Facebook

Signos

NAPAKASARAP makipagtalastasan sa mga taong biniyayaan ng karunungan dahil makakapulot ng aral kung paano magsalita at ang mismong salita na ginagamit sa pag-uusap. Napakasarap pakinggan ang inuusal gamit ang mga payak na salita na madaling mauunawaan ang ibig iparating na mensahe. Isang pribilehiyo ang makausap, makipagpalitan at maibahagi ang sariling kaisipan hingil sa usaping bayan.

Mula sa karanasan mamamangha kung paano nabuo ang ideya gayong tila mahirap arukin kung saan nagmula ang sinasabi, dahil sa matalas na kaisipan o sa malawak na karanasan o pareho? Ang kagalingan na inusal na mga kataga’y tunay na magagamit sa hinaharap. Malalim ang ibig iparating na mensahe sa payak na mga pangungusap.

Tulad ng binangit batay sa karanasan ang sinasabi at pawang katotohanan at hindi kathang isip na nagmula sa kasabihang Pilipino. Ang mga sinasabi’y hango sa kaganapan ng panahon ng kanilang kakisigan na kapupulutan ng aral. At kadalasa’y napapahamak ang hindi nakikinig at hindi nakararating sa paroroonan. Ang nilalarawan at binabangit dito’y karamihang mga taong na hininog ng karanasan at ang talas ng alaala sa karanasan nagpaputi ng buhok na nagpatalas ng karunungan.

Ang laman ng ating binabangit sa itaas, sa pakikipag-usap sa isang beteranong mamamahayag sa larangan ng media ang nagbigay ng kaisipan sa pagdalaw ni Inday Sapak para magbigay ng ayuda sa isang paminggalan ng pamayanan sa Maginhawa. Walang laman ang usapan, subalit ng bangitin na dagling dumilim ang langit at bumagsak ang ulan, isa lang ang binangit nito, ito’y isang signos. Isang negatibong signos na ipinapahiwatig na may kaganapang maaring mangyari na daranasin ng paminggalan.

Tapos ang usapan, ilang araw ang nagdaan, tila nagbago ang kapalaran ng pamingalan sa pamayanan at nawala sa Maginhawa. Sa pagbabalik tanaw sa usapan malinaw na ang signos na binanggit, nawala ang paminggalan na nakatulong kay Mang Juan, Aling Marya at sa balana. Malalim ang pinaghugutan, ang kalikasan ba ang nagpasya na hindi tanggap si Inday Sapak sa pagdalaw nito at kusang sinara ang pamingalan sa pamayanan o nagkataon lamang?

Sumilip tayo ng ilang pangyayari na masasabing may batayan ang hugot ng beteranong personalidad. Sa isang debate sa TV binangit nito na may signos na dala si Totoy Kulambo at Inferior Davao Group (IDG) kung mananalo ito sa panguluhan ng bansa. Binanggit ng mama na magiging kawawa ang bansa kung pinamumunuan ng isang baliw na ang tanging alam ang manindak ng mga ‘di sangayon dito.

Ang masakit, maraming hindi naniniwala at nakaakit ng mga manghahalal ang baliw upang manalo. Ito ang kasalukuyan, ‘di na mabilang ang mga namatay sa EJK, nagsarang mga negosyong na nagbunga ng kawalan ng hanapbuhay, talamak na nakawan sa pamahalaan at ang pagpasok ng mga dayuhang tsekwa na kumpetensya sa mga natirang negosyo at hanapbuhay, ‘di naglao’y nagdala ng sakit sa bansa. Dahil ‘di nakinig si Mang Juan Pasan Krus, heto na ang kalbaryo at dala na nito ang krus ng kahirapan. Ang mga inusal ng batikang mamamahayag tila dila ng isang matanda noong araw na nagaganap sa kasalukuyan, na parang nabasa ang kinabukasan ng bansa sa pagpili ng mali sa nakaraang halalan. Maitatama ba ito sa kasalukuyan gayun nagpahiwatig na ang kalikasan sa naganap sa paminggalan sa Maginhawa?

Sa nabangit na mga insidente na kung saan naging mahusay ang pagkakalahad ng batikang peryodista sa naganap at sinapit ng bansa maging ng pamingalan sa Maginhawa. Mayroong pinaghuhugutan ang mama sa mga nabangit batay sa umiiral na pangyayari sa mga pagkakataong tinukoy. Maaring hindi nakalathala ang mga binanggit subalit ang mga obserbasyon sa kaganapa’y tumpak at siya nating kinakaharap. Naganap ang mga obserbasyon, nagsara ang pamingalan at lumubog ang kabuhayan ng bansa.

Sa darating na halalan isang taon mula ngayon, gawing batayan ang mga nabangit na mga signos na dala ni Totoy Kulambo maging ang lahat ng mga kasapakat nito upang maiwas ang bayan sa kasadlakan at kahirapan. Malinaw na signos ang naganap sa Maginhawa na nagsara ang paminggalan pagkatapos ng pagbisita ni Inday Sapak. Maliit na kaganapan, subalit sumasalamin sa kaganapang pambansa. Signos ang ipinakita ng kalikasan na ‘di dapat ipagwalang bahala. Huwag suwayin ito kahit minsan na nabulag si Mang Juan sa isang pagkakataon. Huwag ipag walang bahala ang binabangit at kailangang bigyan pansin bilang batayan sa kinabukasan.

Kailangan na mulatin ang sarili upang hindi na malinlang pang muli na papasanin sa susunod na anim na taon. Huwag ihalal ang mga taong ang signos para sa baya’y kahirapan. Ang magising sa kahirapang binabalikat ng halos anim na tao’y sapat na upang isulong ang maka Mang Juan na pamamahala. Pigilan ang signos ng IDG na may balat sa puwet at tattoo sa likod. Itigil ang signos, ibangon ang kabuhayan ni Mang Juan..

Maraming Salamat po!!!

The post Signos appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Signos Signos Reviewed by misfitgympal on Mayo 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.