KAMAKAILAN ay naghayag si Manny Pacquiao na siya ang harapin ng Asian-American haters sa Estados Unidos.
Matapang idiniin ng pulitikong boksingero na siya ang labanan ng mga duwag na pinag-iinitan ang mga Asyano sa bansa ni Joe Biden.
“Fight me instead, you cowards,” eka ng anak ni Aling Dionesia.
Bravo raw kung seryoso diyan ang senador mula sa GenSan sabi ni Pepeng Kirat. Kasi baka may kumasa sa kanya ay hindi naman pansinin at magdahilan ng kung ano-ano.
Ayon pa kay Pepe na kung nais palabasin ng asawa ni Jinkee na kampeon siya ng mga naaapi disin sana ay noong pinagtotokhang ng mga awtoridad ang mga inosenteng kabataan tulad ni Kian de los Santos ay umalma na siya.
Di ba’t inamin na siya man ay sumubok ng droga ng kanyang kabataan. Mapalad nga siya at wala pang EJK noon.
Kung noong binabastos ng Buang sa Malacanang ang mga kababaihan ay naghayag na rin siya ng pagtutol at ipinagtanggol ang kabaro ng kanyang mga babeng kapatid ay papalakpak tayo. Kaso nanahimik ang ama ni Jimuel.
Takot sa mga may pakana ng patayan at panglapastangan sa mga Pilipina.
“Be consistent,” wika ni Kirat sa nag-aambisyong maging pangulo natin sa 2022.
Bulung-bulungan tuloy na pa-pogi points lang ito ng kapatid nina Bobby at Roel na nasa mundo na rin ng pulitika.
***
Nasa mahigit kalahatian na ng regular season ang NBA. May halos 50 na laro ang ilang koponan. Yung nangunguna sa buong liga na Utah ay may kartadang 38-11 o naka-49 na game na. 23 na game pa ang Jazz. Yung kulelat sa lahat na Minnesota ay 12-38 naman na at may natitirang 22 na lang na laban.
Dito sa atin ang PBA opening nakabitin pa. Hindi matutuloy ang tinatarget na Abril sanhi ng panibagong lockdown.
Hinto muna ulit ang mga ensayo ng bawa’t prangkisa.
***
Ang chess champion na si Wesley So ay naging Amerikano na dahil mas marami raw siyang pagkakataon maging world’s No 1 kung nasa ilalim siya ng American Chess Federation. Neglected ang pakiramdam niya noong Pinoy pa ang chess wizard.
Ngayon may balita na inalok na si Jaja Santiago na maging Hapon kasi bumilib ang mga kababayan ni Shikeagi Abe na malaki maitutulong ng 6’5 na star sa kanilang pambansang koponan sa volleyball.
Isa kasi sa nagbida sa kanyang team si Jaja nang masungkit nila ang gold medal sa Japan V Cup kamakailan. Mabuti na lang mas ibig ni Santiago na manatiling Pinay. Sana all.
The post Seryoso ka Pakyaw? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: