HINDI akalain ng mga diyos-diyosan sa Commission on Audit na may mga papalag sa kanilang pagsusuri sa operasyon ng isang hindi tanyag na sangay ng Department of Finance. Nabulabog ang CoA nang umangal ang mga kawani ng One Stop Shop Interagency Tax Credit and Duty Drawback Center (OSS-Center) sa kanilang hindi mapagkakatiwalaaang pagtatasa sa operasyon ng OSS-Center mula 2008 hanggang 2014. Hindi nila sukat akalain na isakdal sila ng audited agency. Hindi nangyayari ang ganito sa kasaysayan ng burukrasya.
Nagpetisyon ang mga kawani ng OSS-Center sa Korte Suprema na itigil ang kanilang Notice of Disallowances na sa tingin nila ay walang batayang legal, mapang-api, at wala sa katwiran. Pinadalhan kami ng isang source ng PDF copy ng kanilang 168-pahinang petisyon na isinumite sa Korte Suprema noong ika-3 ng Mayo. Humingi ang kawani ng OSS-Center ng certiorari at prohibition dahil dalawa lamang ang sinagot ng CoA sa 11 petisyon sa review na kanilang iniharap sa CoA. Hindi sinagot ng CoA ang natitirang siyam na petisyon sa repaso.
Ilang paglilinaw: Humingi ang 21 kawani ng OSS-Center sa Korte Suprema ng aksyon nang tumanggap ang OSS-Center mula 2018 sa CoA ng mahigit 11 salansan ng may kabuuang 578 Notices of Disallowances (NDs) sangkot ang walong kumpanya at may kabuuang halaga ng P2.216 bilyon. Bahagi ito ng mas malaking larawan.
Ang malaking larawan: Sumailalim ang OSS-Center sa isang special audit noong 2015 dahil sa mga tsismis at haka-haka na may nakawan sa opisinang ito. Panglimang audit na ito mula nang mabuo ang opisinang ito noong 1992. Natapos ang special audit noong 2018 at nagsumite ang special audit team ng isang special audit report kung saan sinabi na nag-isyu ang OSS-Center ng 3,250 tax credit certificates (TCCs) sa 33 Board of Investments (BOI) registered textile and garments firms mula January 1, 2008 hanggang December 31, 2014. May kabuuang halaga ang mga TCC ng P11.222 bilyon na naibigay ng OSS-Center sa mga kumpanya. Maanomalya umano ang mga naisyung TCC dahil wala umanong batayan sa batas ang trabaho ng OSS-Center.
Maliit na opisina ang OSS-Center sa DoF. Trabaho nito ang magbigay ng refund sa anyo ng tax credit certificate (TCC), hindi cash na maaaring gamitin sa apagbabayad ng buwis at utang ng mga export firms. Bahagi ito ng programa ng gobyerno upang palakasin ang export sector sa pandaigdigang pamilihan. Dumadaan sa OSS-Center ang bilyong piso halaga ng mga TCCs. Maituturing na isang landmark case ang isyu na iniharap ng 21 kawani ng OSS-Center sa Korte Suprema laban sa CoA. Test case, ang tawag ng mga manananggol sa usaping ito.
Inireklamo ng mga kawani ang desisyon ng CoA na magbigay ng isang Notice of Disallowance kada isang TCC. Bahagi ang mga ND ang hangarin na mabawi umano ng gobyerno ang mga halagang nawala dahil sa hindi maayos na operasyon. Matapos ang tatlong taon ng lumabas ang special audit report, nakapag-isyu ang CoA ng 578 TCCs sa walo sa 33 kumpanyang sakop ng audit. Batbat ng kabagalan ang pag-isyu ng NDs, ayon sa kawani. Sa kanilang tantiya at dahil sa kabagalan ng CoA, aabutin ng 13 taon bago matapos ang lahat.
Mistulang template lamang ang bawat ND, ayon sa mga kawani. Lahat ay may nakahandang item at pinupuno lamang ng mga auditor ng CoA ang blanking espasyo, anila. Nilalabag ang karapatan sa mabilisang paglilitis (speedy trial). Hindi ito naayon sa prinsipyo ng rule of law (pangingibabaw ng batas) at due process (tamang proseso). Kasama ang mga mataas na opisyal ng DoF sa pagsang-ayon sa CoA sa mabagal ng proseso. Nakapagtataka na si Finance Undersecretary Annalyn Tiongko, ang opisyal na may poder sa OSS-Center, ay isa sa 15 abugado na nominado ng Judicial and Bar Council na ipapalit bilang mahistrado ng Korte Suprema. Huwag magtaka kung harangin ng mga kawani ng OSS-Center sa JBC ang kanyang nominasyon.
Maliban sa kabagalan ng paglabas ng mga NDs, inireklamo ng mga kawani sa kanilang petisyon ang paglabag mismo ng CoA sa alintunin tungkol sa pagsagot sa mga petition for review na iniharap na mga kawani. Ayon sa kanilang sariling alituntunin, dapat sagutin ng Coa sa loob ng 15 araw ang bawat petition for review na iniharap ng isang audited agency. Sa ganang kanila, mukhang ayaw umamin ang mga state auditor ng kanilang kamalian sa kanilang trabaho at pinag-initan ang mga kawani ng isang tahimik at hindi kilalang opisina. Hindi madaling unawain ang sistema ng TCC, sa totoo lang.
* **
PILIT na nagbabangong puri si Rodrigo Duterte. Hindi niya matanggap na tawagin “traydor” ng sambayanan. Ayaw niya ang taguri na “tuta siya ng Tsina.” Ang problema ni Duterte ay habang nagbabangong puri, mas lalo siyang nalulubog sa kumunoy ng kahihiyan at kawalanghiyaan. Mas lalong dumidiin ang tatak sa kanya na “taksil sa Filipinas.”
Iniharap bilang resbak si Juan Ponce Enrile, 97, sa lingguhang programa sa TV noong Lunes ng gabi. Hindi epektib dahil pawang kasinungalingan ang pinagsasabi ng matanda sa madla. Pinagtawanan at pinasikat sa madla ang kalaban, Sonny Trillanes. Hindi kami magtaka kung makuha ni JPE ang kapalit: ang paglaya ni Gigi Reyes. Kapag nangyari ito, mas malulubog sa kahihiyan si Duterte. Wala naman pakialam si Duterte sa pansariling kahihiyan.
Ihaharap ni Duterte ang dalawang dating pangulo: Erap Estrada at Gloria Macapagal Arroyo. Hindi natin alam kung ano ang sasabihin ng dalawa upang ipagtanggol si Duterte at kampihan ang kanyang pro-China na paninindigan. Mabura kaya ng dalawang dating pangulo ang paniwala ng sambayanan na taksil at traydor sa bayan si Duterte? Abangan.
Ngunit mukhang tototohanin ni Duterte na mas kakausapin niya ang dalawang dating presidente kesa pulungin ang National Security Council (NSC) kung saan nakaupo ang Bise Presidente at kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA). Tutol si VP Leni Robredo at DFA Secretary Teddy Locsin sa maka-Tsina na paninindigan ni Duterte. Hindi mapalagay si Duterte na igisa siya ng dalawa sa pulong ng NSC. Takot na takot ang sumpunging matanda.
Malinaw si VP Leni sa kanyang pahayag na marapat magpaliwanag si Duterte kung ano ang ibig niyang sabihin sa naunang pahayag na “pag-aari ng Tsina ang West Philippine Sea.” Para kay Locsin, hindi isang bungkos ng papel ang panalo ng Filipinas sa sakdal na iniharap ng Filipinas laban sa Tsina sa UNCLOS. Malinaw ang paninindigan ni Locsin at buong DFA: Hindi pag-aari ng Tsina ang halos buong South China Sea. Isang malaking kalokohan ang pagkatig ni Duterte sa Tsina. Hindi ito naaayon sa batas.
***
TATAKBO si Leni sa panguluhan sa 2022 kung mamamatay o magkasakit si Duterte bago matapos ang termino ng huli sa ika-30 ng Hunyo, 2022. Isa ang dahilan: Uupo si Leni at uugitin niya bilang presidente ang huling panahon ng termino ni Duterte. Dahil siya ang presidente, walang dahilan upang hindi siya tumakbo sa 2022.
Tadhana ang magsasabi kung talagang magiging president si Leni. Samantala, sobra ang ingay ng kanyang mga panatikong tagahanga sa social media. Hindi nga alam kung nakasayad ang kanilang mga paa sa lupa. Kinukuwestiyon iyong pinuno umano ng 1Sambayan sa Bikol. Kilala siya na estafador at biktima niya ang mga OFW na nabola at nagbigay ng donasyon. Kritiko ni Duterte ngunit mukhang pakawala ng kung sinong puliko sa Kabikulan. Mag-iingat!
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post Nabulabog appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: