SA kabila nang hindi agad pagsasabi ng mga lokal na pamahalaan ng vaccine brands na ituturok sa isang vaccination site ay tumaas pa rin ang bilang ng mga nagpabakuna.
Iito ang sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kahit na hindi kaagad na inia-announce ang brand ng bakuna ay marami pa ring mga residente ang nagtutungo sa mga vaccination sites upang magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19, partikular na sa NCRP Plus areas.
“’Yung mga past days na nasabing announcement walang announcement [ng brands] mataas pa ang pagbabakuna especially sa NCR Plus Bubble, Nakikita natin na pumupunta pa rin po ang ating mga kababayan,” ayon kay Vergeire.
Matatandaang ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng local government units (LGUs) na huwag nang ianunsiyo ang brand ng bakuna na gagamitin sa bawat vaccination sites upang maiwasan ang pamimili ng bakuna ng mga tao.
Kasunod ito nang pagdagsa ng mga vaccine recipients sa ilang vaccination sites kung saan nagtuturok ng Pfizer vaccines.
Nilinaw naman ni Vergeire na malalaman pa rin naman ng mga vaccine recipients kung anong bakuna ang ituturok sa kanila pagdating nila sa vaccination centers.
“Kailangan natin inform ang mga tao na hindi porke hindi in-announce ng local governments ay hindi nila malamaan ang itinuturok sa kanila. Pagdating sa vaccination site, they will be counseled at sasabihin sa kanila kung ano ang brand na ‘yun at sila ay bibigyan ng informed consent,” paliwanag ni Vergeire.
Muli ring nanawagan sa publiko si Vergeire na magpabakuna na upang magkaroon ng proteksiyon laban sa COVID-19 at makamit ng bansa ang herd immunity.
“So ito pong preference ng vaccine kailangang maintindihan ng kababayan natin na may race against time.
Kailangan sa araw-araw na tayo ay nagbabakuna tumataas ang nababakunahan so we can be able to reach the end na bababa ang kaso ng mga nao-ospital at namamatay sa ating bansa,” paliwanag pa niya.
Nabatid na umaabot pa lamang sa mahigit 3.2 milyong Pinoy ang nabakunahan laban sa COVID-19.
Malayo pa ito sa target na 58 milyon hanggang 70 milyong indibidwal na kailangang mabakunahan hanggang sa katapusan ng taon upang maabot ang herd immunity. (ANDI GARCIA)
The post Bilang ng nagpabakuna, tumaas kahit hindi sinabi ang brand ng COVID-19 vaccine – DOH appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: