NASA 22 ang kabuuang bilang ng mga COVID-19 vaccination sites sa Maynila. Ito ay matapos na mag-alok kay Manila Mayor Isko Moreno ang apat na shopping malls sa Maynila na magamit bilang vaccination sites ang kanilang mga pasilidad, sa sandaling simulan na ang pagbabakuna para sa mga indibidwal na nasa A4 category.
Ayon kay Moreno, kabilang sa mga naturang mga shopping malls na magiging COVID-19 vaccination centers na rin ang Lucky Chinatown Mall, Robinson’s Place, SM Manila at SM Lazaro.
Karagdagan ito sa 18 vaccination sites na ginagamit na ngayon ng lokal na pamahalaan para sa pagbabakuna ng mga A1-A3 categories.
Sinabi ng alkalde na nakipagpulong na siya sa mga kinatawan ng mga naturang shopping malls na nag-alok na libre nilang ipapagamit ang kanilang mga pasilidad upang maging karagdagang vaccination sites.
Ayon pa sa alkalde, layunin nitong makapag-accommodate ng mas marami pang vaccine recipients, sa sandaling masimulan na ang pagbabakuna sa A4 category.
Pinasalamatan naman ng alkalde ang pamunuan ng mga naturang malls dahil sa pag-aalok ng mga ito na magamit ang kanilang espasyo para sa pagbabakuna, dahil tiyak aniyang mas magiging kumportable ang mga magpapabakuna doon dahil maluwag ang mga lugar at airconditioned pa ang mga ito.
Kayang-kaya ring mag-accommodate ng bawat mall ng tig-1,000 vaccine recipient.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng lokal na pamahalaan ang implementation guidelines at ang vaccine allotment mula sa national government.
Noong May 20 broadcast ni Moreno inihayag niya r na pinadalhan na siya ng mensahe ng Department of Health (DOH) may tatlong araw na ang nakakalipas para sa pagdating ng mga bagong bakuna, ngunit hindi pa lamang aniya nila ito natatanggap. (ANDI GARCIA)
The post 4 na malls sa Maynila, gagamitin na ring vaccination site — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: