PILING-PILING residente lang umano ang nabibigyan ng monthly food pack na binibigay ni Yorme kada buwan sa bawat pamilyang naninirahan sa Lungsod ng Maynila.
Mandatoryo at obligadong magkaroon ng isang kahon na food pack na naglalaman ng bigas, mga de lata, noodles at kape ang bawat pamilya kada buwan upang maibsan ang gutom maski na papaano habang nasa panahon ng pandemya.
Ang mga food pack ay binabagsak sa lahat ng barangay sa Maynila at binabahagi naman ng chairman at ng kanyang mga kawani sa lahat ng kanilang constituents at residente.
Sa direktiba ni Yorme, lahat umano o bawat pamilya ay dapat na makatanggap ng isang kahon food pack kada buwan. Walang personalan, pamumulitiko o anuman kulay sa pagbibigay nito.
Wala na sigurong hihigit pa sa layunin ni Yorme na mapunuan lahat ng pangangailangan ng bawat Manilenyo. Pantay-pantay lang, walang mahirap o mayaman, lahat ay tatanggap ng dapat tanggapin, ang tinanggap ng isa ay tatanggapin ng lahat.
Nguni’t dito umano sa isang barangay sa Sta. Cruz, Manila, tila taliwas at tipong sinasalungat ng isang chairman ang lahat ng tagu-bilin ng Punong-Lungsod kung kaya’t siya ay umani ng mga batikos sa mga residenteng hindi umano nakaka-tanggap ng mahiwagang kahon.
Ayon sa mga residente, hindi umano sila nakakatanggap ng food pack o anumang benipisyo sa kanilang barangay simula noong i-lockdown ang buong bansa noong Marso 17, 2020 hanggang sa kasalukuyan.
Ang kanilang tinutukoy ay walang iba kundi ang isang Chairman Gacula ng barangay 310, zone 31 sa Sta. Cruz, Manila na masyado daw silang pine-personal hinggil sa lahat ng benipisyong dapat rin nilang tanggapin tulad ng tinatanggap ng iba.
Mas priyoridad daw ni Gacula ang mga naka-istambay lang sa labasan na nakikipag-tsismisan lang kaysa sa mga law abiding citizen na nasa loob lang ng bahay at sumusunod sa mga health protocol.
Maliban dito, mas angat at palaging lamang daw sa lahat ng bagay ang mga kapamilya at kamag-anak ni chairman, mga amigo at amiga ni kagawad at mga alaga at bata-bata ng mga tanod. Matic na nakatala na sila sa ledger at mga benipisyong tatanggapin.
Sa tingin daw nila ay mas masaya itong si chairman na naka-imbak lang sa loob ng isang container van sa kanilang barangay ang mga food pack kaysa pamigay ito sa mga residente o sa sinumang taong nangangailangan, totoo ba ito chairman?
Ilan beses na rin daw silang lumapit kay Gacula upang idulog ang kanilang problema nguni’t dedma lang daw ito at tila walang paki-alam sa kanilang hinanaing.
Sa puntong ito ay binansagan na nila si chairman na chairman DRACULA dahil sinipsip at natuyo na ang kanilang dugo sa sama ng loob at kunsumisyon na hanggang doon na lang at walang pinag-tunguan.
Wala na rin umano silang mapag-hingahan ng problema kung kaya’t naisip nilang idulog na lamang ito sa pitak na ito upang maski papaano ay makarating ito sa kinauukulan partikular na sa pinagpipitagan nilang Punong Lungsod Isko Moreno.
Hindi lang siguro sa nasabing barangay nagkakaroon ng ganitong problema. Marami pang mga chairman sa buong Maynila ang may ganitong kalakaran… IBA ANG TINI-TINGNAN SA TINI-TITIGAN… he… he… he…
Tulad nga sa mga naunang ulat, hari o feeling like a king ang tingin nila sa kanilang mga sarili simula ng panahon ng pandemya hanggang sa kasalukuyan dahil marahil sa sobrang kapangyarihan pinag-kaloob sa kanila ng taga-pangasiwa, spoiled na spoiled, di po ba?
Sa yugtong ito ay nananawagan ang mga residenteng nagrereklamo kay Yorme na sina-sabi nilang ang kanilang huling rekurso at pag-asa upang dinggin at busisiin ang isyu at kontrobersiya nilang pinagdadaanan sa kanilang barangay.
The post Monthly food pack ni Yorme, piling residente lang ang binibigyan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: