Facebook

UTANG SA DROGA, UGAT NG PAGMASAKER SA MAGKAKAMAG-ANAK

MAKALIPAS ang ilang araw, umamin narin ang salarin sa pagmasaker sa apat na kaanak sa Gardenville Subdivision, Barangay Tangub, Bacolod City.
Kinilala ang isa sa mga salarin na si Christian Don Tulot alyas Dondon, tubong Guimaras na lumipat sa Purok 1, Pavia, Iloilo at nakapag-asawa sa Barangay Malangabang, Concepcion, Iloilo.
Napag-alam na may kasong ‘reckless imprudence resulting to damage to property’ at ‘unjust vexation’ si Dondon. At nahuli rin ito nang magtangka pumuslit pauwi sa Iloilo mula sa Bacolod City ng walang kaukulang dokumento sa kasagasagan ng mahigpit na pagpapatupad ng quarantine restrictions.
Ayon kay Police Major Joery Puerto, station commander ng Bacolod Police Station 8, inamin ni Dondon nitong Biyernes ng madaling-araw na isa siya sa mga pumatay sa tiyahin na sina Jocelyn Nombre at Gemma Espinosa, pinsan na si John Michael Espinosa at 8-anyos na pamangking babae.
Ayon kay Puerto, inaasikaso na ng imbestigador na makuha ang ‘extra-judicial confession’ ni Dondon sa presensya ng abogado.
Aminado ang hepe na humupa na ang epekto ng iligal na droga sa utak ni Dondon kaya’t umamin ito sa brutal na krimen.
Isinalaysay umano ni Dondon na tatlo silang pumatay sa apat na kaanak. Aniya, kanilang minartilyo sa ulo ang kanyang mga tiyahin, pinsan at pamangkin.
Sinabi ni Dondon na isa sa kanyang mga kasama ay ang tiyuhin na si Joel Espinosa na nakatira rin sa parehong subdivision.
Inimbitahan na ng Bacolod Police Station 8 si Joel para sa questioning.
Ayon sa pamilya Espinosa, may problema sa pag-iisip si Joel.
Kampante ang hepe ng pulisya na kanilang mareresolba ang krimen dahil consistent narin ang mga salaysay ni Dondon.
Sa report, nakuhaan rin si Dondon ng limang sachets ng shabu nang binuksan nito ang kanyang bag sa harap ng mga kaanak, mga pulis at kasapi ng media sa police station Huwebes ng gabi makaraang mahuli sa Barangay Bunga, Salvador Benedicto, Negros Occidental. Nagkakahalaga ang shabu ng mahigit P6,000.
Pero itinanggi ni Dondon na sa kanya ang droga, ngunit inamin nito na gumagamit siya.
Hindi naman pinalaya pa ng mga pulis ang tiyuhin na si Joel Espinosa na dinamay ni Dondon at sinabing kasama niya ito sa pagpatay.
Ayon pa kay Dondon, kasama nila ni Joel si “Bro” sa paggawa ng krimen. Si Bro ang source nila ni Michael ng shabu ngunit may utang si Michael sa kanya na P35,000.
Nitong Linggo, siningil umano ni Bro si Michael ng kanyang utang ngunit wala itong pambayad kaya’t kanyang minartilyo.
Sunod na pinatay si Jocelyn at Gemma bago nila pinatay ang batang si Precious.
Sa ngayon, pinaghahanap pa ng mga pulis ang isa pang salarin na kinilala lamang kay Bro.
Ayon sa pulisya, sasampahan ng kasong multiple murder sina Dondon at Joel at illegal drugs laban kay Dondon.

The post UTANG SA DROGA, UGAT NG PAGMASAKER SA MAGKAKAMAG-ANAK appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
UTANG SA DROGA, UGAT NG PAGMASAKER SA MAGKAKAMAG-ANAK UTANG SA DROGA, UGAT NG PAGMASAKER SA MAGKAKAMAG-ANAK Reviewed by misfitgympal on Abril 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.