KUNG hindi mapipigilan ang mabilis na paghahawahan ng COVID 19 araw-araw ay malaki ang pangambang hindi maglalaon ay aabot na sa 1 milyong Pilipino ang madadapuan ng nakamamatay na virus sa ating bansa.
Batay sa datus nito lamang April 7, 2021 ay umaabot na sa 819,164 ang nadiskubreng COVID 19 positive sa bansa, 14,059 dito ang nasawi. Sa kabuuang bilang ay 361,908 ang positibo sa virus sa Metro Manila na binubuo ng 16 na siyudad at isang bayan.
Ang Quezon City na pinakamalaki at may pinaka-mataong lungsod sa Metro Manila ay may pinakamaraming bilang ng COVID positive na umaabot sa 12,038.
Pumalo naman sa 4,037 ang naitalang positibo sa naturang virus sa Malabon City na nasa ilalim ng administrasyon ni Mayor Antolin “Lenlen” Oreta III. Walang tugon naman ang pulisya ng Malabon sa ilalim ni lady cop, Col. Angela Rejano para makatulong sa pagsugpo sa pandemya sa kanilang hurisdiskyon.
Binubuo ng 21 barangay ang Malabon City na isa lamang maituturing na malaking barangay kung ikukumpara sa Quezon City ngunit nakakagulat na bawat araw ay hindi mapigilan ang sangkaterbang nagpopositibo sa COVID 19 sa napakaliit lamang na siyudad.
Hindi naman nagkulang ng pag-aksyon si Mayor Oreta para mapigilan ang napakabilis na pagdami ng dinadapuan ng naturang sakit. Ipinagkakaloob din ng alkalde ang mga pangangailangan ng kanyang mga mamamayan lalo na ang ayuda para sa mga naapektuhang residente sa lungsod.
Batay din sa pinakahuling estadistika ng Malabon City Health Department ay 10,252 na ang nagpositibo sa virus sa Malabon City nito lamang April 7 at nangunguna ang Brgy. Baritan-453, Brgy. Longos-20 at Brgy. Catmon- 18.
Ang iba pang COVID cases ay nadiskubre sa mga barangay ng Tonsuya-10, Potrero-9, Ibaba-8, Acacia-6, Brgy. Flores-6, Santulan-6, Panghulo-5, Tanoñg-5, Niugan-4, San Agustin, Tiñajeros, Concepcion, Hulong Duhat na pawang tig-iisa.
Isinisisi ng maraming mamamayan sa naturang siyudad ang COVID 19 human carriers na mga kabo, kubrador at empleyado ng jueteng dens ng isang alias Mariong Bokbok na nagmamantine ng rebisahan ng jueteng sa mga barangay ng Catmon, Baritan at Longos pawang sa Malabon City. Si Mariong Bokbo ay nagpapatakbo din ng jueteng sa Caloocan City at iba pang panig ng CAMANAVA area.
Reklamo ng mga taga- Malabon, ay hindi sumusunod sa itinatadhanang health protocols ng Anti- Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (AITF) ang mga kabo, kubrador at empleyado ni Mariong Bokbok.
Sa oras ng pagrerebisa ng taya bandang alas 10:00Am, 4:00 PM at 8:00 ay makikita ang mga kubrador, kabo at iba pang empleyado sa mga rebisahan na nagsisiksikan, walang face mask at face shield at di rin sumusunod sa tamang social distancing.
Hinihinalang protektado ng ilang mga pulis ang rebisahan ng pa-jueteng ni Mariong Bokbok lalo na sa Brgy. Catmon, Brgy. Baritan at Brgy. Longos. Ang tumatama sa Philippine Sweepstakes Office (PCSO) sponsored EZ 2 Lotto ay siya ring putok sa pa-jueteng ni Mariong Bokbok.
Hindi nakapagtataka kung bakit sangkatutak na at patuloy na dumadami pa ang COVID positive sa tatlong nabanggit na barangay.
Sa oras ng pagrerebisa ay may nakikitang mobile patrol car sa tabi ng mga safehouse ni Mariong Bokbok. May go signal naman kaya ang ating lady cop sa kanyang mga tauhan?
Kung gayon palang binabansagang human COVID carriers ang mga kubrador, kabo at empleyado sa jueteng ni Mariong Bokbok ay bakit hindi ito ipinaaaresto ni Col. Rejano?
Ayaw nating maniwala na posibleng protektor din ang ating idol na lady cop sa iligal na aktibidad ng Mariong Bokbok, ngunit kataka-taka namang dedma ito sa mga kabulastugan ng Mamang iligalista.
Ipakita sana ni Col. Rejano ang tulad ng pagpupunyagi ng kanilang alkalde para masugpo ang pagkalat ng COVID virus sa pamamagitan ng paglipol sa human carriers na matatagpuan nga sa mga safehouses at rebisahan ng jueteng ni Mariong Bokbok. Posasan mo na din at pakasuhan ang perwisyong Mariong Bokbok.
Ang di pag-aksyon ni Col. Rejano ay may negatibong implikasyon sa kanyang liderato at lalong magpapabilis sa pagdami ng COVID positive sa Malabon City.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Colonel Rejano, walang aksyon kontra Covid carrier! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: