NAGSAKAYAN ang mga urot sa pamahalaan ng mabalitaan na anim na taga-pagsalita pa ang idinagdag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at muli na namang pinangalandakang pagwawaldas lamang ito ng pondo ng ahensiya at ng pamahalaan.
Atin po agad natin silang pigilan at paliwanagan na ang NTF-ELCAC ay binubuo ng halos lahat ng ahensiya ng pamahalaan na kinakailangang magbayanihan upang labanan at tapusin ang panggugulong ginagawa ng komunistang-teroristang samahan na Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na pinamumunuan ni Jose Maria Sison.
Ang samahang ito na halos limang-dekada nang nagtatangkang agawin at pataubin ang demokratikong uri ng ating pamahalaan kasama ang armado nitong grupo na NPA ang pangunahing layunin ng NTF-ELCAC na tapusin, sa pamamagitan ng demokratikong pamamaraan.
Ipaliwanag sa sambayanan ang panganib na dala-dala ng komunistang-teroristang samahan at itaboy at kung maaari ay lipulin ang mga ito upang mapalaya at mapaunlad ang ating mga kababayan sa mga kanayunan na kanilang matagal nang sinisikil.
Ang dalawang dati nang taga-pagsalita ng task force na sina Usec. Lorraine Badoy at Lt. Gen. Antonio Parlade na dapat ay tinutulungan ng lahat ng opisyal, halal man o itinalaga, bilang parte na bayanihan laban sa komunistang-teroristang samahan, ay nabugbog pa ng samo’t saring paratang at pangungutya.
Ang CPP-NPA-NDF, ang sabi nga ng ating National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., ay napakalawak at malalim na organisasyon at magaling nang manglinlang, kaya’t dapat ay tapatan ng mga batikan at eksperto sa pananalita at pagpapaliwanag.
Tulad na lamang ng idinagdag na taga-pagsalita ng task force na si DILG Usec. Jonathan Malaya, na siyang tinalaga sa pagsagot hinggil sa local goverment affairs, ang ginagawang kontrobersiyal na Barangay Development Program at ugnayang panglabas o international engagement.
Si Usec Severo Catura naman ay natoka para magsalita hinggil sa international affairs, peace process at human rights concerns.
Ang apat na iba pang idinagdag na taga-pagsalita ay kinabibilangan nila Asec Celine Pialago, Atty. Marlon Bonsantog at Gaye Florendo, at maging ang inyong lingkod.
Lahat ay galing sa mga ahensiya ng pamahalaan na miyembro ng NTF-ELCAC na nagbabayanihan upang matapos na ang paghahari-harian ng CPP-NPA-NDF sa mga kanayunan at putulin ang pagtatangka nito na makapasok sa pamahalaan sa pagbabalatkayo bilang mga mambabatas.
Gaya ng bayanihan, ang pagtatalaga sa amin bilang mga taga-pagsalita ay wala pong karagdagang kabayaran para sa aming mga serbisyo. Kundi, ito ay aming ambag sa bayanihan upang tapusin ang CPP-NPA-NDF at bigyan ng bagong pag-asa ang lahat ng magbabalik-loob sa pamahalaan miyembro man o mga taga-suporta at bigyan ng kaunlaran ang lugar na kanilang sinalanta sa pananakot, panggugulo at maging sa pagpatay ng ating mismong mga kababayan.
The post Bayanihan ang NTF-ELCAC appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: