SINABI ng Department of Health (DOH) nitong Martes, Mayo 11, na nakapasok na sa bansa ang Indian variant ng COVID-19 o ang B.1.617 coronavirus variant na unang nadiskubre sa India.
Sa isang press briefing, inanunsiyo ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dalawang kaso na ng nasabing variant ang natukoy nila sa bansa.
Sinabi ni Vergeire na ang nasabing mga pasyente ay parehong lalaking overseas Filipino workers (OFWs), na ang isa ay mula sa Oman at nasa 37-anyos, habang ang isa naman ay 38-anyos at mula naman sa United Arab Emirates (UAE).
Parehong walang history of travel sa India ang dalawa.
Ayon kay Vergeire, pagkadating pa lang sa bansa ay nai-quarantine na ang mga pasyente at wala pa silang na-detect na close contacts ng mga ito.
Nagpapatupad ang Pilipinas ng travel ban sa mga pasaherong mula sa India hanggang Mayo 14 upang maiwasang makapasok sa bansa ang naturang variant ng COVID-19, na sinasabing siyang responsable sa surge ng naturang sakit sa naturang bansa.
Malaunan ay pinalawak pa ang naturang travel restrictions sa mga pasaherong mula sa Bangladesh, Pakistan, Nepal at Sri Lanka, na nakapaligid sa India.
Ang Indian variant ay sinasabing double mutant dahil sa presensiya ng dalawang mutation sa spike protein ng virus, na nagpapahintulot dito upang mas mabilis na makapasok sa katawan ng tao at mabilis na magpadami.
Patuloy ang paalala ng DOH sa mga mamamayan na maging maingat, sundin ang ipinaiiral na health protocols ng pamahalaan at huwag maging kampante upang hindi mahawahan ng virus. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)
The post Indian variant ng COVID-19 nasa ‘Pinas na – DOH appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: