Facebook

Walang silbi service 2

TINAYUAN na ng Civil Service Commission (CSC) ang una nating naisulat na wala itong silbi sa mga kawani ng pamahalaan ng ihayag nito sa isang Memo o kalatas na kakanselahin na at ibabalik na ang mga ibinayad na halaga sa dapat na nakatakdang pagsusulit noong Marso 2020.

Sa mga kawani na nasa casual, contractual o job order status nanganganib ang kanilang kalagayan sa paninilbihan sa pamahalaan sa kalatas na inilabas ng CSC. Sa dagling magpasya ang opisinang pinapasukan ng pagtitipid malamang ang mga ito ang unang biktima ng pagpapasya. Walang kasunod na kautusan ang kalatas, subalit ang tanging paraan ng pagiging regular sa posisyong pinanghahawakan ang makapasa sa pagsusulit na ibinibigay ng walang silbing CSC.

At ito ang inilabas na kautusan ang ibalik ang perang ibinayad para sa isang pagsusulit na dapat naganap. Isang taon bago naisip na ibalik, ano pinagkitaan muna ang pera? At bahala na si Batman sa mga kawani na hindi karapat-dapat na manatili sa pwestong hinahawakan.

Isang constitutional commission ang CSC, subalit wala itong silbi sa mga kawani ng pamahalaan kahit sa mga regular posisyon sa kawalan ng mga hakbang na mabigyan ng proteksyon ang mga ito sa ano mang kaganapan. Sa kasalukuyan, tila tumulad ang Komisyon kay Totoy Kulambo na tamad, tulog ng tulog, walang silbi sa kanilang mga opisina na nagpapalamig sa air-conditioned rooms at nakaharap sa computer na kung anu-ano ang ginagawa.

Simula ng magkapandemya, nawala sa wisyo ang liderato ng walang silbing service na hindi na nag-isip ng mga paraan kung paano pagsisilbihan ang mga kawani ng bulokrasya sa abot ng kanilang makakaya. O sadyang sa kanila nagmumula ang bulok at mabahong amoy ng pamahalaan na talagang pinabayaan na ang buong bulokrasya. Nawalan ng dangal ang kawani ng pamahalaan sa katamaran ng opisinang ito na siyang umalalay sa lahat ng kawani na regular o kung ano ang kalagayan sa paninilbihan.

Hindi nais na ihambing ang Komisyon sa ibang mga ahensya ng pamahalaan na masasabi na nasa pangangalaga nito. Subalit magiging hilaw ang paglalahad kung bakit nababanggit na walang silbi ang CSC. Pagtuunan natin ang isang aspeto ng mandato ng Komisyon, ang magbigay ng pagsusulit sa mga Pilipinong nagnanais na pumasok sa pamahalaan o kung nasa pamahalaa’y maging regular na kawani upang makuha ang benepisyo na tinatamasa ng regular na kawani.

Una, silipin natin ang Land Transportation Office (LTO), kung saan ito ang naatasan na magbigay ng uri ng lisensya upang makapagmaneho ang isang Pilipino na nasa tamang edad sa lansangan ng bansa. Ang LTO’y tumigil lamang sa pagbibigay lisensya ng magkaroon ng lockdown sa mga lugar na napasailalim ng ECQ. Subalit pag-alis ng lockdown, kagyat itong nagbukas at nagkaroon ng abiso kung paano kumuha ng lisensya sa driving.

Nariyan ang pagtatakda sa pagkuha ng pagsusulit gamit ang computer at kung pumasa sa pagsusulit, nariyan ang praktikal na pagsusulit upang malaman ang kahandaan ng aplikante sa pagmamaneho at anong antas ng lisensya ang dapat ibigay. Simple lang ang ibig sabihin, gumawa ng paraan ang ahensiyang ito upang manilbihan ang mga anak ni Mang Juan upang makakuha ng dokumento upang maging sapat ang kanilang pagmamaneho. Sa pagkuha ng lisensya naging mapayapa at walang pag-aagam agam ang paglalayag nito sa kakalsadahan.

Pangalawa, ang Professional Regulatory Commission (PRC), tulad ng naunang ahensya na nabanggit, hindi tumigil ang komisyong sa pagbibigay ng pagsusulit sa lahat na nagnanais na magkaroon ng lisensiya sa kani-kanilang napiling karera sa buhay. Mahigit sampung pagsusulit ang nagawa nito upang hindi maantala ang pagiging propesyunal ng mga nagnanais na kumuha ng pagsusulit.

Hindi hadlang ang pandemya upang itigil ang pagbibigay ng mga pagsusulit. Gumawa ito ng paraan kung paano isasakatuparan ang pagsusulit na hindi makompromiso ang mga kalusugan ng mga nagnanais na makapasa sa pagsusulit. Nariyan ang paraan na magbigay ng apat o walong beses sa isang buwan upang hindi maging marami ang kukuha ng pagsusulit sa halip na isang beses. At hinati-hati ang mga kukuha ng pagsusulit sa iba’t-ibang lugar na pinagdausan upang hindi maantala ang mga anak ni Mang Juan sa inaasam na lisensya.

Muli simple lang, makakamit ang pagnanais na masilbihan ang dapat silbihan kung gagawa ng paraan. May magagawa kung may paraan at walang magagawa kung ayaw. Saan dito ang walang silbing Komisyon. Walang ginawang paraan ang walang silbing Service upang mawala ang kaba ng mga anak ni Mang Juan sakaling magkaroon ng kautusan ang puno ng Balite sa Malacanan na magtipid.

Sa halip nakisabay ito sa hagok ni Totoy Kulambo sa pagtulog na galit pa kung lumitaw sa madaling araw, hay naku naman. Ang pagtulog ang inuna at hindi ang kawani ng pamahalaan na siyang nangangailangan.

Sa isang payak na gawain na hindi makapag-isip ng dapat gawin ang Komisyon, kinakalembang ng Batingaw ang dalawang bahay ng Kongreso na buwagin ang Komisyong ito sa kawalan ng kapakinabangan ng mga kawani ng pamahalaan at mismo sa bayan.

Ang pagbubuwag dito’y napapanahon at ang lumikha ng isang bagong Komisyon na buong tututok sa pangangailangan at kagalingan ng mga kawani sa pamahalaan. Maraming pagkakataon na hindi nito naisasabuhay ang mandato na protektahan ang kawani ng pamahalaan. Maraming sangay ng gobyerno ang nabuwag kasama ang maraming kawani na walang nakuhang ayuda sa walang silbing Komisyon.

Panahon na upang magkaroon ng dinamikong bagong komisyon at bagong mangangasiwa. Isang magandang hakbang ito upang mapataas ang kalidad ng serbisyong bayan para kay Mang Juan. Sa nawalang Dangal ng Komisyong ito, ang pagbuwag at pagbuo ng bago ang inaasahan ni Mang Juan. Ituloy ang Dangal ng Bayan, at mamamayan muna at hindi wala na.. Buwagin ang walang silbing Komisyon.

Maraming Salamat po!!!

The post Walang silbi service 2 appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Walang silbi service 2 Walang silbi service 2 Reviewed by misfitgympal on Mayo 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.