SISIMULAN nang pumasok sa pag-iimbestiga ang Commission on Human Rights (CHR) sa 1,506 bilang ng paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), na ngayon ay kilala na bilang communist terrorist group (CTG) mula 2010 hanggang 2020.
Ito ay matapos maipasa ni Brig. General Jose Alejandro S. Nacnac, Director ng Armed Forces of the Philippines Center for the Law on Armed Conflict (AFPCLOAC), kay CHR Commissioner Karen Dumpit noong Huwebes ang listahan ng mga kaso ng pagpatay at iba pang pagpapahirap ng CTG sa loob ng sampung taon.
“Ipinangako ni Commissioner Dumpit na kanyang ibibigay ang listahan ng mga kaso sa kani-kanilang regional offices upang imbestigahan ang mga ito. Mayroon na silang 1,506 kaso na iimbestigahan. At patuloy parin kami sa aming mga pagkalap, dahil tuloy-tuloy pa rin ito,” pahayag ni Nacnac. Dagdag pa niya, ang mga paglabag at pangmamalabis ng CTG ay araw-araw parin nagaganap.
Sa kabila nito, tikom ang mga bibig ng mga miyembro ng ‘Makabayan Bloc’ sa Kongreso at ng maging ng militanteng samahan na Karapatan sa isyu ng mga paglabag na ito ng NPA.
Una nang inilabas ng AFP official ang listahan ng mga kaso ng CTG sa regular na balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) noong Lunes, na may temang ‘TAGGED: Debunking lies by telling the truth’
Ayon kay Undersecretary Severo Catura, tagapagsalita ng NTF-ELCAC sa larangan ng human rights, peace process at international engagements, ang CTG ay dapat na pagbayarin ng danyos sa kanilang mga naging biktima ng karahasan bilang paglabag sa karapatang pantao na umaabot na sa bilyong dolyares ang katumbas na halaga.
Paliwanag ni Catura, Executive Director din ng Presidential Human Rights Committee Secretariat (PHRCS), sa ilalim ng mga umiiral na lokal at internasyunal na mga batas partikular na ang IHL, ang mga sangkot na grupo na napatunayang nakagawa ng mga pang-aabuso at mga pagpapahirap sa mga sitwasyon ng sigalot at pang-loob na kaguluhan sa bansa, ay maaaring patawan ng hukuman ng danyos para sa kanilang mga nabiktima.
Sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act No. 9851, o ang “Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity” na naisabatas noong December 11, 2009, pagdidiin ni Catura, ang mga hukuman ay kailangang sundin ang mga prinsipiyong itinatakda para sa paglilipat, pagbabalik, kumpensasyon at rehabilitasyon para sa mga biktima at halaga ng dapat ibayad ng mga salarin na madedetermina sa lawak o laki ng pinsala na kanilang nagawa.
Magkahalintulad sila Nacnac at Catura na iakyat din ang usapin sa International Committee of the Red Cross (ICRC) na laging gumagabay sa AFP na laging sundin ang mga patakaran ng IHL sa kanilang pagtupad sa kanilang mga tungkulin. Ang ICRC ay matagal nang kaagapay ng pamahalaan ng Pilipinas dahil sa pagsunod din sa EO 134 Ad Hoc Committee for the State para sa mga pinag-uutos ng IHL, kasamang pinamumunuan ng Department of National Defense at ng Department of Foreign Affairs.
Nakapagtala ang AFP ng 532 insidente ng paninira ng CTG sa mga ari-arian ng mga sibilayan. Gaya nang kanilang pag-atake sa Taganito Mining Corporation sa Claver, Surigao Del Norte noong 2011 na sumira sa pasilidad at mga kagamitan. Isa pang pag-atake ng rebeldeng grupo sa Platinum Metals Group Corp. na matatagpuan din sa Claver ay nangyari din. At matapos lamang ang tatlong oras isa pang minahan na pag-aari ng kompanyang Taganito, ang Taganito HPAL Corporation, ay pinasok din upang sirain ng mga rebelde.
Kamakailan lamang, kabuuang 289 insidente ng walang-habas na pagpatay ay naitala ng AFP-CLOAC. Ang mga pagpatay na ito ng CTGs sa loob ng sampung taon ay kumitil na ng 77 sundalo at 296 inosenteng sibilyan, at kabuuang 373 sa mga biktima ng asasinasyon.
Bukod sa pag-atake sa teroristang pamamaraan, nagtala rin ang komunistang-teroristang samahan ng 464 pagdukot at paggamit sa mga kabataan bilang mga “child warriors” na naligtas din kalaunan ng pamahalaan sa mala-impiyerno nilang naging buhay sa kamay ng mga komunistang-teroristang samahan.
The post CHR: PAGLABAG NG NPA SA IHL IIMBESTIGAHAN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: