SA inisyatiba ng DEPARTMENT OF AGRARIAN REFORM (DAR) na maasistehan hinde lamang sa pagkakaloob ng lupang maging pag-aari ng mga naghihirap na sektor kundi mabigyan din ng pangkabuhayan ay rerekta na mismo ang BUREAU OF JAIL MANAGEMENT AND PENOLOGY (BJMP) sa mga magsasaka ng NUEVA ECJA para bilhin ang kanilang mga produkto.
Bunsod nito ay pinuri ni DAR SECRETARY JOHN CASTRICIONES ang liderato ni BJMP SUPT. CRISTINA CASTILLO dahil matutulungan aniya ang mga magsasaka at matutuldukan pa ang pananamantala ng mga “middlemen” sa lalawigan ng NUEVA ECIJA.., ika nga, ang BJMP na mismo ang makikipagtransaksiyon sa mga magsasaka o iba’t ibang mga AGRARIAN REFORM BENEFICIARIES ORGANIZATION (ARBO) para bilhin ang iba’t ibang mga produkto na ito naman ang magiging pagkain ng mga preso sa mga kulungan ng nasabing lalawigan.
“Isang malaking oportunidad ito para sa ating mga magsasaka dahil maiiwas sila na makipagtransaksyon sa mga mapagsamantalang middlemen na bumabarat sa kanilang mga produkto,” ani BRO JOHN.
Tumayong saksi sa pirmahan ng memorandum of understanding sina BRO. JOHN, UNDERSECRETARY EMILY PADILLA ng SUPPORT SERVICES OFFICE, VIRGINIA OROGO ng PLANNING, POLICY ANDB RESEARCH OFFICE at si ELMER DISTOR ng FIELD OPERATIONS OFFICE na ginanap bago ipinamahagi ang mga CERTIFICATES OF LAND OWNERSHIP AWARD sa loob ng TALAVERA MUNICIPAL GYMNASIUM.
May kabubuang 159 titulo ng lupa, na kinabibilangan ng 99 ektarya ang ipinamahagi sa 150 benepisaryo.
Sa lagdaan nina DAR-NUEVA ECIJA PROVINCIAL AGRARIAN REFORM PROGRAM OFFICER EDEN PONIO at kanyang katapat sa BJMP na si SUPT. CASTILLO ay sumali rin si PONIO sa pirmahan ng kasunduan sa pagsuplay ng pagkain kina TALAVERA MUNICIPAL JAIL WARDEN SR. INSP. CLIFF TORRES at RICARDO BUENAVENTURA na siyang PANGULO ng Nagkakaisang Magsasaka Agrikultura Primary Multi-Purpose Cooperative.
Ang pagkakasundo sa pagitan ng mg opisyal ng kulungan at ng mga magsasaka ay bahagi ng pagpupunyagi ng pamahalaan na maibsan ang kagutuman at kahirapan sang-ayon sa programang ENHANCED PARTNERSHIP AGAINST HUNGER AND POVERTY (EPAHP).
Bunsod nito ay piinuri ni TALAVERA MAYOR NERIVI SANTOS-MARTINEZ ang nasabing kasunduan na aniya’y “malaking tulong para mapataas ang kita ng mga magsasaka.”
Bukod sa naturang programa ay may 1.2 ektaryang lupain sa BARANGAY BANTUG HACIENDA, TALAVERA ang ipinagkaloob ng DAR para sa pamahalaang bayan ng TALAVERA na laan upang pagtayuan ng P206 milyon halaga ng cold storage facility para sa mga magsasaka ng sibuyas.
Ayon kay BRO. JOHN, malaki ang maitutulong ng proyekto, na itatayo sa pagmamagandang-loob ng WORLD BANK, para maitaas ang kita ng mga magsisibuyas na magsasaka at maiiwas sila sa mga mapagsamantalang “middlemen”.
“Oras na maitayo ang cold storage facility, hindi na kailangan ng mga magsasaka na ibenta nang agaran ang mga sibuyas nila sa takot na mabulok ang mga ito at mawalan ng saysay ang kanilang paghihirap at pamumuhunan. Maaari nang iimbak ang kanilang mga sibuyas habang mura ang presyo at ibenta kapag bumalik na sa normal ang presyo nito,” pagpupunto ni BRO JOHN.
Inihayag din ni BRO JOHN na aakuin ng World Bank ang 80 porsiyento ng buong halaga ng proyekto habang sa pamahalaang pambansa at bayan ng TALAVERA ang natitirang 20 porsiyento.., na ang itatayong pasilidad ay may kakayahang mapag-imbakan ng 120,000 sako ng sibuyas. Ang bigat ng bawat sako ng sibuyas ay sang-ayon sa sukat ng sako, ang pinakamaliit na sako ng sibuyas ay tumitimbang ng limang kilo at ang pinakamalaki ay 25 kilo.
“Ang pasilidad ay tunay na malaking biyaya para sa aming mga magsasaka ng sibuyas. Mapagsisilbihan nito hindi lamang ang mga magsasaka sa Talavera kundi maging ang mga nasa bayan ng Aliaga, Quezon at Santo Domingo,” pahayag naman ni TALAVERA MAYOR NERIVI.
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.
The post BJMP rerekta sa farmers! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: