Facebook

NEDA: “walang kadala-dala” sa COVID 19 restrictions

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos…” (Roma 12:2, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

NEDA “WALANG KADALA-DALA” SA PANUKALA NITONG IBABA NA NG GOBYERNONG DUTERTE ANG MECQ STATUS SA METRO TUNGO SA GCQ; ‘Walang kadala-dala’. Ito ang naging pagsasalarawan noong umaga ng martes, Mayo 04, 2021, ng ilang mga dalubhasang duktor at mga ekonomista sa panukala ng National Economic Development Authority o NEDA na dapat ng luwagan na naman ng gobyernong Duterte at ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases o I.A.T.F. ng Pilipinas ang mga umiiral na reglamento sa Covid 19.

Nais kasi ng NEDA, sa kaniyang kalatas sa Malacanang na ibaba na mula sa kasalukuyang Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila Bubble, tungo sa General Community Quarantine. Ginagawa ng NEDA ang panukalang ito sa layuning mapasiglang muli ang negosyo, pangangalakal, at pagkakaroon ng trabaho ng milyong mga Pilipino sa National Capital Region, at sa katabi nitong mga lalawigan.

Sa isang pakikipagpanayam sa Kakampi Mo Ang Batas, sinabi ng isang opisyal ng OCTA Research Group na humiling na huwag na munang banggitin ang kaniyang pangalan, na kapag susunod ang gobyernong Duterte at ang IATF sa panukala ng NEDA, tiyak ang pagkakaroon na naman ng mas maraming bilang ng mga nahahawa ng Covid 19 sa Metro Manila, at sa Bulacan, Cavite, at Laguna, gaya ng nauna ng nangyari.

Sa kasalukuyan kasi, ayon sa OCTA Research Group official, nasa alanganin pa din ang sitwasyon ng Covid 19 sa mga lugar na ito. Hindi pa din naaabot, ayon sa OCTA research, ang katanggap-tanggap na bilang ng mga nahahawa, at malaki pa din ang bilang mga tinatamaan araw-araw. Kung patuloy na madami ang nahahawa araw-araw, sa bilang na hindi bumababa sa pitong libong katao araw-araw, nagpapatuloy din ang bagsik ng Covid 19, dagdag pa niya.

***

OCTA RESEARCH GROUP, NAGBABALA LABAN SA PAG-ALIS NG MECQ SA NCR BUBBLE: Batay sa mga datos ng Department of Health, sinabi ng iba pang mga opisyales ng OCTA Research na may apatnapu at tatlong ospital at infirmaries sa Metro Manila ang punum-puno pa din ng mga pasyente, habang limampu at siyam namang iba pa ay nasa mas mataas na antas na ng critical level, mula noong Abril 24.

Isa sa mga pangunahing dahilan nito, ayon pa sa OCTA Research, ay ang kabiguan ng mga pamahalaang lokal sa NCR Bubble na supilin ang paglobo ng bilang ng mga nahahawa ng Covid 19 sa kanilang mga lokalidad. Kung sa ngayon ay ibabalik na ng gobyernong Duterte sa GCQ ang katayuan ng NCR Bubble, tiyak na sasabog na naman ang bilang ng mga tatamaan ng virus sa kanilang mga nasasakupang mamamayan. Hindi magtatagal at kakalat na naman ang pandemya sa mga katabing bayan o lungsod, dagdag pa ng OCTA Research.

Ayon kay NEDA Director General Karl Kendrick Chua noong Lunes, hindi na kaya pa ng buong bansa na nananatili ang mga istriktong regulasyon sa MECQ status ang Metro Manila, dahil napakalaki ng kontribusyon nito sa pangkalahatang pagsulong ng ekonomiya. Sinabi ni Chua, 42.6 na porsiyento sa service sector at 20 punto 8 porsiyento naman sa industrial sector ang nagmumula sa NCR, at hindi ito natatanggap ng bansa ngayon dahil sa kaniyang MECQ status.

***

PAGBABAGO SA ISIP NG MGA TAO, DAPAT ISULONG NG MGA SIMBAHAN: Samantala, ayon naman sa Flipino think tank group na Dimensions And Solutions Inc., ang isang taktikang dapat bigyang pansin ng gobyernong Duterte at ng I.A.T.F. ay ang pagkakaroon ng maraming mga pamilyang Pilipino ng sarili nilang mapagkakakitaan, bagamat sila ay naka-quarantine sa loob ng kanilang mga tahanan.

Magagawa ito sa pamamagitan ng mga urban gardening initiatives, kung saan bibigyan ng gobyerno ng libreng mga buto at mga gamit sa hydrophonics cultivation ang mga pamilya. Marami na ang nakakagawa nito sa kasalukuyan, ayon sa Dimensions And Solutions, Inc., at gagayahin na lamang ng gobyerno ang kasalukuyang sistema.

Magagamit din kasi ang hydrophonics cultivation sa pag-aalaga ng tilapia, hito, o iba pang mga isda ng hindi na kailangan ng malaking gastos. Kasabay itong pag-aalagang ito ng mga isda ng pagpapalaki ng mga hydrophonics plants o vegetables, ayon naman kay Professor Noi T Albo, ang pinuno ng think tank group.

Ipinanawagan din ng Dimensions And Solutions Inc. ang pakikipagtulungan sa gobyerno ng mga pinuno ng mga simbahan sa bansa upang turuan ang kanilang mga kawan na magkaroon ng bagong pag-iisip. Masyado na kasing nasanay ang mga Pilipino sa kaisipang nagta-trabaho sila sa mga kompanya o sa mga paktoria, o sa abroad, na lahat ay nakadepende sa buwanang suweldo.

Ang kailangan ngayon, baguhin ang kaisipan ng mga tao at ibigay sa kanila ang kamalayan na pupuwede din silang maging mga negosyante, mangangalakal, o di kaya ay enterpreneur. Maliliit lamang ang magiging umpisa ng mga negosyo o kalakal na ito, pero mabubuksan nito ang isip ng mga pilipino na ang tunay nilang kapalaran ay ang pagkakaroon ng sarili nilang ikabubuhay, gamit ang kanilang sariling mga puhunan.

***

REAKSIYON? TANONG? Cellphone: 0947 553 4855. Email address: batasmauricio@yahoo.com. FB Messenger: Melanio Lazo Mauricio Jr.

The post NEDA: “walang kadala-dala” sa COVID 19 restrictions appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
NEDA: “walang kadala-dala” sa COVID 19 restrictions NEDA: “walang kadala-dala” sa COVID 19 restrictions Reviewed by misfitgympal on Mayo 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.