NAKAPAGTALA pa ng karagdagang 678 na bagong kaso ng COVID-19 variants sa bansa mula sa 744 samples na isinailalim sa ‘sequencing’.
Batay sa ‘whole-genome sequencing report’ ng Philippine Genome Center (PGC) na isinumite sa Department of Health (DOH), natukoy ang 289 na kaso ng B.1.1.7 variant (UK variant), 380 kaso ng B.1.351 variant (South African) at siyam na kaso ng P.3 variant.
Nabatid na mula sa bagong UK variants, 48 kaso ay mga ‘returning overseas Filipinos (ROFs), 185 ay mga lokal na kaso at 56 pa ang biniberepika. Tatlong kaso naman dito ang aktibo pa, dalawa ang nasawi at 284 ang nakarekober na.
Samantala, sa natuklasang South African variants, 107 ay mga ROFs, 196 ay local cases, at 77 ang biniberepika pa. Isang kaso na lamang sa mga ito ang aktibo pa habang nakarekober na ang 379 pa.
Nabatid na pawang nakarekober naman na ang siyam na bagong P.3 variant, na kinabibilangan ng tatlong ROFs, apat na local cases at dalawa na bineberepika pa.
Kaugnay nito, sinabi naman ng DOH na ang P.3 variant na unang natuklasan sa Pilipinas ay hindi pa isinasama sa variant of concern (VOC) dahil sa kulang pa ang mga datos kung ito ay may malaking epekto sa pampublikong kalusugan.
Nilinaw rin ng ahensya na ang B.1.351 o South African variant ay hindi pa ang ‘dominant variant’ sa Pilipinas.
Ayon sa DOH, ito lamang ang may pinakamaraming kaso sa bansa sa mga variants ng COVID-19 na natukoy na ng mga eksperto. (Andi Garcia)
The post 678 bagong kaso ng COVID-19 variants naitala – DOH appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: