyon dito sa problema natin kontra COVID-19,” anang mambabatas. (PFT Team)
The post Team Philippines, pinuri ni Bong Go sa tagumpay ng pagbabakuna appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: