TANGING 8,400 doses lamang ng Sinovac vaccines mula 1M na dumating sa bansa sa loob ng dalawang linggo, ang naging allocation ng pamahalaan ng kabisera ng bansa.
Ito ang nabatid kay Mayor Isko Moreno, na nagsabing ang pinakahuling alokasyon ay para lamang sa 4,200 indibidwal at naiturok na lahat sa loob lamang ng anim na oras.
Ang paliwanag ay ginawa ni Moreno sa gitna ng katanungan ng mga residente na nais malaman kung kailan ang susunod na pagbabakuna ng Sinovac.
“Wala muna tayong bakunahan ng first dose… ang binigay po sa Maynila is 8,400 doses good for 4,200 individuals. We’re just stating facts here… whatever reason they have, I don’t know dahil ‘yan pong bakuna na ‘yan ay galing sa national government,” ayon sa alkalde.
“So 8,400 doses out of one million na dumating sa bansa sa loob ng dalawang linggo. Be that as it may, ‘yung 4, 200 ay ating naiturok in less than one day kaya ubos na ulit. Ang natitira sa atin ay ang second dose ng nagdaang panahon,” dagdag pa nito.
Samantala ay sinabi ni Moreno na magbibigay pa ang city government ng hanggang dalawa o tatlong araw sa mga nabibilang sa kategoryang A1 na kinabibilangan ng mga doctors, nurses at iba pang health o medical frontliners para magpabakuna dahil muling itutuloy ang bakunahan ng Sputnik V (Gamaleya) sa Miyerkules.
Tanging 141 lamang ang nagpaturok ng nasabing bakuna sa Sta. Ana Hospital noong Martes. Ang lungsod ng Maynila ay tumanggap ng 3,000 doses ng Sputnik na para lamang sa 1,500 individwal.
Sakaling kakaunti pa rin ang magpapabakuna, sinabi ni Moreno na itutuloy na nila ito sa A2 at A3 categories o senior citizens at mga nasa edad 18-59 na may comorbidities.
Sinabi ni Moreno na maraming hamon ang paghawak ng Russian-made vaccine.
“Pagkagaling ng storage, pag-deploy tutunawin pa. Natural maghihintay ng ilang minuto kaya mabagal ang bakunahan sa Gamaleya. Mabagal ang sistema,” pahayag nito na dinagdag din na ang mga taong nasa likod ng vaccination program ay maingat sa pagtuturok ng mga doses ng bakuna upang matiyak na walang masasayang dito.
“We have to be really careful kasi ayokong me masasayang. Bawat isang dose, may buhay na umaasa but kanina, proud ako sa aming mga vaccinating team dahil naigapang nang maayos. Nagpunta pa nga si Secretary Duque to observe,” ayon pa kay Moreno. (ANDI GARCIA)
The post 8,400 doses lang ang allocation ng Maynila – Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: