NASA kabuuang 1,118 katao na ang namamatay sa kabisera ng bansa dahil sa COVID-19 hanggang Mayo 6, 2021.
Ito ang malungkot na balita ni Manila Mayor Isko Moreno, na nagsabing isa sa dalawang pinakahuling biktima ay barangay chairman at kaibigan pa niya.
Dahil dito ay muling inulit ng alkalde ang kanyang panawagan sa lahat na magpabakuna upang mabigyan ang kanilang katawan ng karagdagang depensa laban sa pagkauwi sa severe o critical condition sakaling dapuan ng coronavirus. Hindi man aniya nakapagdudulot ng immunity ang bakuna, ay garantisado naman na magdudulot ito ng karagdagang proteksyon.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng 395,000 indibidwal ang nagpahiwatig ng kanilang kagustuhan na maturukan ng libreng bakuna sa pamamagitan ng pagrerehistro sa manilacovid19vaccine.com.
Sinabi ng alkalde na ang mga nakatanggap ng text message mula sa city government para sa kanilang first dose pero hindi nakapunta ay maari pa ding tumanggap ng kanilang libreng bakuna kapag sila ay available na.
“Even if you missed your first dose, you may go to any of our vaccination sites anytime pag may first dose deployment. Not on the second dose deployment. You won’t be accommodated because the number of doses are just enough to cover those who got their first dose and are slated to get their second,” ayon kay Moreno .
Inaanunsyo ni Moreno sa kanyang Facebook account ang mga schedule ng vaccination kabilang na ang mga designated sites kung saan ang mga interesado ay maaring magtungo para sa kanilang first o second dose.
Sa tuwing nakakatanggap ng bakuna ang lungsod mula sa national government, ay agad na dini-deploy ito ni Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna sa mas maagang panahon.
Palagian din ang panawagan nina Moreno at Lacuna sa mga residente ng Maynila na patuloy na gawin ang basic health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at social distancing.
Ang kabuuang confirmed, active COVID-19 cases sa Maynila ay 2,281 kung saan 231 ay bago, habang ang mga naka-recover naman ay 56,185 kung saan 333 ay kagagaling pa lamang.
Sa katunayan, maging ang mga fully vaccinated at mga gumaling sa COVID-19 ay pinaalalahanan pa rin ni Moreno na mag-ingat at huwag magpapabaya.
Sa kaso naman ng mga nakatanggap na ng kanilang second dose, sinabi ni Moreno na maaari pa din silang ma-infect ng virus, yun lamang ay hindi na sila mauuwi sa severe o critical condition bunga ng proteksyong dulot ng bakuna. Sa kabilang banda ay pinaalalahanan din niya sa mga COVID survivors na maaari pa din silang tamaan ng impeksyon sa ikalawang ulit kung hindi sila magiging maingat. (ANDI GARCIA)
The post Patay sa COVID-19 sa Maynila, 1,118 na — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: