SINISIGURADO ni Manila Mayor Isko Moreno na may kalayaan ang mga Manileño na mamili ng COVID-19 vaccine na nais nilang iturok sa kanilang katawan.
Ito ay kasunod ng utos ng Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) na huwag nang ianunsiyo ang brand ng mga bakuna na gagamitin sa kanilang mga vaccination sites upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Sinabi ni Moreno na susunod ang Manila City government sa naturang direktiba ng DOH at DILG at hindi iaanunsiyo ang mga brand ng bakuna na idedeploy nila sa mga vaccinations sites.
Gayunman, sinabi ng alkalde na maaari pa rin namang magtanong ang mga residente sa mga healthcare workers sa pupuntahang vaccination site kung anong brand ng bakuna ang available doon.
Tiniyak din ni Moreno na rerespetuhin nila ang right to choose at right to information ng mga Manileño.
“Your body, your choice,” pahayag pa ng alkalde, sa kanyang Facebook Live broadcast.
“Karapatan ng tao na mamili ng bakunang ituturok sa kanya. Hindi kami mag-a-announce ng brand. Susundin namin ang alituntunin ng DOH/IATF,” dagdag pa ng alkalde.
“Ngunit, pwede naman po kayong magtanong sa mismong bakunahan o kaya habang ikaw ay nasa pila. Hindi iyon bawal. Your body. Your choice. Karapatan mo iyan,” pahayag ni Moreno.
Bagamat nananatili pa rin namang boluntaryo ang pagpapabakuna, pinaalalahanan pa rin ni Moreno ang publiko na ang pinakamainam na bakuna pa rin ay kung ano ang available na sa bansa.
“Katawan mo ‘yan, karapatan mong mapangalagaan na ang ituturok sa’yo ay kung saan ka panatag at naniniwala, kung ang sitwasyon ay maraming brand ang naka-deploy. ‘Yan, patuloy kong igagalang,” dagdag pa ng alkalde.
“Pero habang ‘yon ay nirerespeto ko, gabi-gabi pinauulit-ulit ko bilang ama ng lungsod, na paglinawin ang kaisipan ng tao, na ang bakunang mabisa ay bakunang nasa braso mo,” sabi pa ni Moreno.
Umaasa rin ang alkalde na maaabot nila ang herd immunity sa lungsod sa Setyembre kasunod nang patuloy nang pagpapaigting nila sa kanilang vaccination drive. (ANDI GARCIA)
The post Manileño pwede pa ring mamili ng COVID-19 vaccine – Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: