Facebook

Ano mas mahalaga, bakuna o teritoryo?

Kaliwa’t-kanan ang pagbatikos sa ngayon ng mga kalaban ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang isyu ng pag-aagawan sa teritoryo ng West Philippine Sea.

Nangangamoy-eleksyon, sa totoo lang, dahil karamihan kundi man lahat ng bumabatikos kay Duterte ay nasa kampo ng partido pulitikal na kilala bilang kalaban de primera ng administrasyon. Nabibilang sila sa kampo ng mga tinalo ni Duterte sa nakaraang presidential election.

Bumuwelta si Pangulong Duterte kina dating Supreme Court Justice Antonio Carpio at dating Foreign Affairs chief Albert Del Rosario.

Sabi ni Duterte sa kanila: “Kung bright kayo, bakit nawala ang West Philippine Sea sa atin? Panahon ninyo iyon eh.”

Bakit ito nasabi ni Duterte? ‘Yan ay dahil sa sila ay kasama sa mga pangunahing kritiko ng Pangulo pagdating sa isyu ng WPS sa ngayon.

Kung inyong matatandaan, taong 2016 nang lumabas ang ‘arbitral ruling’ o desisyon kung saan isinantabi ang pag-angkin ng China sa pinag-aawayang teritoryo. Paulit-ulit na hindi tinanggap ng China ang naturang desisyon.ng UN Tribunal.

Madaling maging kritiko pero dapat ay isinasaaalang-alang din ang kahihinatnan.

Una, kaya ba nating giyerahin ang China? Makatatayo ba tayo sa sarili nating paa? Mahirap umasa sa pangako ng ibang bansa na susuportahan tayo. Paano kung hindi ito tuparin? At hanggang saan sila handa tumulong?

Sa totoo lang, ngayong panahon ng pandemya, China ang kauna-unahang bansa na tumulong sa Pilipinas.

Kundi pa dumating ang 600,000 doses ng Sinovac na galing China ay ni hindi mauumpisahan ang bakunahan sa Pilipinas.

Sa tuwa ay mismong si Presidente Duterte ang sumalubong sa pagdating ng mga nasabing bakuna mula China.

Dahil diyan ay tama si Pangulong Duterte sa pagsasabi na may utang na loob tayo sa China at ‘yan ay hindi maaring itapon basta-basta dahil sa isyu ng WPS.

Buhay ng mga Pilipino ang mas mahalaga kesa sa anumang teritoryo na nasa tubig at malayo sa kabihasnan.

‘Yung mga bansa na inaasahan nating aaway sa China para sa Pilipinas, nagbigay man lang ba ng bakuna?

Sa ngayon, walang pinaka-importante kundi ang mabakunahan ang karamihan ng Pilipino para magkaroon tayo ng tinatawag na ‘herd immunity’ at tanging China lang ang tumutulong sa Pilipinas.

Aanhin mo ang teritoryo kung ubos naman ang populasyon mo dahil sa COVID-19?

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.

The post Ano mas mahalaga, bakuna o teritoryo? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ano mas mahalaga, bakuna o teritoryo? Ano mas mahalaga, bakuna o teritoryo? Reviewed by misfitgympal on Mayo 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.