Facebook

Paminggalan ng pamayanan

ISANG magandang proyekto ang paminggalan ng pamayanan na nagnanais na maibsan ang pansamantalang pangangailangan ng kababayan na nagdarahop. Ito ang tinitirador ng pamahalaan ni Totoy Kulambo sa kadahilanang pinagmumukhang walang ginagawa ang pamahalaan para maibsan ang kahirapan. Mayroon ba?.

Hindi nakakasakit o nakakapinsala ang layunin ng paminggalan ng pamayanan ngunit masakit ito sa mata ng pamahalaan na may panibugho sa magandang feedback mula sa mamamayan, kay Mang Juan, Aling Marya, politiko, media at social media. Hindi bago sa Pilipino na tumulong sa kapwa lalo na sa nangangailangan at sa panahon na halos lahat ng tao’y gipit at may kakulangan sa pangtustos, ang maliit na bagay tulad ng pamamahagi ng konting pang-uwi at makakain sa bahay’ talagang nakakataba ng puso.

Ang mga maliit na bagay na ito’y tunay na may nararating lalo na sa mga taong nagtatawid ng araw upang may makain. Subalit ang tugon ng pamahalaan, isang panibugho na nakabase sa kawalan ng malasakit sa pamilya ng mga nagtutungo sa mga pamingalan ng pamayanan upang makaamot ng makakain sa araw ng pagdalaw. Hindi ba tanggap ang kaayusang ito na walang napapahamak subalit nakakatulong sa kapwa?

Ito’y pagkukusa ng tao at mga taong ibig tumulong sa kapwa at walang pag-oobliga sa pambansang pamahalaan na magbigay o tumulong sa pagsisikap na tumulong sa kapwa kahit sa maliit na kapasidad. Walang pagdadamot na nagaganap at talagang naging masaya ang nagpasimula nito na parang kabute na umakit sa maraming gintong puso na nagpapadala ng kanilang ambag upang abutin ang mas maraming pamilya sa kanilang konting tulong.

Akala mo’y apoy itong kumalat ‘di lamang sa Maginhawa St., QC., maging sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na talagang lumabas ang pagiging makabayan ng maraming Pilipino na inspirado sa nasimulang paminggalan ng pamayanan. Bumagsak ang luha sa tuwa sa nakitang pagsisikap na tulungan ng mga Pilipinong buhat sa angkan na may kakayahan ang mga nasa ilalim ng laylayan.

Walang pondo galing sa buwis ng bayan subalit patok kay Mang Juan at walang angalan at singitan sa pilahan. Maliit na bagay ngunit lagpas tenga ang ngiti ni Aling Marya ng siya’y makitang may lamang maluluto ang bitbit na bag galing sa pamingalan ng pamayanan.

Silipin natin ang mga Bayanihan Act na binuo ng Kongreso na naging panuntunan sa pagbibigay ng ayuda at alituntunin na dapat sundin ni Mang Juan habang ang bansa’y nasa ilalim ng pandemya at lockdown. Sa batas nakasaad na dapat bigyan ng ayuda ang mamamayan mula sa pondong inilaan ng Kongreso. Bilyon-bilyong piso ang inilaan dito, lalo na sa unang deklarasyon nito, at sa pagpapatupad ng Bayanihan, may iilang tao lamang ang nasiyahan dahil naging mapili ang mga tagapagbigay, iyng tipong kampihan, kamaganak, kakilala, kababayan at katropa.

Sa maiksing salita may sini-sino gayung ang pondong gamit ay galing sa buwis ni Mang Juan. At ang mas masaya, ang mga dinaluyan ng pondo na napakalabo ng pagliquidate na halos hindi malaman kung paano naubos ang bilyon-bilyong pondo. Sa totoo lang maraming anak ni Mang Juan ang hindi nakatangap ng ayuda ng Bayanihan.

Sa Bayanihan, malinaw na mas pinalakas ang presensya ng mga pulis na magpatupad ng mga alintuntunin ng martial law este lockdown upang sumunod kuno si Mang Juan. Subalit hindi naging matagumpay ito at ilang Bayanihan Act pa ang sumunod upang mapigil ang pagkalat ng pandemya o baka paglikom ng pondo para sa pagsulong ng mga pagnanais ng ilang politiko na malapit sa puno ng Balite ng Malacanan. A

t pagkalipas ng ilang mga buwan naglabasan ang mga tarpaulin ng grupo ng IDG, na ibig ipagpatuloy ang ginawang paglugmok sa bayan ni Totoy Kulambo. Ang sagwa, sa kabobohan ng mga IDG, kitang-kita ang kawalan nito ng programa para sa tao at ang sariling pagnanais lang ang ibig isulong.

Sa pagkakataong ito, ipinanganak ang Community Pantry o ang Paminggalan ng Pamayanan na galing sa isang batang may puso sa pagtulong sa kapwa na nangangailangan. Subalit iba ang dating nito sa pamahalaan, ito’y kaisipan ng pulahan, hehehe.

Sa paminggalan ng pamayanan, lumitaw na buhay ang bayanihan kung saan ang mismong mga Pilipino ang siyang nagsisikap upang abutin ang kapwa na kapos sa kakayanan. Sa pamingalan ng pamayanan buhay ang bayanihan at hindi kailangan ng mga unipormadong pulis o militar na kailangan brasuhin si Mang Juan upang sumunod sa nais nito.

Sa paminggalan ng pamayanan buhay ang bayanihan na hindi na nangangailangan ng bilyon-bilyong pisong pondo na hindi abot ang may pangangailangan. Sa pamingalan ng pamayanan, hindi negatibo ang puna lalo na sa mga pinunong bayan na ang layunin ay serbisyo at hindi negosyo. Sa paminggalan ng pamayanan hindi kailangan maging supistikado ang galaw, ang bayanihan ng mamamaya’y sapat na upang isulong ang pagnanais na makatulong.

Higit sa lahat ang paminggalan ng pamayanan ay tangap ng balana sa bansa at hindi na mabilang ang dami ng ibig gumaya ng maging Maginhawa. Ang maitawid ang isang araw na buhay ay maginhawa na sa kanilang pakiramdam.

Sa pagkakagising ng anak ni Mang Juan at Aling Marya, malinaw na nagulantang ang Puno ng Balite sa Malacanan dahil sa ganda ng pagtanggap ng balana sa pagsisikap sa pagbibigay ayuda para makarating sa mga nangangailangan. Hindi nakatanga lamang at nanunuod sa tabi. Kalahok ang balana sa gawaing may-isip at puso na parang bangungot ang dating sa tulugin at tamad na si Totoy Kulambo.

Hindi niya matiyak kung ano ang layon ng paminggalan sa pamayanan at kung anu-anong multo ang nakikita at hinahanapan ng iba’t-ibang papeles o maging ng buwis upang makapagpatuloy ito sa pagtulong kay Mang Juan at Aling Marya. Walang ibang layon ang paminggalan sa pamayanan kundi ang maitawid ng nagdarahop ang isang araw sa buhay na hirap na maibigay ng pamahalaan na nagpapasasa sa buwis ng bayan.

Nakakatakot ang walang ginagawa at nagiging multo ang mabuting gawa at ang maalwan na pagtangap ni Mang Juan…Nagnanais pa kami ng maraming paminggalan ng pamayanan ang sumulpot at maging paminggalan ng Bayan.

Maraming Salamat po!!!

The post Paminggalan ng pamayanan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Paminggalan ng pamayanan Paminggalan ng pamayanan Reviewed by misfitgympal on Abril 22, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.