INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila’y nararapat sa parusa…” (Roma 13:1-2, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
PANAWAGAN SA MGA MANGGAGAWA NG MUNDO SA 2021 LABOR DAY: Nakikiisa po tayo sa paggunita ng Labor Day ngayong May 01, 2021, at pati na sa lahat ng mga nakaraang taon na ipinagbubunyi ng buong mundo ang mga manggagawa. Marapat lamang pong kilalanin ang dakilang kontribusyon ng mga manggagawa sa pag-unlad di lamang ng mga bansa kung saan sila nanduduon kundi ng buong mundo.
Kung tutuusin, sila po ang tunay na nagpapa-ikot ng mundo. Kung wala sila, lalo na ngayong dalawang taon ng hindi lumulubay sa pananalasa ang COVID 19 sa daigdig, matagal ng bagsak ang maraming ekonomiya, at mahaharap na sa grabeng taggutom ang maraming mga tao.
Kaya lamang, may kahilingan po tayo sa mga manggagawa, lalo na sa iba’t ibang militanteng grupo, sa Pilipinas at sa buong mundo. Sa kanilang paggunita taon-taon, isama nila ang pagpapasalamat sa Diyos sa Kaniyang kabutihan sa kanilang lahat. Kasama sa pagpapasalamat nilang ito ang pagsunod sa mga utos ng Diyos, lalo na sa utos na huwag lalaban sa mga namamahala, kahit na gaano pa katiwali ang mga pinunong ito.
***
KONGRESO AT MGA GRUPONG SIMBAHAN, NAGGIGIRIAN SA ISYU NG DIBORSIYO SA PILIPINAS: Sa kabila ng mabangis na pagtutol ng mga grupong simbahan at ng kanilang mga kaalyadong personalidad at mga samahan, lalo namang nagpupursigi ang mga mambabatas sa Kamara de Representantes at sa Senado upang magkaroon na ng batas na pumapayag sa diborsiyo o pagpapawalang-bisa sa kasal ng mag-asawa sa Pilipinas.
Ayon sa isang masusing tagapagmasid ng mga kaganapan sa larangan ng pamilyang Pilipino, hindi magtatagal at tiyak may bibigay sa dalawang sektor na ito, na magiging dahilan upang, una, magkakaroon na nga ng diborsiyo sa bansa, o ikalawa, tuluyang na itong malilibing sa limot.
Sa pagsasaliksik ng Kakampi Mo Ang Batas, lumilitaw na sa talaan ng Kamara de Representantes, nagpapatuloy ang mga kongresista natin sa puspusang pagtalakay ng tatlong panukalang batas sa diborsiyo, na naisumite na noong pang nag-umpisa ang taong 2020. Ito ay ang House Bill No. 100, House Nill No. 838, at House Bill No. 2263.
***
THINK TANK GROUP NAGPAPANUKALANG LAGYAN NG PERIOD OF EFFECTIVITY ANG MGA KASAL SA PILIPINAS: Batay sa pagkaka-akda sa tatlong panukalang ito, ginagawa nilang mas madali ang pagpapawalang-bisa ng kasal ng mag-asawa, dahil inaalis nila ang kasalukuyang mga mabibigat na batayan sa ilalim ng Family Code of the Philippines upang mapawalang-bisa ang kasal ng mag-asawa.
Ang mga mabibigat na batayang ito ng Family Code ay ang psychological incapacity, o kawalan ng kakayahan sa isip upang gampanan ng isa sa mag-asawa, o silang dalawa mismo, ang mga tungkulin bilang mag-asawa, lack of consent, o kawalan ng pagsang-ayon nila sa kasal, at inability to bear a child, o kawalan ng kakayahang magka-anak.
Sa harap ng mga isyung ito, may panukala ang Filipino think tank group na Dimensions And Solutions, Inc. tungkol sa pagkakaroon ng period of validity ng isang kasal. Sa ilalim ng panukala ng grupo, ituturing ang kasal na hindi permanenteng pagsasama at, gaya ng ibang mga kasunduan o kontrata ng mga tao, lalagyan ito ng period of effectivity, o bilang ng mga taon na ito ay may bisa.
Pagdating ng huling araw ng pinagkasunduang bilang ng mga taon na may bisa ang kasal, maaaring ituloy na lamang ng mag-asawa ang kanilang pagsasama, at, dahil diyan, ituturing din na ang bisa ng kanilang kasal ay pinalawig sa naunang panahon o bilang ng mga taon na ito ay may bisa.
***
REAKSIYON? TANONG? Cellphone: 0947 553 4855. Email address: batasmauricio@yahoo.com.
The post Panawagan sa mga manggagawa ng mundo sa 2021 Labor Day appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: