KAPUNA-PUNA ang lakas ng hatak sa madla ng anak ni ex-Executive Secretary Eduardo R. Ermita na si Lisa Ermita, katibayan ay ang pagtangkilik ng mga mamamayan sa face book page ni Lisa at maging sa mga proyektong inilulunsad nito sa kanyang kapasidad bilang good samaritan para sa mga mga taga-Unang Distrito ng Batangas.
Palibhasa ay naging katuwang si Lisa ng kanyang amang si Eduardo Ermita simula nang manilbihan bilang kongresista hanggang maging miyembro ng gabinete kaya di na bago kay Lisa ang maglingkod sa mga mamamayan.
Kaya kabi-kabila din ang imbitasyong natatanggap ni Lisa mula sa mga barangay official at residente ng naturang distrito upang makadaupang palad ito at personal na makumpirma kung tunay na papalaot ito sa pulitika upang halinhan ang third at last termer nitong kapatid na si Eileen Ermita bilang kinatawan ng kanilang distrito.
Sa looban ng tatlong termino o siyam na taon ay matapat at buong pusong pinaglingkuran din ng kanyang amang si Ed Ermita bilang kongresista ang mga mamamayan ng nasabing purok.
Si Ed Ermita ang naging pang 14 na Kinatawan sa Kongreso ng Unang Distrito simula nang ihalal ang kauna-unahang Congressman ng nabanggit na district na si Felipe Agoncillo noong October 16, 1907. Naging bahagi naman ng 9th hanggang 11th Congress ng Republika ng Pilipinas din si Ed Ermita.
Nang mahirang na Kalihim ng Tanggulang Pambansa (Department of National Defense) si Ed Ermita ay iniharap nito sa kanyang mga kababayan para tumakbong Congresswoman ang kanyang anak na si Eileen Ermita.
Dahil nga sa mahusay na paglilingkod ni Ed Ermita sa kanyang mga ka-distrito ay ibinuhos ng mga ito ang kanilang pagtangkilik kay Eileen. Sa looban ng tatlong termino ay nahalal si Eileen ng may milya-milyang kalamangan sa kanyang mga nakalabang sina Tomas Apacible,Conrado Apacible, Valentino Lopez at Reynaldo Abejera.
Nasa kanyang huling termino na si Congresswoman Eileen at sa darating na October 2022 ay maghaharap na ng kani-kanilang Certificate of Registration ( COC ) sa Commission on Election ( COMELEC ) ang mga nagnanais kumandidato sa pagka-Kongresista ng First District. Kaya naman nais tiyakin ng mga botante na tatakbo nga si Lisa para halinhan at ituloy nito ang “Serbisyong Ermita” sa naturang distrito.
Saan man magtungong barangay sa mga bayan ng Taal, Lemery, Calaca, Balayan, Calatagan, Lian, Nasugbu at Tuy ay malinaw ang pagtiyak ng mga mamamayan na kanilang tatangkilikin ang kandidatura ni Lisa sa paparating na 2022 May Elections pagkat subok na ang kakayahan nito sa paglilingkod sa kanyang mga kababayan at maging sa buong bansa.
Si Lisa ay nagtapos sa De La Salle University- Manila sa kursong Bachelor of Science in Commerce major in Management. Una itong naglingkod bilang Executive Assistance ng kanyang ama sa Department of National Defense (DND.
Bilang Executive Assistant sa DND naging tagapangasiwa siya ng mga mahahalagang dokumento na nilalagdaan ng mga opisyal ng Department of National Defense sa ilalim ng pamamahala ng kanyang amang heneral at Kalihim ng Department of National Defense at Presedential Advisor on the Peace Process.
Kilala din sa kanyang palayaw na Ate Lisa, siya rin ang naging Kinatawan upang humarap sa mga mahahalagang tao kaugnay ng pakikipagpulong sa Kalihim ng DND hinggil sa mga usaping may kaugnayan sa pangangasiwa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas(AFP), National Security Council, Phil. Veterans Affair Office at Office of the Civil Defense.
Kalaunan siya ay naging Director ng Office of the Executive Secretary ng kanyang ama sa Malacanang at naatasang maging tagapamagitan upang makipag-ugnayan sa mga matataas na opisyal ng gobyerno kabilang ang 27 Cabinet Secretaries at 200 na Ahensya.
Si Ate Lisa din ang nagsilbing tagapag-ugnay at tagapag-bigay impormasyon sa loob ng tangapan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa mga kinatawan ng Justices ng Korte Suprema at Court of Appeals.
Bilang isa namang Director sa opisina ng Executive Secretary sa Malacanang Palace, si Lisa ang namamahala at nagtatalaga ng gawain sa administrative staff at sa legal team ng opisina.
Ang resulta ng kanilang trabaho ay ipinagbibigay alam din kay Lisa bilang Executive Assistant. Si Ate Lisa rin ang nangangasiwa sa mga di pangkaraniwan at sensitibong proyekto sa tanggapan ng Executive Secretary na hindi maaring hawakan lamang ng ordinaryong empleyado sa administrative staff.
Kaya hindi nagkamali si Ed Ermita na piliin ang bunso nitong anak na si Lisa para siya namang humalili at magtuloy sa mga maiiwang mahahalagang tungkulin ng anak din nitong Congresswoman Eileen Ermita na matatapos ang huli nitong termino bilang Kinatawan ng First District ngayong 2022.
Bago pumasok ang taong 2021 ay ini-anunsyo na ni Ed Ermita ang kanilang suporta kay Lisa para tumakbong kinatawan sa First District ng Batangas, isang mahalagang pagpapasya at kasunduang nabuo sa kanilang pamilya.
Ang desisyon ng pamilya Ermita ay batay na rin sa kahilingan ng mga lokal at barangay official, relihiyosong grupo, kalipunan ng mga trabahador, manggagawa, magbubukid at sibikong samahan na ipagpatuloy ni Lisa ang mga nailunsad at di pa natatapos na mga proyekto nina Congressman Ed Ermita at Eileen Ermita sa Unang Distrito ng Batangas.
Kaya nga buhay na buhay ang suporta kay Lisa Ermita ng mga taga-Unang Distrito ng Batangas, mula sa lahat na kabayanan, kanayunan at maging sa social media!
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Ermita, buhay na buhay! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: