Facebook

Walang may gusto

BUONG akala namin, mag-uunahan ang marami sa bakuna ng China. Buong akala namin, dadambahin ng mga frontline health worker – doktor, nars, orderly, medical technologist, x-ray technician at iba pa – ang Sinovac. Hindi pala. Matamlay ang mas marami sa SinoVac. Ayaw nilang maturukan dahil sa pangambang substandard ito. Wala silang bilib sa Sinovac

Walang may gusto ng SinoVac. Iniiwasan, sa maikli. Sa Philippine General Hospital, umabot sa 95 porsiyento ng health personnel ang magpapaturok ng SinoVac. Kahit naturukan ang kanilang hepe, hindi sila magpauto. Sa Marikina City, 400 health worker ang hindi magpapaturok ng Sinovac. Sinabi nilang maghihintay ng mga bakuna mula Kanluran. Ayaw nila sa Sinovac.

Marami sa mga tuturukan ang nag-akala ng mali. Akala nila Pfizer, Moderna, o J&J ang ituturok sa kanila. Nang malaman nila na Sinovac, umuurong sila sa takot. Ayaw nila, sa madaling salita. Walang magawa ang administrasyon ni Rodrigo Duterte. Walang magawa sina Carlito Galvez Jr., Francisco Duque III, Harry Roque, Salvador Panelo, at iba pang kakatwang nilalang sa kanyang gobyerno. Hindi nila mapilit ang sambayanan. Walang may gusto sa Sinovac.

Pinag-initan ni Duterte ang paborito niyang target – Bise Presidente Leni Robredo sa kanyang lingguhang bungangaan noong Lunes ng gabi. Galit na galit si Duterte dahil ibinunyag noong Linggo ng Pangalawang Pangulo na hindi pumasa sa proseso ang Sinovac. Wala itong seal of approval ng Health Technology Assessment Council (HTAC), ang sangay ng gobyerno na nag-aaral sa mga bakuna upang matiyak ang bisa. Mukhang nasa pangatlong trial ang bakuna.

Ibinuko ng Bise Presidente na nais ng administrasyon ni Duterte na hindi dumaan sa HTAC ang bakuna: “donasyon” ng China ang umaaabot sa 600,000 doses ng Sinovac. Hindi kayang utusan ang mga bumubuo sa HTAC na aprubahan ang bakuna dahil hindi sigurado ang HTAC kung mabisa o ligtas kapag ginamit ninuman. Kung may pressure, malamang na magbitiw sila.

Hanggang ngayon, walang naipapakita ang gobyerno ni Duterte upang masugpo ang pandemya. Mahilig lang magbitiw ng kung ano-anong salita at pangako, ngunit walang nangyayari. Hindi naniniwala ang publiko kay Duterte dahil gusto nila monopolyo ng China ang pamilihan ng Filipinas. Tanging mga bakuna na galing China ang gagamitin sa mga Filipino.

***

PINAGTAWANAN si Duterte ng sabihin niya noong Linggo ng hapon na pupunta siya sa China upang personal na magpasalamat kay Xi Jin-ping sa donasyon na 600,000 doses ng Sinovac na tinatanggihan ng maraming Filipino. Isang tawag lang sa telepono ay sapat na. Bakit kailangan pumunta sa China si Duterte? Atat na atat pumunta si Duterte upang salubungin ang bakuna gayong hindi siya normal na pumupunta sa mga piling okasyon ng bansa.

Pinagtatawanan ang kanyang salita na babalik sa normal ang Filipinas sa 2023. Matagal, ayon sa maraming mamamayan. Nangako si Pangulong Joe Biden na babalik sa normal ang Estados Unidos sa Kapaskuhan ng 2021. Kung 2021 at 2023 ang pagitan ng Filipinas at Estados Unidos, masyadong mahuhuli ng mahigit isa hanggang dalawang taon ang Filipinas. Mukhang hindi naiintindihan ni Duterte ang kanyang sinasabi.
*
MAY isinulat ang socmed warrior na si Ba Ipe sa kanyang social media media account. Narito at namnamin ang prosa ng kanyang mga salita:

ISANG PAGLILINAW LANG…

HINDI binibigyan ang Filipinas ng mga kilalang gumagawa ng bakuna sa Kanluran. Hindi nagbibigay ang AstraZena, Pfizer, Moderna, at ang bagong supplier, Johnson & Johnson (J&J). Walang pera umano na pambili ang gobyerno ni Rodrigo Duterte. Kahit na daan-daang bilyones ang naiutang ng kanyang gobyerno, walang pera na pambili ang kanyang pamahalaan.

Hindi binibigyan ng bakuna ang gobyerno ni Duterte ng mga gumagawa ng bakuna sa Kanluran. Madugo ang kanyang rekord sa karapatang pantao, o human rights. May usapan ang mga gumagawa ng bakuna na hindi kaagad bibigyan ang kilalang lumalabag sa karapatang pantao. Wala siya sa kanilang listahan ng kanilang prayoridad.

May makukuhang bakuna si Duterte ngunit galing ang mga ito sa China. Hindi nakakasiguro sa bisa ng bakuna na mula China. Hindi nakakasiguro sa mga side effect. Kung makakuha siya sa Kanluran ng mga bakuna na pinagtitiwalaan ng mga Filipino, karaniwan ay donasyon sa ilalim ng Covax facility ng WHO, o donasyon ng ilang piling bansa.

Mahirap punuin ang pangangailangan ng bakuna para sa 110 milyon na populasyon. Kahit sabihin ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na plano nila na magbigay ng 70 milyon vaccine doses sa taong ito, hindi ito mangyayari dahil wala naman bakuna. Hanggang plano lamang sila. Hindi natutupad ang gusto ni Galvez dahil sa Davao group, ang sindikato nula sa Davao City. Isa pa, lumalabas na walang kontrata para sa ganyang bilang. Puro lang salita mula kay Duterte at kanyang opisyales. Pawang walang katotohanan ang kanilang ipinamamalita.

Humihingi ang mga kumpanya ng bakuna sa Kanluran ng dalawang bagay: una, indemnity insurance fund, o pondo para sa mga taong nabakunahan ngunit may masamang epekto sa kanila; at pangalawa, immunity from suit at absolute absolution. Hindi sila puedeng idemanda sa anumang mangyayari sa mga nabakunahan.

Plano ng grupong Davao na pinangungunahan ni Duterte at Bong Go na gawing monopolyo ng China ang Filipinas. Plano nila na bakuna mula China ang ibibigay sa mga Filipino. Matindi ang paniniwala ng maraming mamamayan na sa bakuna galing sa China sila kikita. Ibebenta nila ng doble o triple ang presyo ng mga bakunang galing sa China.

Hindi kinakitaan ng paghahanda ang gobyerno ni Duterte. Santambak na hangin sa ulo at yabang ang maririnig kay Duterte. Hindi kumilos sina Duterte samantalang Hunyo noong nakaraang taon ng makipag-usap ang ibang bansa upang kumuha ng bakuna sa mga gumagawa ng bakuna sa Kanluran.

Isang isyu ang pagkontrol ng pagpasok ng bakuna hindi galing sa Chna sa bansa. Kailangan kumuha ang approval sa gobyerno ni Duterte. Hindi makaangat basta-basta ang pribadong sektor ng bakuna para sa kanilang empleyado. Hindi makabili ang mga local government unit para sa kanilang mamamayan.

Kailangan dumaan pa kina Duterte, Galvez, at Francisco Duque. Hindi naman kailangan ang kanilang pagsang-ayon. Nagpapabagal lamang sa pag-angkat.

Bokya ang gobyerno ni Duterte pagdating sa bakuna. Dahil lumalalabag sa karapatang pantao, hindi sila bibigyan ng bakuna. Tayo ang nagdurusa dahil sa kapalpakan nila. Nangutang, naubos, at pinagpiyestahan ang pondo ng bayan, ngunit wala tayong bakuna.

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Walang may gusto appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Walang may gusto Walang may gusto Reviewed by misfitgympal on Marso 02, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.