KUNG biktima kayo ng pangongotong habang “nakikipag-love making”, sa iskandalosong sirkumstanya sa Batangas City, makabubuting magsadya lamang sa himpilan ng pulisya ng naturang siyudad para kilalanin ang isa sa mga barangay tanod na hinihinalang nasa likod ng serye ng pangongotong sa mga lover na nagtatalik sa loob ng sasakyan.
Ang modus operandi na ito na kung tagurian ay “pang-aalimango” ay napakatagal nang nagaganap sa kalakhang-Maynila. Noon pa mang mga unang mga taon ng dekada 70’s ay maraming insidente na ang napapaulat sa himpilan ng mga kapulisan sa Manila, Quezon City, Pasay City, Caloocan City at iba pang mga lungsod sa Metro-Manila.
Ngunit sa dahilang ang kalimitang sangkot sa uri ng nabanggit na krimen ay mga miyembro ng kapulisan ay madalas na naaareglo na din ang kaso. Kalimitan sa mga nagrereklamo ay nawawalan na ng interes para humarap sa paglilitis ng usapin at tuluyang napapawalang-bisa na ang isinasampang reklamo laban sa nang-”alimangong kotong cops”.
Hindi natin akalain na ang istilong ito ng paggawa ng pagkakaperahan ay kalat na din pala hanggang sa Brgy. Sta Rita Karsada, Batangas City. May mga nakakarating na din ulat sa inyong lingkod hinggil sa ilang anomalosong barangay official sa nasabing siyudad.
Tama po mga KASIKRETA ang “pang-aalimango” ay dating taguri sa mga pulis o iba pang awtoridad na nakatalaga sa Mobile Patrol at Foot Patrol Units na ang modus operandi ay manghuli ng mga lovers na nagtatatalik sa mga park, at iba pang pampublikong lugar lalo na kapag nasa loob ng kotse o iba pang uri ng behikulo.
Katulad ng panghuhuli ng alimango ay maingat at dahan-dahang nilalapitan ng mga sangkot na awtoridad ang kanilang target at sinosorpresa sa akto ng pagtatalik.
Sa takot na maiskandalo at pagpistahan sa mga daily newspaper ay kaagad na umaareglo sa mga apprehending officer ang mga nasakoteng lover.
Halagang Php 20,000 ang kadalasang halaga ng aregluhan noon sa maeskandalong kasong katulad nito.
Napakalaki nang halaga ang Php 20,000 noon, sa panahong ito ay katumbas na marahil yaon ng halagang Php 200,000.
Kalakakaran na sa police station ay ang isang imbestigador o ordinaryong pulis ay hindi maaaring pakialaman ng kapwa nito imbestigador o operatiba maliban na lamang kung hilingin ang tulong nito o dili kaya ay sangkot din ang mga ito sa hinahawakang kaso.
Tanging ang enkargado na kalimitan ay isang police corporal o kaya ay isang police sergeant o ang mismong bureau chief lamang ang maaring manghimasok sa nasabing usapin, natural kasangkot at prinsipal sila sa nagaganap na pangongotong.
Liban sa ilang pulis ay napakaraming pang mga reklamo din ng “pang-aalimango” ang nakakararating noon sa mga himpilan ng pulisya laban sa mga miyembro ng likha ni Pangulong Ferdinand Marcos na METROCOM (Metropolitan Commmand) na binubuo mga opisyales at kagawad ng nabuwag na Philippine Constabulary (PC).
Nakatatak pa sa isip ng inyong lingkod nang ang isang nagpakilalang catholic priest at ang kanyang madre ay natutop ng tauhan ng Mobile Patrol Unit habang nasa aktong nakababa ang pantalon ng pari at ang madre naman ay nakataas ang palda sa loob ng kanilang kotse.
Napakabilis ang naging aregluhan sa pagitan ng “nang-alimangong” apprehending officer at sa naaktuhang naglo-love making na pari at madre, kaya kagyat na umabot sa halagang Php 20,000 ang aregluhan.
Nito lamang ilang araw ang nakararaan ay naaresto ng mga operatiba ng Batangas City Police si Rommel Enriquez Balita, 33, miyembro ng tanod ng Brgy. Sta Rita Karsada ng nasabing lungsod habang tinatangka nitong kikilan ng halagang Php 30,000 ang isang certified public accountant (CPA) na sadya nating di binanggit sa ating pitak ang kanyang pangalan.
Ang isa pang suspek na Brgy. Tanod, si Erlando de Torrres ay nakatakas sa ginawang entrapment operation ng mga tauhan ni Batangas City Police Chief, LtCol. Gerry Laylo.
Sumbong ng biktima sa imbestigador ng pulisya ay natutop siya at ang kanyang girlfriend nina Balita at Torres habang nasa kainitan sila pagtatalik ng kanyang nobya sa loob ng kotse na kanyang ipinarada di kalayuan sa Catholic Church sa Lourdes Road, Brgy. Bolbok, Batangas City.
Kinumpiska nina Balita at De Torres ang PRC ID ng biktima at binalaan na ibabalik lamang ng dalawang tanod ang identification card kapag nagbigay na ang biktima ng halagang Php 30,000.
Nagbanta din ang mga suspek na ikakalat ang mga nakuhang nakaka-kompromisong mga larawan ng mga biktima kapag hindi ito nagbigay ng nasabing halaga.
Sa halip naman na magbigay karaka ng kotong money ay nagsumbong naman ang mga biktima kay Laylo. Agad ding nagkasa ng entrapment operation ang pulisya laban sa mga suspek at nadakip si Balita sa isang gasoline station sa Brgy. Sta Rita Karsada. Nakapuslit naman si De Torres. Kasong Robbery ang isasampa laban sa dalawang suspek.
Kaya kung ang sinumang nabiktima na ng “mang-aalimangong” tanod sa Batangas City ay pinapayuhan nating kaagad lamang na makipag-ugnayan kay LtCol. Laylo, para tuluyan nang malipol sa lipunan ang tulad ng ganitong tanod na “bantay-salakay”
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Alimangong tanod, timbog! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: