Facebook

Carpio sa 2022?

MASYADONG maingay ngayon sa Facebook ang pangalang Antonio Carpio.

Pangalan niya ang nababanggit pagdating sa isyu ng West Philippine Sea.

Siya kasi ang isa sa pinakaagresibong mapalayas ang mga Tsekwa na namumugad ngayon sa ating mga bahura at isla sa WPS.

Isa si Carpio sa mga nag-abogado sa nakaraang admi-nistrasyong Aquino (PNoy) para dalhin sa United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang mainit na usapin sa WPS, dating South China Sea, matapos mag-kagirian ng ilang buwan ang warships ng Pilipinas at China sa may Pag-asa Island noong 2012.

Isinampa ang kaso sa “South China Sea Arbitration” noong 2013. Inilabas ng tribyunal ang Award July 12, 2016 pabor sa Pilipinas, isang buwan palang ng pagkaluklok ng Duterte administration.

Sinabi ng tribyunal na walang interes o karapatan ang China sa “exclusive economic zone” ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Mismo!

Kahit nasa Korte Suprema pa noon ang retirado na nga-yong Sr. Associate Justice na Carpio ay maingay na siya laban sa pambu-bully ng Chinese military vessel sa ating mga mangingisda, at pagkamkam sa ating mga bahura sa WPS.

Pagkaretiro ni Carpio last year ay lalong naging mai-ngay ito sa pananatili ng Chinese military ships at pangingisda ng Chinese sa WPS, ‘di niya na tinantanan ang pagbatikos sa pagkampi at pagpaubaya ni Pangulong Duterte sa pagpatayo ng China ng mga istraktura sa WPS.

Lalo pang nagwala ang makabayang Carpio nang maglabas ng statement si Duterte na “piece of paper” lamang ang nasabing ruling na pabor sa Pilipinas. Itatapon niya lang daw ito sa basurahan. Aray ko!!!

“Dapat ipaglaban. All the facts are on our side. The law is on our side. Public opinion in the world is on our side. Bakit natin ipamimigay?”, giit ni Carpio.

Ang bagay na ito’y nagpainit ng todo sa ulo ni Duterte. Pinaulanan niya ng mura si Carpio sa kanyang lingguhang ‘public address’, kungsaan hinamon nya si Carpio ng debate sa WPS issue. Dalawa, tatlong tanong lang daw siya.

“Call”, ang sagot agad ni Carpio.

Mukhang natulala si Duterte sa naging sagot ni Carpio lalo’t nag-ingay na ang netizens na gustong marinig ang debate ng isang dating Piskal at dating Justice. Pumasok din ang Integrated Bar of the Philippines para silang mamahala sa venue ng debate.

Atras si Duterte, ang kanyang spokesman na si Harry Roque nalang ang isinubo dahil ‘di raw sila magka-level. Presidente siya at si Carpio ay ordinaryong abogado nalang daw. Ngek!

Sa hindi pa nakakalam, si Carpio ay lider ng sikat na fraternity na Sigma Rho sa UP. Grumadweyt siya sa UP Law na isang Cum Laude at No. 6 sa Bar exam.

Kung educational background ang pag-uusapan, ‘di nga magka-level sina Duterte at Carpio. Valedictorian si Carpio sa high school, kumpara kay Duterte na walang nakuhang honor.

Ang pagpupursige ni Carpio na mapalayas ang Chinese sa WPS ay nagpalapit sa kanya sa puso ng mamamayang Pinoy, bagay na nag-trending sa social media ang #Carpio2022”. ‘Yun na!

Sa ganang akin, nasa kay Carpio na ang lahat ng requirements para maging mahusay at matapang na pangulo ng Pilipinas. Ang katulad niya ang kailangan ng isang bansa na nalugmok sa kahihiyan, kahirapan, korapsyon, droga, red tapes at pandemya. Carpio 2022, aprub sakin. Sa’yo?

The post Carpio sa 2022? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Carpio sa 2022? Carpio sa 2022? Reviewed by misfitgympal on Mayo 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.