Facebook

Munti LGU, handa na sa National ID System

HANDANG-HANDA na ang Muntinlupa City sa rollout ng registration para sa National Identification System.

Ito’y, ayon kay Public Information Office (PIO) Chief Tez Navarro, makaraang lumagda si City Mayor Jaime Fresnedi sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama si PSA-NCR Regional Director Paciano Dizon na may kaugnayan sa Philippine Identification System (PhilSys) registration sa lungsod.

Sa nasabing event, nangako si Fresnedi sa PSA na magiging katuwang ng ahensya ang Local Government Unit (LGU) sa registration sa pamamagitan nang pagbibigay ng logistical support at kinakailangang resources para rito.

Makatutulong aniya sa lahat ang ID system upang mas mabilis na maaabot ng publiko ang social welfare programs at mga benepisyo mula sa LGU.

Maliban kay Fresnedi, dumalo rin sa MOA signing ceremony sina PSA-NCR Chief statistical specialist Estrella Vargas, PhilSys focal person Minerva Carpio, statistical analyst John Daniel Flores, at City Planning and Development Officer Alvin Veron.

Kung hindi ako nagkakamali, tuloy-tuloy ang registration hanggang sa maabot ang target na bilang ng registrants.

Mahalaga ito lalo na sa panahong may kalamidad o pandemya tulad ng nararanasan ngayon dahil mapapadali ang pamamahagi ng tulong o ayuda.

Kung maaalala, noon pang Agosto 2018 nilagdaaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Identification System Act.

Medyo mabagal nga lang ang implementasyon ng sistema.

Itinatakda sa ilalim ng bagong batas na lahat ng mamamayang Pilipino na 18 taong gulang pataas ay dapat mayroong National ID.

Tadtad ng impormasyon ang ID, kabilang ang biometric information, buong pangalan, petsa ng kapanganakan, saan ipinanganak, tirahan, at nasyonalidad ng may-ari.

Tinatayang P25 bilyon ang nakalaang pondo para sa National ID System.

Nawa’y maisakatuparan ito nang tuluyan dahil parang ang Pilipinas na lang yata ang walang National ID sa buong Asya.

Ang problema, hindi pa man naipatutupad ang sistema, marami nang bumabatikos dito.

Maaaring labag daw ito sa karapatan ng mamamayan.

Sa pamamagitan daw ng National ID, posibleng makompromiso ang privacy at seguridad ng may-ari ng ID.

Mahahalungkat daw kasi ang pagkakakilanlan ng mamamayan at maaaring panghimasukan.

Hindi naman maitatanggi na maganda ang layunin ng programa.

Tandaan na lahat ng pagbabago sa gobyerno ay laging may tinatamaan at laging may tumutuligsa.

Subalit dahil pabor naman ito sa mas nakararami, hindi na dapat pansinin ang mga batikos dito.

Kung may pondo na naman para rito at walang legal na balakid sa implementasyon nito, aba’y wala nang dahilan para hindi matuloy ang National ID.

***

PARA naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!

The post Munti LGU, handa na sa National ID System appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Munti LGU, handa na sa National ID System Munti LGU, handa na sa National ID System Reviewed by misfitgympal on Abril 22, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.