ISA sa mahalagang haligi ng republika ay ang media (Fourth Etate), na ang tungkulin ay kumastigo sa kabulastugan, pag-abuso sa kapangyarihan ng nasa First Estate (executive), Second Estate (legislative) at Third Estate (judiciary).
Nakatutuwang sabihin na marami naman sa mga mamamahayag ang gumaganap ng tungkuling ito – ang hindi lamang magkaroon ng active role kontra sa smuggling activities, at iba pang katiwalian sa Bureau of Customs (BoC) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Tunay na maraming kasama sa pamamahayag ang itinuturing na kalugihan ang pagtangging maging kapartner ng mga korap at magnanakaw sa gobyerno.
Alam na alam ni Presidente Rodrigo Roa Duterte ang araw-araw na tukso ng pagkakamal ng salapi kung “makikisama sa kalakaran” ng mga korap at mandarambong sa lahat ng sangay ng pamahalaan.
Kabilang sa “tinutukso” siyempre ay ang nasa media, at masasabing marami sa mga kasama sa pamamahayag ang nakisama at “nadala ng tukso.”
Pero panahon na para ituwid ang landas na tinatahak.
Panahon na para tayo ay magbago!
***
Kungdi pa alam ni Customs Commiioner Rey Leonardo Guerrero, ilang opisyal ng BoC ang ginagamit ang kanilang puwesto para magkamal ng salapi – at nakapagpapalusot dahil ang madalas na sinasabi ay “Alam na ni Commissioner ito.”
Ay ganun?… kaya ang ating paalaala sa makisig na komisyoner – please be extra careful sa mga taong nagpapanggap na kakampi mo pero ipinapahamak po kayo at inilulubog kayo sa kumunoy.
Sabi nga, ang paalaala ay gamot sa taong nakalilimot… o panggising sa mga taong gustong “makalimot,” hehehe.
Upsss, totoo ba ang nakarating sa kolum na ito na may ilan pa ring bigtime smugglers ang nakapagpaparating ng mga bulto-bultong kargamento provided walang misdeclaration?
Ano, may ganito bang istayl at salita o retorika lang ito, mga bossing.
Walang misdeclaration …. pero pwede ang undervaluation, ganun po ba… ay sino ang niloloko n’yo.
***
Isa sa mga batas na labis na pinakikinabangan sa ngayon ay ang RA 10361 or Batas Kasambahay na kung saan itinaas ang sahod ng mga kasambahay (maid at houseboy) na talaga namang aping-api ang kalagayan, kumpara sa ibang obrero.
Isipin kung paano tayo magiging produktibo sa ating gawain kung walang kasambahay na nag-aasikaso sa ating mga bahay, sa ating mga anak at iba pang mahahalagang trabaho sa bahay?
Nagpapasalamat din tayo sa low cost housing program na para sa mga pulis at mga sundalo, pero paano ang problema sa housing, education at programa sa hanapbuhay sa milyon-milyong Pinoy?
Pero hanggang ngayon ang problema ng ating mga kababayang OFWs ay hindi masolusyonan ng ating gobyerno na sobrang malaki ang ambag na ipinadadala nilang dolyares kaya sa nakalipas na mahigit ng 25 taon ay nakusu-survive ang ating ekonomya.
Alam naman nina Pangulong Duterte at DOLE Secretary Silvestre Bello ang mga problema ng OFWs.
Kaawa-awang Pinoy workers abroad!
***
Isa sa constitutional body na mukhang hindi ginagampanan ang kanyang mandato ay ang Office of the Ombudsman, na may tungkulin na maging kamay at armas ng estado laban sa katiwalian at kamalian.
Kaya nga ang tawag sa Ombudsman ay TanodBayan, at sa simpleng kahulugan, ang tanod ay tagabantay, tagapangalaga, at tagausig din laban sa mga walanghiya.
Sa batas, binigyan ng kapangyarihan ang Office of the Ombudsman ng fixed term o tungkuling hindi maaaring tinagin o buwagin, maliban sa impeachment sa katwirang ang opisinang ito ay hindi maging bata o tauhan ng kung sinomang may mataas na katungkulan, kasama na rito ang Pangulo ng bansa.
Ang kalasag pa nito ay ang kapangyarihang mang-usig, magpakulong, magsampa ng kaso at magsuspinde sa mga taong gobyerno na makikita ng Office of the Ombudsman na lumabag sa ating batas.
At maaaring hinggin ng Office of the Ombudsman ang kooperasyon ng iba-ibang kagawaran ng pamahalaan, tulad ng DILG, DoJ at mga ahensiyang tulad ng NBI, PNP at mga taong awtorisado nito para ipatupad ang kanilang utos.
Tanging ang Supreme Court lamang ang pwedeng mangibabaw sa desisyon ng Ombudsman kung sa palagay ng nahatulan ay may pagkakamali ito.
Nilikha nga ito para sa proteksiyon ng bayan.
Nilikha ito para maging tagapagtanggol ng bayan.
Hindi ito nilikha para maging taguan o kakampi ng mga mandarambong at mga bulok na opisyal ng bayan.
Ito ay nilikha upang maglingkod sa bayan at hindi ang maglingkod sa may kapangyarihan.
Sana ang mga tungkulin ito ay maisakatuparan at magampanan ng kasalukuyang Ombudsman.
Kungdi, baka ang mangyari, at sana ay ‘wag mangyari, ay maulit ang nakaraan, maging kakampi ito ng mga tiwali at mga mandarambong.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post Ombudsman, tanod o bantay ng bayan! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: