PINURI at pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go ang naging hakbang ng national government na ibilang ang media workers sa essential sectors na prayoridad sa COVID-19 vaccination.
“Nagpapasalamat po tayo sa national government dahil dininig nila ang ating apela na isama ang mga miyembro ng media sa priority list para sa bakuna laban sa COVID-19,” ayon Go.
Isasapinal ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang guidelines at ipormalisa ang pagsasama nito sa media workers, partikular ang mga nasa news outlets, sa A4 group sa nakatakda nitong pagpupulong.
“Ang media ay napakaimportanteng sektor at maituturing ding essential workers dahil sa tungkulin na kanilang ginagampanan. Sila ang nagdadala ng balita at kasangga natin sila sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko,” ang paliwanag ni Go.
“Sa araw-araw nilang coverage, palagi silang exposed sa banta ng COVID-19. Kaya dapat lang na maproteksyunan agad sila ng bakuna,” idinagdag niya.
Sinabi ni Testing czar Secretary Vince Dizon nitong April 13, na ang mga miyembro ng media ay ibibilang na sa A4 group ng government vaccine priority list, kahanay ang frontline personnel sa essential sectors.
Ayon sa National Economic and Development Authority, kabilang sa A4 classification ang mga manggagawang may “high levels of interaction with or exposure to the public” at economic sectors na kailangan ng “security, consumers and worker safety.”
Bago pa man masimulan ang vaccine rollout, nauna nang iniapela ni Go sa pamahalaan na isama ang mga kasapi ng media sa COVID-19 priority list pero hindi dapat maaektuhan ang mga sektor na natukoy nang prayoridad, gaya ng frontliners, senior citizens at vulnerable sectors.
“Dapat po ang media ay bigyan din ng prayoridad ‘pag andyan na ang safe at epektibong vaccine para tuloy-tuloy din po ang inyong pagtatrabaho, pagko-cover at pagdadala ng balita sa ating mga kababayan,” ayon sa senador.
Sinabi ng senador na ang media workers, partikular ang field reporters, ay isa ring frontliners na nagbubuwis ng buhay upang maimpormahan ang mga Filipino ukol sa sitwasyon ng pandemya sa bansa.
“Saludo po tayo sa kagitingan ng lahat ng frontliners. Bukod sa mga medical at uniformed personnel, kilalanin rin natin ang serbisyo at sakripisyo ng iba pang mga ordinaryong manggagawa, tulad ng media, na nakikipagbayanihan sa laban na ito,” ani Go. (PFT Team)
The post Bong Go, pinuri ang pagsasama sa media workers sa vaccination priority list appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: