UNTI-UNTI nang bumababa ang tsansa ng hawaan sa nakamamatay na virus na COVID-19. Yan ang sabi ni Department of Health (DoH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dahil nakikita raw nila na nitong dalawang linggong nakaraan ay may kaunting pagbaba sa kanilang sukatan na tinatawag na ‘transmission rate’ o R-naught.
Ibig sabihin daw nito, ang paliwanag ni Usec. Vergeire, ay nagbunga at epektibo ang dalawang linggong pamamalagi ng Metro Manila o NCR+bubble sa ilalaim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at kinalaunan ay inilagay sa Modified ECQ.
Dagdag pa ni Usec., noong mga nagdaang linggo ay lumalagpas sampung libo (10K) ang naiuulat na ‘average’ na kaso ng COVID-19 at nang sumunod na linggo ay mas mababa na dito ang datos. Katumbas daw ito na ang ‘positivity rate’ sa Metro Manila ay 18.3 percent na lamang kumpara sa dating 20.4 percent.
Ngunit sa kabila nito, sabi ni Vergeire, hindi pa rin tayo dapat makumpiyansa at palagi pa rin mag-ingat at sundin ang mga minimum health protocol, para tumuloy-tuloy na ang pagbaba ng bilang ng hawaan.
Umaasa siyang magtutuloy-tuloy ang ganitong sitwasyon kung lahat tayo ay susunod sa mga pagiingat na ipinagagawa sa atin ng pamahalaan.
Sa isang banda, nakiki-usap naman si Department Of Tourism (DOT) secretary Berna Romulo-Puyat sa mga nasa NCR+bubble na iwasan muna ang mga di gaanong importanteng pagbibiyahe o pamamasyal na dati nating nakagawian kapag panahon ng tag-init, upang makatulong sa pagbaba ng kaso ng hawaan sa virus.
Ipag-paliban muna raw natin ang planong pamamasyal at pagbabakasyon dahil talaga namang bawal pa rin ito sa ilalim ng mahigpit na pagpapatupad ng MECQ. Ang mga lugar na nasa NCR+bubble ay alam niyo naman siguro na kinabibilangan ng National Capital Region plus mga karatig na lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ang MECQ naman ay magtatapos na sa April 30, ngunit kung tataas pa ang mga bagong kaso ng COVID-19, maaari pang mapalawig ito hanggang Mayo, kung saan talagang maghahanap ka na ng mga lugar na pampa-alis ng init.
Sundin muna natin ang paki-usap ng DOT, para di naman sa kaligtasan nating lahat ito. At para na rin sa DoH na umaasang baba na nang tuluyan ang hawaan ng virus di lamang sa Metro Manila kung di sa buong bansa.
The post Isang umaasa, isang nakikiusap appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: