MAARI nang manghiram sa pamahalaang lungsod ng Maynila ang mga pribado at pampublikong ospital na nangangailangan ng mamahaling at mahirap makitang gamot para sa severe and critical COVID-19 cases.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na nagsabing nakabili na ang pamahalaang lokal ng gamot na Tocilizumab at panibagong batch ng Remdesivir sa intensyong mapakinabangan ito ng mga mahihirap na residente ng lungsod at maisalba ang kanilang buhay. Ang nabanggit na dalawang gamot lalo na ang Tocilizumab ay bihira at mahirap hanapin sa bansa.
Ayon kay Moreno, siya at si Vice Mayor Honey Lacuna ay nagtutulong upang patuloy na makahanap ng paraan para makapagligtas ng buhay sa gitna ng patuloy na surge ng kaso ng coronavirus disease.
Nitong nakaraang weekend, sinabi ni Moreno na umorder ang lungsod ng 1,000 vials ng Tociluzumab at 1,000 Remdesivir na napatunayang mabisa sa mga pasyenteng nasa sa severe at critical cases.
“Halos lahat ng doktor sa COVID, be it sa mamahaling private hospitals, national hospitals o local hospitals ay inirereseta ang mga produktong ito kaya kawawa ang mahihirap. Walang mabilhan ng mga ito kahit pa me pera ka…mahirap hanapin at napakamahal lalo na sa isang mahirap,” ayon kay Moreno.
Base sa datos, sinabi ng alkalde na marami ng nailigtas na mga pasyenteng may COVID at nasa severe at critical condition ang nasabing gamot.
“We acquired these so we can save lives. As we speak, marami nang nadugtungan na buhay ang mga gamot na ito na mahirap hanapin. Sa tulong ni Vice Mayor Honey Lacuna na isang doktora, mabilis naiibsan ang pangangailangan ng ating mga kababayan,” dagdag pa ni Moreno.
Sinabi ni Moreno na nakakuha ng compassionate permit ang pamahalaang lungsod para makabili ng nasabing gamot.
Sa kasalukuyan ang Maynila ay nakapagpahiram na sa parehong pribado at pampublikong ospital ng nasabing mga gamot, pero ang alok na pagpapahiram ng Maynila ay mananatili lamang hanggat mayroong supply.
Maaaring makipag-coordinate ang mga doktor o opisyal ng pagamutan sa Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Arnold Pangan o sa anim na city-run hospital ng lungsod.
Ang tanging kailangan lang nilang iprisinta ay ang clinical abstract ng pasyente, prescription at ang contact person na alinman sa attending doctor o kinatawan ng ospital.
Sa pribadong ospital ang Remdesivir ay umaabot ng P16,000 bawat vial habang ang Tocilizumab ay nagkakahalaga ng P80,000 bawat isang vial. (ANDI GARCIA)
The post Maynila, nagpapahiram ng mamamahaling gamot sa COVID-19 — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: