TINIYAK ni Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pambansang interes at kapakanan ng mga Filipino pagdating sa usapin sa West Philippine Sea.
Sa ambush interview, sinabi ni Go na bilang arkitekto ng independent foreign policy ng bansa, patuloy na nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan si Pangulong Duterte sa kanyang international partners para malunasan na ang pandemya, gayundin ang pagtiyak ngng interes ng bansa sa West Philippine Sea.
“Ang President naman po ang chief architect ng foreign policy. Knowing the President for the longest time, always interest of each and every Filipino ang parating nasa isipan ng mahal na Pangulo. Binabalanse n’ya lahat,” ani Go.
“Ibig sabihin ni Pangulong Duterte, isulong ang dapat isulong, ipaglaban ang dapat ipaglaban, isantabi muna ang dapat isantabi…nasa gitna pa tayo ng pandemya at kailangan natin magtulungan sa isa’t isa,” idinagdag niya.
Ayon kay Go, nagtitiwala siya sa mga desisyon ng Pangulo sa mga nasabing usapin.
“I’m sure, the President po, alam n’ya ang ginagawa n’ya at ipaglalaban n’ya po kung ano ang atin, kung ano ang napalunan natin, atin ‘yun,” ayon sa senador.
Sa kanyang Talk to the People address kamakailan, idiniin ni Duterte na hindi makikipagdigmaan ang bansa laban sa China na aniya’y isang “mabuting kaibigan” ng Pilipinas subalit iginiit na mananatili ang ating presensiya sa West Philippine Sea sa kabila ng pagtataboy ng mga Tsino sa mga mangingisdang Filipino.
Sinabi ni Go na interes ng lahat ng parties concerned na panatilihin ang kapayapaan at ayusin ang gusot, batay sa international law and relevant treaty obligations, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sinagot din ni Go ang mga kritisismo sa paghawak ng gobyerno West Philippine Sea dispute, kasabay ng paghahamon kina retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at dating Secretary of Foreign Affairs Albert del Rosario na magpatrolya sa WPS at harapin ang Chinese coast guard.
“Kung talagang sila ang matapang, dapat noon pa hindi na nila pinabayaan… Ngayon, nagmamatapang sila, puro sila bunganga. Ano ang magagawa ng bunganga mo, punta ka doon,” ayon kay Go.
Ayo sa senador, hindi mapagtatakpan ang “criminal neglect” ng nakaraang administration na nagresulta sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
“Panahon pa po ng previous administration, hinayaan po nila… Hinayaan nilang makapag-(military) build up po ang bansang China. So, ngayon ‘di mo na masira dahil hinayaan po nila,” sabi ng mambabatas.
Suportado ni Go ang posisyon ng Pangulo na atasan ang mga barkong pandigma ng Pilipinas na huwag umalis sa West Philippine Sea.
“Our vessels have every right to be in the West Philippine Sea, especially those areas under our Exclusive Economic Zone,” ani Go.
“Bilang isang mambabatas, hangad ko na sana lahat ng anumang hindi pagkakaintindihan sa West Philippine Sea ay naidadaan sa maayos at diplomatikong usapan. Mahalaga ang papel ng diplomasya rito at importanteng bukas po tayo sa maayos at tapat na pag-uusap sa ibang bansa,” idinagdag niya.
“At habang ang buong mundo ay nagnanais na malampasan ang kasalukuyang pandemya, mas mainam na ang mga bansa ay patuloy na nagtutulungan upang puksain ang COVID-19… Katulad ng mga Pilipino, kailangan ng mga bansa ngayon ang magbayanihan upang madaling malampasan ang krisis bilang isang nagkakaisang sangkatauhan,” anang senador. (PFT Team)
The post Bong Go: Pambansang interes, kapakanan ng Filipino sa WPS dispute prayoridad ni PDuterte appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: