ISABELA – Dala ng kahirapan sa buhay ng tatlong magkakapatid na kabataan na naulila ng kanilang mga magulang, pinatayuan sila ng bahay ng pulisya sa bayan ng Quirino, Isabela.
Ang magkakapatid na sina Joy, 17; Jesselmae, 15; at Benedict Cabatu, 14, ay nakatira sa isang kubo na halos mabuwal na, tagpi-tagpi ang dingding at bubong sa Barangay Sto. Domingo, Quirino.
Dahil sa kanilang kalagayan, naantig ang puso ng pulisya na napadaan habang nagpapatrolya sa lugar. Kaya’t nag-ambagan ang mga pulis ng Quirino PNP sa pamumuno ni Captain Rufo Figarola Jr.
Nang makaipon ang himpilan ng kaukulang halaga at sa tulong ng iba pang indibidwal na nagbigay ng donasyon, naisakaturan ang pagpatayo ng bahay para sa magkakapatid sa pamamagitan din ng bayanihan ng pulisya at mga opisyal ng barangay.
Maliban sa bahay bilang programa ng pulisya na “Malasakit Challenge” ay nagbigay rin ng foam na higaan, grocery, bigas at iba pang pangangailangan sa loob ng bahay si Brigadier Gen. Crizaldo Nieves, Regional Director ng Police Regional Office 02 (PR02) sa kanyang programang ‘Lingkod Bayanihan’ para sa magkakapatid.
Naulila ang magkakapatid nang magkasunod na namatay ang kanilang mga magulang noong 2017 dahil sa malubhang karamdamang cancer, na hindi naagapan dahil sa problemang pinansyal.
Mas lalong naantig ang puso ng pulisya ng Quirino at ng mga opisyal ng pamahalaa at indibidwal nang ikwento ni Joy, ang panganay sa magkakapatid, ang karanasan nila habang sila’y lumalaban sa sobrang kahirapan.
Sabi ni Joy, siya’y namasukan na kasambahay sa murang edad para matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at pag-aaral.
Nangako naman si Mayor Edward Juan na sasagutin na nito ang pag-aaral ng magkakapatid bilang schoolar hanggang sa makatapos ang mga ito.
Hinikayat naman ni BGen. Nieves na pumasok sa akademya bilang pulis si Joy. Tutulungan aniya itong makapasok sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Taos pusong tinanggap ni Joy ang pagpasok sa akademya para makatulong rin daw siya balang araw at makapagsilbi sa bansa.
Ayon naman kay Colonel James Cipriano, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, ito’y bahagi ng kanilang programa sa bawat istasyon ng pulisya na ‘3P’s o Provincewide Poor of the Poorest sa mamayan sa lalawigan, na bibigyan nila ng disenteng bahay at pagkakitaan para maibsan nila ang kanilang kahirapan sa buhay.
Samantala, sa programang ‘Malasakit Challenge’ ng PNP Quirino ay may nauna nang pinatayuan ng bahay, ang mag-asawang senior citizens na kapos- palad na hindi kayang magpatayo ng sariling bahay.
Dahil sa patuloy na ang buhos ng mga donasyon ay may nakahanay pa na papatayuan ng bahay at aayudahan ang Quirino PNP. – REY VELASCO
The post GOOD NEWS! 3 ULILANG MAGKAKAPATID PINATAYUAN NG BAHAY NG PULISYA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
GOOD NEWS! 3 ULILANG MAGKAKAPATID PINATAYUAN NG BAHAY NG PULISYA
Reviewed by misfitgympal
on
Marso 02, 2021
Rating:
Walang komento: